Ngingiti-ngiti si Kiara na humalukipkip nang hindi na niya matanawan si Kevin. Hindi niya ito susundan. Bahala na ang kamay nito sa kanya. Magpakasaya ito nang magpakasaya. Maghasik ng lagim kung gusto nito. Iyon naman ang gusto niyang mangyari kaya minagik niya ang kamay ni Kevin.
Bumuntong-hininga siya at tumingin siya sa loob ng bahay. Gusto niya sanang maglinis habang hinihintay ang binata sa pagbabalik nito, ang kaso'y tinatamad siya. Saka gawain iyon ng mabait kaya hindi niya gagawin.
Ini-on na lang niya ang TV, sumalampak sa sofa, at nanood.
"This is life!" aniya na pasarap buhay.
Bahala na rin sa buhay niya si Kevin. Basta siya, mag-re-relax siya ngayon. Nag-magic na rin siya ng popcorn.
"Tabi! Tumabi po kayo!" Sa kabilang banda ay naaalarmang hawi naman ni Kevin sa mga tao. Patuloy sa kakaibang pagkilos ang kanyang kaliwang kamay. Na kahit nagkandabangga-bangga at nagkanda-tapilok siya ay tuloy-tuloy pa rin sa paghila sa kanya.
"Ano ba!" simangot at pagtataray tuloy sa kanya ng isa pang babaeng nabangga niya.
"Sorry po, Ma'am. Hindi ko po sinasadya," paghingi naman niya ng dispensa. "Oy!" Ang seste, pumaspas pa talaga ang paghila sa kanya ng kamay.
"Diyos ko, ano ba 'tong nangyayari sa 'kin?" usal niya na mas natakot pa. Wala siyang magawa kundi ang magpatianod na lang sa kamay niyang may sanib yata.
Tumigil lang ang kamay niya sa isang shop. Isang shop ng mga damit.
"Ano'ng gagawin ko rito?" tanong niya sa kamay niya na napatingala sa signage ng shop. Kilala niya ang clothing shop dahil lagi siyang dumadaan doon kapag gusto niyang tumingin ng mga damit. Nga lang ay hanggang tingin lang talaga siya kasi wala naman siyang pambili.
"Sandali!" pigil niya sa kanyang kamay dahil hinila na naman siya nito papasok.
"Oy, ano'ng gagawin natin dito?" tanong niya sa kamay niya ulit. Nagmukha na tuloy siyang baliw sa ilang mga tao.
Saglit lang ay sinagot siya ng kamay. Mabilis itong kumilos. Nanlalaki na lang ang mga mata niya na sunod-sunuran.
Hablut dito, hablot diyan ng damit ang ginawa ng kamay niya. Mga damit na mga gusto niya noon.
"Wala akong pambili ng mga 'to," mahinang sita niya sa kanyang kamay. Kabadong-kabado na siya lalo na nang pumasok siya sa dressing room dala ang lima o pito yatang damit na kinuha ng kamay niya.
Ngumiti sa kanya ang babaeng tindera. Akala talaga ay bibili siya, eh, ni kusing nga ay wala siyang dala.
"Oy!" Anong silakbot na naman niya nang biglang isiniksik ng kamay niya ang isang t-shirt sa kanyang brief.
"Ano'ng ginagawa mo?! Magnanakaw ka?! Masama 'to!" saway niya sa kamay niya sa mahinang boses pero madiin. Kinuha ng isang kamay niya ang t-shirt, kaso pinigilan ito ng kamay niyang may buhay. Pinilipit.
"Aray! Aray!" hiyaw niya dahil kulang na lang ay durugin ng kamay niyang may buhay ang isang kamay niya.
"Sir, okay lang po kayo d'yan?" nabahalang tanong sa kanya ng tindera.
"O-oo. Sorry. Naipit ko lang itong kamay ko," sagot niya na ngiwing-ngiwi.
Mayamaya ay kumilos ulit ang kamay niyang may buhay. Isiniksik ulit sa brief niya ang isang t-shirt.
"Diyos ko!" usal na lang niya sa ginagawa ng kanyang kamay. At nang maayos ito at hindi na halata na may ninakaw sila ay hinila na siya ng kamay palabas.
"Wala kang nagustuhan, Sir?" nagtatakang tanong ng tindera sa kanya.
Napalunok si Kevin, at dahil sadyang mabait siya na tao ay isusumbong niya dapat ang sarili. "Miss, ano... may ninaka—" Ang kaso ay mabilis na tinakpan ng kamay niyang may buhay ang kanyang bunganga at pinilit na pinailing siya. Dikawasa'y hinila na ulit siya palabas ng shop.
Ang walang kaalam-alam na tindera ay nag-thank you pa sa kanya. "Balik kayo, Sir. Madami po kaming bagong stock na darating bukas."
"Mmp! Mmp!" Pinipilit pa rin ni Kevin na magsalita kaso ay hindi talaga siya hinahayaan ng kanyang kamay na may sapi. Hanggang sa nakalabas na nga siya ng shop. Umayos pa sa kanya ang kasamaan dahil walang security alarm ang shop.
Ayaw niya talagang magnakaw. Sana mahuli siya.
Mula bata siya ay hindi niya nagawa ang ganitong bagay. Kahit piso ay hindi niya magagawang nakawin.
"Ano itong ginawa mo?! Hindi ako magnanakaw!" galit niyang sita sa kamay niya nang makalayo siya. Binitawan na ang bunganga niya pero kinakaladkad pa rin siya.
"Ayoko! Ayokong sumama sa 'yo!" Hila na rin niya sa kamay niya. Hindi na siya makakapayag na gagawa siya ng masama. Nakipaghilahan siya kahit na mukha na talaga siyang tanga sa mga taong nakatingin sa kanya. Subalit mas malakas talaga ang kamay niya kaysa sa kanya. Wala siyang nagawa kundi ang magsunod-sunuran nang maubusan siya ng lakas. Saka lamang siya nakahinga ng maluwag nang mapansin niyang pauwi na pala ang tinatahak nila.
Pabalibag pa talagang binuksan ng kamay niya ang pinto ng bahay. Ang sama talaga.
Nagulat naman si Kiara na sa mga sandaling iyon ay naghihintay sa pagbabalik ni Kevin. Akala niya ay kung sino na ang dumating. Akala niya ay ang Tita Amy na naman ni Kevin, buti at hindi pala. Buti si Kevin na pala.
"Where have you been?" tanong ni Kiara sa binata.
"D-diyan lang," maasim ang mukha ni Kevin na sagot. At anong pamumula ng mukha nito nang walang anu-ano'y hinila ng kamay nito sa may brief nito ang t-shirt na ninakaw nito.
"Ano 'to? Ninakaw mo?" Napanganga si Kiara nang iabot ng kamay ni Kevin ang t-shirt sa kanya.
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasy"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...