Part 4

7.7K 193 1
                                    

"Ayon dito sa datos mo, thirty percent lamang ang nagawa mong kasalanan sa lupa. Makakapasok ka lang sa loob ng impyerno kapag higit eighty percent ang nagawa mong matitinding kasamaan," paliwanag ng malahalimaw na bantay kay Kiara.

"Ano namang mga kasamaan ang dapat kong gawin?" mahaba ang ngusong tanong niya. Kahit pala impyerno ang arte! Pfft!

"Ang pumatay ka, magnakaw ka, mang-rape, mag-drugs, manlinlang ng tao, magsugal, manakit, at iba pang mabibigat na kasalanan."

Literal na nalaglag ang panga ni Kiara. Paano naman niya magagawa ang mga iyon? Oo masama siya, pero hindi naman gano'n na kasama. Manlait ng tao, mam-bully, magtsismis, at magsinungaling. Mga gano'n lang ang mga expert niya. Mga mababaw na kasalanan lang.

"Pero hindi ba may mas madaling gawin maliban sa mga matitinding kasalanan na 'yan?" sabad ng itim na anghel

Dumako ang tingin ni Kiara kay itim na anghel. "What is it?" and she asked right away. Of course, anyone would prefer the easier way.

Ngumisi muna ang anghel na itim bago siya sinagot. "Iyon ay ang magawa mong kampon ng kasamaan ang isang taong mabait o naglilingkod kay kalaban."

"Kalaban?"

"Alam mo na 'yon. Mas bawal banggitin dito 'yon."

Napatango-tango si Kiara. Naisip niya na 'yong kalaban ay ang Maykapal.

Bigla na namang kumidlat at sa puntong iyon ay mas malakas. Doon na siya binatukan ni itim na anghel. Sabing huwag isipin o banggitin, eh! Gusto mo bang matusta tayo kapag tinamaan tayo ng kidlat?!"

"Aray!" angal niya na napahawak sa kanyang ulo.

"Pasaway ka talaga!"

"Kaya nga napunta rito, 'di ba? Tange!" angil niya. Itinulak niya sa balikat ang anghel na itim bilang ganti.

Muntik na talaga silang magkasapakan kung hindi lang muling nagsalita ang tagabantay ng impyerno. "Ikaw na ang bahala kung anong gagawin mo. Pumatay ka. Magnakaw ka. Bahala ka na. Basta ako kailangan ko nang umalis," anito sa kanya at tumalikod na.

Siya naman ang itinulak ng itim na anghel nang wala na ang tagabantay. Muntik na siyang matumba sa mabahong putikan.

"Ikaw sumusobra ka na talaga!" duro niya rito.

"Bakit ikaw naman ang nauna, ah!" singhal din nito sa kanya.

Nagkatinginan sila nang masama. Pero dahil siya ang may kailangan sa itim na anghel ay siya na ang naunang kumalma. "Sige na, sabihin mo na sa 'kin kung ano 'yung pinakamadaling paraan para madagdagan ang puntos ko sa pagiging masama at makapasok na ako sa impyerno."

Nagliliyab pa rin ang mga mata ng anghel na itim sa inis. "Madali lang 'yon," pero mayamaya ay pabalang nitong sabi sabay halukipkip. Hindi rin nakatiis.

"Ano nga?!" atat niya.

"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!"

"Eh, sino naman ang taong 'yon?"

"Aba'y bahala ka nang maghanap. Problema mo na 'yon. Huwag kang umasang tutulungan kita dahil hindi namin 'yon gawain dito. Ang magagawa ko lang ngayon ay ibalik ka ulit sa lupa. Ikaw na ang dumiskarte kung paano mo mahahanap ang taong misyon mo."

Natampal ni Kiara ang sariling noo. Talagang pinapahirapan siya, ah. Pero sige lang, sa ngalan nang pagkikita nila ng Papa niya sa impyerno ay go lang siya. Hindi siya susuko.

"Ready ka na?"

"Saan?"

"Sa pagbabalik mo ulit sa lupa, ano pa? Bobo talaga!"

Napakagat-labi si Kiara. Kahit na nanggigil siya ay no choice siya kundi ang tumango. Kaysa patulan niya ang demonyitang anghel ay pinili niyang magpakahinahon.

Kasalanan 'to ng lola niya, eh. Lagi ba naman kasi siyang sinasaway kapag gumagawa siya ng kasalanan noon. Dapat daw maging mabuting anak at bata raw siya, gano'n, ganyan. Tuloy na-delayed pa ang pagkikita nilang mag-ama. Kung alam niya lang na mangyayari ito ay sana ninakawan na lang niya nang ninakawan noon ang mga kaklase niya ng baon at pera. O kaya pinag-uupakan na lang niya ang mga loser na mga iyon. Sana mas madami pa siyang binully na panget sa school.

Sayang. Sana hindi na lang niya pala sinunod ang lola niya.

"Okay, babalik na tayo sa lupa. Ngayon na." Sa isang pitik ulit sa ere ng itim na anghel ay muling nagbukas ang kinatatayuan nila. Padausdos ulit ang pagbagsak nila.

"Aaahhh!" napakahabang sigaw ulit ni Kiara. At sa isang malagkit na namang lupa siya bumagsak. Ang malas pa dahil semento na iyon na may lupa lang kaya mas masakit.

"Aray ko po," panaghoy niya dahil mas masakit na ang tumamang puwitan niya kaysa kanina.

Hawak-hawak niya ang puwitan niyang nabalian na yata ng buto na tumayo. Nakangiwi ang mukha niyang tumingala sa taas. "Kayo wala talaga kayong awa, eh, 'no?!" tapos singhal niyang turo roon, pero nang maisip niyang langit pala ang kinakausap niya ay bumaba ang tingin niya. "Ay, kayo pala!" saka pagkokorek niya.

"Demonyo nga, 'di ba? Masama nga kami, 'di ba?" narinig niyang pang-asar na boses ni itim na anghel.

Inilibot niya ang paningin. "Where are you?! Magpakita ka! Papatayin kita!"

Kaso ay wala nang sumagot sa kanya. Napamaywang na lang siya. Hanggang sa napansin na niya na may lalaki pa lang nakatayo sa harapan niya. Lalaking kasing edad niya yata. Mga eighteen or seventeen gano'n. Nagtataka ang hitsura nitong nakatingin sa kanya. May hawak itong walis tingting at timba.

"Who are you?" pasupladang tanong niya. Tiningnan niya ito ng pataas at pababa.

"Ako si Kevin. Ikaw? Sino ka? Bakit bumagsak ka mula sa taas dito sa piggery namin?" alanganing sagot at tanong ng binata sa napakaamong boses.

Ano'ng sabi? Piggery? Aguy naman talaga!

Umasim ang mukha niya na napatingin-tingin sa paligid. Piggery nga ang binagsakan niya. Ang daming oink oink.

Naku, humanda talaga sa kanya ang itim na anghel na 'yon kapag nakita niya. Sa dinami-dami ng puwedeng bagsakan ay dito talaga? Sa babuyan talaga? Grrr!

But wait!

Balik-tingin si Kiara sa lalaki. Paanong nakikita pala siya ng lalaki gayong kaluluwa na siya?

MAKE HIM BADTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon