"Buwisit na buhay 'to, oo! Buwisit talaga! Wala na ngang pera may nagkakasakit pa!" Galit na galit si Aling Amy, ang tita ni Kevin. Nagdadabog ito habang naghuhugas ng mga pinagkainan. Kahapon pa ito talak nang talak mula nahimatay si Kevin. Wala man lang mababakas dito kahit konting awa o pag-aalala. Ni hindi naisip na itakbo sa ospital ang pamangkin.
Ang malakas na boses iyon ng ginang ang nagpagising kay Kevin. Dali-dali siyang bumangon dahil alam niya agad na umaga na. Nga lang ay anong pagtataka niya nang nakita niya ang isang babaeng nakaupo sa gilid ng kama niya at nakangiti sa kanya.
Babae na ang cute. Maputi at singkit ang mga mata. Manipis ang mga labi na natural ang pagka-pink. Bagay na bagay ang hush cut nitong buhok sa bilugan at makinis nitong mukha.
"Hi," bati ng babae sa kanya. "How are you feeling? Hindi na ba masakit ang ulo mo?"
Naalala na niya ito. Siya 'yung babaeng makulit sa piggery. Si Kiara.
"Bakit nandito ka pa?" tanong niya sa mahinang-mahina na boses. Hindi pa siya okay, pero pinilit niya pa ring bumangon. Sapo niya ang ulo na may kirot pa rin kaunti.
"Oy, humiga ka lang muna. Baka sasakit na naman 'yang ulo mo," pigil sa kanya ni Kiara pero nakatayo na siya.
"Hindi ako puwedeng humiga lang. May trabaho pa ako," nanlalatang aniya.
"Pero—" Hindi naituloy ni Kiara ang sasabihin dahil sumigaw nang malakas ang tiyahin niya sa labas.
"Ho! Buhay na 'to! Mas maganda pa yatang aso na lang ang palamunin may silbi pa! Leche!"
Nagmadali na si Kevin. Lumabas agad siya ng kuwarto. "Tita, gising na po ako. Papasok na po ako sa palengke."
"Abay, buti naman! Nang may mapala naman ako sa 'yo! Sige na kilos na!"
Naiwan si Kiara na nakatanga sa silid ni Kevin ng ilang segundo. She was frozen in place. Grabe, Kevin's aunt was really mean. Kung hindi lang masamang pumatay, eh, dumutdot na siya.
She sighed. Sigurado na magiging kanang kamay sa impyerno ang masamang tiyahin ni Kevin oras na mamatay ito. Ang sama talaga.
Teka lang. Napalabi si Kiara. Hindi nga ba ay nandito siya sa lupa ngayon para maghasik ng kasamaan? Patayin na lang kaya niya ang tiyahin ni Kevin? Sigurado matutuwa si itim na anghel sa kanya. Dagdag puntos din niya iyon.
She grinned devilishly.
"Hindi puwede. Pamilya pa rin siya ni Kevin kahit nuknukan siya ng sama. 'Tsaka sino na ang makakasama ni Kevin sa buhay kung papatayin ko siya?" ngunit siya rin ang sumuway sa naisip niyang ideya.
"Aalis na po ako," narinig niyang paalam ni Kevin.
"Luh, iniwan ako?" sambit niyang nataranta. Kumaripas siya ng labas. Kailangang nakabuntot siya lagi sa binata dahil siya nga ang misyon niya.
"Hoy! Sino ka?" nagtakang bulyaw sa kanya ng tita ni Kevin nang makita siya.
Natigilan at napangiwi siya. Hindi pala siya naka-invisible. Ano ba 'yan! Hindi siya nag-iingat!
"Bye po," kaway na lang niya sa masamang tiyahin bago kumaripas ng takbo.
"Hoy!" narinig pa niyang sigaw ng tita ni Kevin pero hindi na niya pinansin. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa maabutan niya si Kevin. Hingal na hingal siya.
"Ikaw na naman?" gulat na sambit ni Kevin nang kalabitan niya ito sa balikat.
"Grabe, ang bilis mo namang maglakad. Nakalayo ka agad," habol ang hininga niyang reklamo. Napahawak siya sa mga tuhod niya.
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Фэнтези"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...