"Where is he, Tita Amy?" lumulutang tanong ni Kiara. Nauupos agad siya sa natuklasan niyang kalagayan ni Kevin.
Si Kevin daw kasi ay tinakbo sa ospital noong isang gabi dahil bigla na lamang nawalan ulit ng malay. At ayon sa sinabi ng doktor na sumuri rito ay malala na raw ang cancer ng binata sa utak. Hinang-hina na raw si Kevin. Biglaan ang paggugop ng sakit nito sa katawan nito.
"Ate?" Hinawakan ni Bubong ang isang kamay niya. Nakikisimpatya ang bata.
"Nasa ospital siya. Halika, Kiara, dahil pangalan mo ang lagi niyang nabibigkas kapag nagdedeliryo siya. Kailangan ka niya," sobrang iyak din na sabi ng mabait na ngayong ginang.
Bago ang lahat ay humihikbi na inilabas muna ni Kiara ang wallet na napulot ni Bubong.
"Nasa sa 'yo?" Nagtaka man ang ginang ay makikitang naginhawaan naman ito.
"Napulot po niya," tigmak ang luhang sagot niya sabay turo kay Bubong. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harap ni Bubong. Kakausapin niya muna ang bata at magpapaalam. Sa tingin niya ay mas kailangan siya ngayon ni Kevin. Wala na siyang pakialam sa misyon niya. Siguro naman sa gagawin niyang pagsuway sa kanyang misyon ay mapupunta pa rin siya sa impyerno. Siguro ay maghihintay na lang siya kung kailan niya makikita at makakausap ang kanyang papa. For now, habang naririto pa siya sa lupa ay aasikasuhin niya muna si Kevin.
"Ano, Bubong, hindi na ako makakasama sa iyo sa—" suminghot siya.
"Ate, sige na. Okay lang po. Okay lang po ako," sabi ni Bubong nang hindi na siya makapagsalita pa. Hikbi na lang kasi siya nang hikbi. "Puntahan mo na siya, Ate. Bilisan mo."
Pinilit niyang ngumiti sa bata. Kahit ilang oras palang silang nagkakilala at nagkasama ni Bubong ay napalapit na ito sa kanya. "Mag-iingat ka lagi, ha? Pakabait ka. Alagaan mong mabuti ang nanay mo."
Kahit ang bata ay naiyak na. "Opo, Ate."
"Don't worry, kapag may pagkakataon ay dadalawin kita."
Yakap na ang itinugon ni Bubong sa kanya. Saglit silang nagyakapan, nagkahiwalay, nagngitian at nagba-bye. Pagkatapos ay nagmamadali na sila ni Tita Amy ni Kevin na tinungo ang ospital. Kung siya lang ang masusunod ay gagamitin na lang niya sana ang powers niya para marating agad ang ospital, pero hindi puwede. Ayaw niyang manghinala ang ginang sa pagkatao niya.
"Siya nga pala, Kiara. Gusto ko sanang humingi ng sorry sa mga ipinakita ko sa 'yong masamang ugali. Pasensiya ka na, ha? Sana makabawi ako sa 'yo," ang hindi niya inasahan pa na pagkukumpisal sa kanya nito habang sakay sila ng taxi.
Nagtataka man ay ngumiti siya rito. Hindi na siya magtatanong kung bakit bigla itong nagbago. Ang mahalaga naman ay parang nagbago na ito para kay Kevin dahil nangutang pa ito ng pera para ipagamot ang pamangkin. Understood na 'yun. Ganito naman ang mga tao, eh, saka lang malalaman o mararamdaman ang kahalagan ng isang tao kapag wala na o mawawala na.
"Huwag niyo na pong isipin 'yun." Walang halong kaplastikan na ngumiti siya sa ginang.
At ang hindi niya lalo inasahan ay ang yayakapin siya nito. "Sorry talaga. Sana mapatawad din ako ni Kevin sa mga ginawa ko sa kanya. Sana kasi ay sinabi niyang may sakit siya. Sising-sisi ako sa mga ginawa ko. Ang lupit ko. Ang lupit ko sa kanya."
"Mabait po si Kevin. Maunawin na tao. Kaya alam kong wala po 'yun sa kanya. Mahal ka po niya. Mahal na mahal," pag-aalo niya sa ginang. Siguro nga ay sumasama ang pakiramdam ni Kevin o nagtatampo o nagagalit ito sa tiyahin pero alam niya na mahal na mahal ni Kevin ang Tita Amy nito kaya tiwala siya sa mga sinasabi niya. Isa pa, kung iisiping maigi, na kahit naman walang mapuntahan na ibang kamag-anak si Kevin kung talagang galit ito sa tiyahin nito ay dapat lumayas na ito. Pero hindi. Kahit anong lupit ng Tita Amy nito ay nanatili pa rin si Kevin sa puder nito. At isa lang ang alam niyang dahilan, hindi kayang iwanan ni Kevin ang tiyahin dahil mahal nito ang Tita Amy nito.
Napahagulgol na ng iyak ang ginang. Mas humigpit ang pagkakayakap sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang pagsisisi ng ginang kaya napapangiti siya. Siguradong masaya na ngayon kahit paano si Kevin dahil mabait na ang tita nito.
Hindi nagtagal ay narating nila ang ospital. May pagmamadali at magkasundo na silang tinungo ang charity ward kung saan naroon ang binata.
At sobrang awa ang naramdaman niya para kay Kevin nang makita at malapitan na niya ito. Nakakalunos ang hitsura ni Kevin. Namumutla ang mukha nito na nakakabitan ng oxygen at ibang mga aparato.
"What happened? Bakit nagkaganito siya agad? Ilang araw lang akong nawala, ah?! Bakit ganito na agad?" rumaragasa ang mga luha niyang mga tanong. Hindi mailarawan ang kanyang pakiramdam. Nanginginig ang kanyang mga kamay na hindi alam kung anong unang uunahin na hawakan kay Kevin. Sa kamay ba? O sa braso? O sa mukha? Hindi niya alam dahil parang kahit anong hawakan niya ay baka masasaktan niya si Kevin.
Tumalikod na lamang ang ginang na si Amy. Hindi nito kayang makita ang emosyonal na muling pagkakakita nina Kiara kay Kevin. Talagang nakakaiyak na kahit nga ang mga bantay ng ibang pasyente ay nadala sa pag-iyak ni Kiara.
"Kevin..." Mas pinili na lamang ni Kiara na yumakap sa dibdib ni Kevin. Doon siya nag-iiyak. Kung alam lang niya, kung alam lang niya na ganito na ang mangyayari kay Kevin sa napakabilis na araw ay hindi na siya dapat umalis pa. May duda na nga siyang may sakit ito pero iniwan pa rin niya. Naiinis siya sa sarili niya. Inis na inis.
Ang hindi alam ni Kiara ay lihim na nakamasid pala si Itim na Anghel sa kanya. Ngunit ito man ay parang ayaw umeksena ngayon sa pagitan ng dalawa. Napapailing na lang ito at napapabuntong-hininga. Hindi tama ang ginagawa ni Kiara, ngunit ayaw kumilos ng katawan nito para pigilin ang dalaga. May nagtatalo sa isip ng itim na anghel na ngayon lang nito naramdaman simula naging itim na anghel ito.
"K-Kiara?!" mayamaya ay mahinang sambit na ni Kevin. Nagising na ito. Ang lamya ng mga mata nito at ang hina ng boses.
"Kevin, ano'ng nagyari sa 'yo?" Mas naiyak si Kiara. Parang ayaw na niyang kumawala sa pagkakayakap sa binata.
"B-buhay pa ako. B-bakit mo na ako iniiyakan?" nagawa pa ring ibiro ni Kevin sa napakahina nitong boses.
Kumawala siya saglit sa pagkakayakap sa binata para sawayin ito. "Huwag ka ngang magsalita ng ganyan."
Pinilit na ngumiti ni Kevin saka inilahad nito ang dalawang kamay. Nag-aanyaya sa muling yakap, na tinugon naman agad niya. Yumakap ulit siya kay Kevin, sa bandang ulo naman. Kinulong niya sa dibdib niya ang ulo ng binata.
Pinaramdam na nila ang pagmamahal sa isa't isa. Pagmamahal na hindi na kailangang pag-usapan pa. Sapat na ang higpit ng kanilang mga yakap.
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasy"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...