"Kiara, ano ka ba naman? Daig mo pa ako sa mga bisyo mo, eh," dismayadong sabi ni Kevin. Sinisermunan nito si Kiara. "Alam mo bang masama 'yon? Ang magsugal at uminom ng alak? Tapos kababae mo pang tao."
Mistulang walang naririnig si Kiara. Nakapangalumbaba lang ito sa lamesa at nakabusangot ang mukha. Bubulong-bulong na ginagaya nito ang sinasabi ng binata.
Napabuntong-hininga si Kevin nang mahuli niya ito. "Kumain na nga lang tayo," sabi na lang niya sa huli dahil wala namang nangyayari sa pagsesermon nito sa dalaga. Sumuko na dahil nagpapagod lang siya kasasalita. "Tapos umuwi ka na sa inyo. Baka kung magtagal ka pa rito ay mapahamak ka."
Doon animo'y nagbalik ang espiritu ni Kiara. Masamang-masama ang tinging ipinukol niya kay Kevin. "I already told you, wala akong uuwian sa lugar na ito," inis niyang sabi. Paulit-ulit na lang kasi. It's so annoying na.
Lumingon sa kanya ang binatang nagluluto. Naroon sila sa kusina. Pakakainin na lang daw siya ni Kevin kaysa makipag-inuman siya sa labas.
"At ayaw kong kumain. Hindi ako gutom," sabi pa niya saka padabog na tumayo. Nagtatampong iniwan niya si Kevin. Hindi siya maka-move on na may 'bhe' na pala ito, hindi man lang sinasabi.
Paasa!
Pa-fall!
Taksil!
"Kiara, hindi ka nga puwede rito. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag makita nilang may nakatirang babae rito? Isa pa ay siguradong lagi ka lang susungitan ni Tita Amy ko. Nakita mo naman na ang ugali niya, 'di ba?" Kakamut-kamot sa ulong sinundan siya ni Kevin. At nabigla nang pumasok siya sa silid nito. "Oy, huwag ka riyan."
Hindi niya ito pinansin. Agad siyang humiga at pumitik sa ere. "Inaantok na ako. Una na akong matutulog," at aniya na patagilid na humiga. Ginawa niyang unan ang kanyang dalawang kamay. She felt comfortable. Gusto ng ilong niya ang nakapagkit na natural na amoy ni Kevin sa kobre kama.
"Hindi ka nga puwede riyan." Hinila siya ng binata.
Alam niyang gagawin iyon ni Kevin. Iyon ang ipinitik niya kanina. Idinikit niya ang katawan niya sa kama kung kaya kahit anong gawin ni Kevin ay hindi siya mahihila nito o maiaalis sa kama.
"Huwag ka sabi d'yan." Patuloy sa paghila si Kevin kay Kiara, ngunit nakapagtataka na parang naka-mighty bond na sa kama ang dalaga. Ang bagsak niya ay napagod lang sa ginawa.
Nakangiwi si Kevin na kinilabit si Kiara nang sumuko siya. Hinihingal siya't pinagpawisan. "Oy, huwag ka rito sabi."
Kunwari ay naghihilik na si Kiara hanggang sa makatulog siya ng totoo.
Walang nagawa si Kevin kundi ang lumabas na lang sa sarili niyang silid. Hindi na talaga niya alam kung ano ang mga nangyayari. Ganoon na ba siya kahina para isang babae lang ay hindi man lang niya mahila? Nakakahiya.
Napalatak si Kevin at napailing. Sabagay pumayat pa kasi siya lalo. Alam niya iyon kasi lumuwang ang mga shorts niya. Siguro gawa na nalilipasan lagi siya ng gutom.
Itinuloy na lang niya ang pagluluto at kumain ng marami. Kailangan niyang makabawi ng lakas.
Sa loob ng kuwarto ay hindi naman namamalayan ni Kiara na habang palalim nang palalim ang tulog niya ay umaangat siya nang umaangat mula sa pagkakahiga. Gawa ng nainom niyang alak ay kusang gumagana ang kanyang kapangyarihan. Hanggang sa nakalutang na siya sa hangin na natutulog.
Sa kusina ay tapos na si Kevin kumain. Nagligpit na siya ng pinagkainan at nagpasya siyang bukas na iyon mga hugasan dahil namimigat na rin ang talukap ng kanyang mga mata. Nakakaramdam na siya ng antok.
Si Kiara na masarap ang tulog ay mas lumutang pa. Nakarating na siya sa may kisame.
Nag-toothbrush na si Kevin. Nang matapos ay pumanhik na rin siya sa kuwarto. Doon na lang siya sa sahig hihiga. Subalit anong pagtataka niya nang nakita niyang wala na sa kama niya si Kiara.
"Nasaan siya?" kunot-noong nasambit ni Kevin. Maang na inilibot niya ang tingin sa loob ng kuwarto niya. Tiningnan din niya ang ilalim ng kama pero hindi pa rin niya nakita si Kiara.
Napapakamot-batok siyang napaisip. "Nasa'n na 'yon? Umuwi na kaya? Nagtampo ba sa 'kin? Pero bakit hindi man lang nagpaalam?"
Medyo nag-alala siya. Kahit pasaway kasi ang babaeng iyon ay mabait naman.
Hindi niya muna ininda ang antok niya. Lumabas siya't hinahanap si Kiara. Bumalik siya sa store nang naisip niya na baka bumalik iyon sa inuman. Ang nakapagtataka ay wala rin doon si Kiara.
"Kiara?! Kiara?!" tawag niya sa pangalan ng dalaga nang bumalik siya sa bahay. Nakarating siya pati sa piggery pero wala rin doon ang dalaga.
Sa huli, nang hindi niya pa rin mahanap si Kiara ay nagpasya na siyang pumasok ulit sa bahay. Sumuko na siya't inisip na lamang na baka umuwi na talaga si Kiara. Nakapag-isip-isip din siguro na mali na makitira ito sa kanila.
Pumasok ulit siya sa silid niya at nag-inat muna bago humiga. Ngunit halos mahiwalay ang mga eyeballs niya sa mga mata niya nang nakita niya sa kisame ang dalagang hinahanap niya. Nakalutang na tulog si Kiara.
"Aahhhhhh!!!" malakas na malakas na sigaw ni Kevin. Bumalikwas siya ng bangon. Nagkandapa-dapa at nagkandauntog-untog.
Nagising naman na si Kiara sa malakas na sigaw na iyon ng binata. At siya man ay napasigaw rin nang biglang nahulog siya mula sa kisame.
"Aguy!" atungal niya na napahawak sa balakang niya.
Tumayo siya at dinig pa rin niya ang sigaw nang papalayong si Kevin. Pumitik siya sa ere. Pina-stop niya ang lahat.
"What happened? Bakit takot na takot 'yon? Nag-magic na naman ba ako na hindi ko namamalayan?" pupungas-pungas na tanong niya sa kanyang sarili. "Minsan palpak din talaga ang bigay na powers ng itim na anghel, eh. Ay, naku."
Nakangiwi at iika-ika siyang lumabas ng bahay. Sa bakuran niya nakita si Kevin. Mas napangiwi siya nang nakita niya ang hitsura nito na naka-freeze. Paano'y para itong nakakita ng halimaw na kung makanganga ay wagas na wagas.
Hindi kaya naging halimaw ang hitsura niya kanina?
Maasim ang mukha niyangnaihimas niya ang dalawang palad niya sa kanyang magkabilang pisngi. Patay.Malaking problema yata 'to.
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasy"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...