Naglandas pa ang masaganang luha niya habang nakatitig sa imahe ng nakapakong si Jesus sa altar ng maliit na kapilya ng hospital. Blangko ang kanyang isipan, pero ang puso niya ay taos pusong humihingi ng kapatawaran. Nasusumamo. Humihingi ng isa pang pagkakataon na hayaan siyang mabuhay ulit, na hayaan sana siyang makasama pa ng matagal ang lalaking kanyang pinakamamahal.
"Aaahhh!!!" mayamaya ay malakas na palahaw niya. Nararamdaman na niya ang unti-unti niyang paglalaho. Sobrang sakit. Para siyang nasusunog. Para siyang hinahati ng pinong-pino. Napakahapdi.
Pagkuwa'y napatingin siya sa kanyang mga palad. Nagliliwanag ang mga iyon habang parang abo iyon na unti-unting tinatangay ng hangin sa kung saan-saan. Nalulusaw na siya. Naglalaho na.
"Kiara!" sigaw ni Kevin. Umiiyak na rin ang binata. Nagkandasubsob ito nang pinipilit nitong tumayo para puntahan siya.
"K-Kevin," mahinang sambit din niya sa pangalan ni Kevin. Kitang-kita niya ang pagpipilit ni Kevin na makatayo mapuntahan lamang siya. Napaluhod siya na nag-iiyak. Hanggang braso na niya ang tinatangay ng kawalan. Takot na takot na siya.
Mangha-mangha naman ang Tita Amy ni Kevin sa nangyayari. Sa nakikita ay alam na ulit nitong mag-sign of the cross. Kilala na ulit nito ang Diyos.
Habang si itim na anghel ay napayuko na lamang ng ulo. Wala na itong magagawa pa para kay Kiara. Ang tigas ng ulo, eh. Kung nakinig lamang sa kanya ang dalaga, hindi sana mangyayari ito.
"Kiara..." Nang sa wakas ay nagawa ring makatayo ni Kevin. Kumaripas ito ng lapit sa dalaga saka walang anumang niyakap niya nang mahigpit. Buong pagmamahal, dahil ngayon batid na nito ang nararamdaman. "Mahal kita, Kiara. Mahal na mahal. Huwag mo ako ulit iwan. Hindi ko na kakayanin pa."
Lalong nag-iiyak si Kiara. "Mahal na mahal din kita, Kevin. S-sorry..."
Biglang nagliwanag ang kanilang kinaroroonan. Takang napatingala ang dalawa dahil ang liwanag ay parang nagmumula sa langit. Tapos ay nagkatinginan sila. Nagngitian at muling nagyakapan. Hanggang sa hindi na maramdaman ni Kevin ang mga yakap ni Kiara, kasabay ng paglaho rin ng liwanag na iyon at ni itim na anghel.
Naglaho na ang dalaga. Wala na si Kiara.
.
.
.
"Uha! Uha! Uha!" Walang nakakaalam na kasabay niyon ay ang pagsilang ng isang napa-cute na sanggol na iniluwal ng isang babae sa ospital din na iyon sa mga oras ding iyon.
"Misis, it's a healthy baby girl. Congratulations," sabi ng OB Gyne na nagpaanak sa babae.
"Salamat po, Doc. Kiara. Kiara po ang gusto kong ipangalan sa kanya," sabi ng pagod na pagod na ina bago ito natulog.
.
.
.
AFTER 18 YEARS.
"Nakikiramay kami, Kevin," malungkot na saad ng isang lalaking kapitbahay kay Kevin.
"Salamat po," pinilit ni Kevin na ngumiti. Tapos ay umalis na ang lalaking nakikiramay.
Nang mapag-isa ulit si Kevin sa harap ng kabaong ng Tita Amy niya ay napatitig ulit siya rito. Namatay ang kanyang Tita Amy sa atake sa puso. Nakita na lamang niya ito sa kuwarto nito na wala nang buhay. Ang hilig kasi sa lechon baboy. Ayun na-heart attack. Tinakbo nila sa ospital pero dead on arrival na, wala na silang nagawa.
At nalulungkot talaga siya. Masakit ang biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin para sa kanya, dahil simula noong himalang gumaling siya sa sakit niyang cancer at nangyari ang mga bagay na hindi kapani-paniwala dahil kay Kiara, ay naging close na sila ng tiyahin. Naging mabuti na itong tiyahin sa kanya. Salamat kay Kiara, ang kawawang si Kiara.
"Kevin, condolence, iho." Isang matanda naman na nakikiramay ang umagaw ng pansin niya.
Tumango lang siya't mapait na ngumiti dahil ang sabi bawal daw mag-thank you kapag sinabihan ng condolence.
"Eh, pa'no ka na niyan? Wala ka nang kasama rito?"
"Okay lang po ako. Nandito naman sina Bubong at Teroy." Pinilit niya ulit ngumiti.
"Bakit naman kasi hindi ka pa mag-asawa. Mahigit trenta ka na, 'di ba?"
Hindi na talaga napigilan ni Kevin na maalala si Kiara. Simula noon ay hindi na tumibok pa ang puso niya sa ibang babae. Si Kiara pa rin ang gusto niya. At kung nasaan man ito ngayon, o naglaho na ng tuluyan, ay siya pa rin ang mamahalin niya. Wala nang iba. 'Di bale nang mamatay siyang binata.
"Oh, siya dito muna ako, iho," paalam ng matanda nang hindi siya sumagot sa bagay na iyon.
"Sige po."
Muling ibinalik niya ang tingin sa Tita Amy niya na parang natutulog lang. Mas nalungkot pa siya dahil sa pagkaalala na naman niya kay Kiara.
"Tita, kapag makita mo siya. Ikumusta mo ako sa kanya," at lihim niyang naibulong sa Tita Amy niya.
SA IBANG banda. Isang kotse ang tumigil sa tapat ng babuyan nina Kevin. Malaking babuyan na iyon ngayon dahil nagtulungan sina Kevin at Tita Amy nito sa pagpapalago n'on, kaya naman ang buhay na nila ngayon ay hindi na tulad ng dati. May kaya na si Kevin. Sa isang araw ay higit trenta na baboy na ang kanilang naibebenta. Madami na rin siyang tauhan.
"Dad, what are we doing here? Ang baho!" maarteng sabi ng dalagang bumaba ng kotse. Nakasunod ito sa kanyang ama.
"Mag-i-inquire tayo ng baboy para sa debut mo, Anak? Ayaw mo ba na magpalitson tayo?"
Kahit paano ay natuwa ang dalagitang si Kiara sa narinig. "Syempre gusto ko, Dad." May paglalambing nang kumapit ito sa braso ng ama.
Lumapit ang mag-ama sa babuyan nina Kevin.
Palinga-linga sa paligid si Kiara. Bigla ay nag-iba ang pakiramdam niya. Naging pamilyar na sa kanya ang lugar. Parang nagpunta na siya roon gayong ngayon lang naman siya napadpad sa lugar na iyon dahil sa Maynila sila nakatira. Sa Maynila na siya lumaki at nag-aral. Nandito lang siya ngayon sa Pangasinan dahil nagbabakasyon sila ng kanyang Dad.
"Saglit lang, Sir. Papunta na raw si Kuya Kevin dito," sabi ng isang lalaki sa kanyang Dad.
Nangilabot na talaga si Kiara sa narinig niyang pangalan. Sumikdo ang kaba sa dibdib niya na hindi niya alam kung para saan.
"Kevin?" ulit pa ng isip niya sa pangalang binanggit. At saka bakit gano'n?! Bakit parang natuwa ang kanyang puso sa pagkakarinig niya ng pangalang Kevin?
"Ayan na po pala siya, Sir."
Parang slow motion na napalingon si Kiara sa tinuro ng lalaking kausap ng kanyang Dad. Saktong pag-angat naman ng ulo ng lalaking naglalakad na Kevin daw ang pangalan kaya nagtagpo agad ang tingin nila. Nagkatitigan sila at kitang-kita niya ang pagtataka sa mukha ng lalaki nang parang makilala siya.

BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasía"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...