"Sabi mo clinic? Clinic naman 'yan, 'di ba?" pagrarason ng kakamot-kamot sa ulong tricycle driver kay Kiara.
Kagat ni Kiara ang pang-ibabang labi niya na iningusan ito. Naku, pasalamat ito at may hawak ang dalawa niyang kamay kundi pumitik na siya't ginawa niya itong utak. Walang utak, eh!
"Ano po'ng sa atin?" Lumabas naman agad ang isang babaeng mula sa clinic na iyon. Ito yata ang midwife ng paanakan.
"Uhm..." Alinlangan man ay nag-'bahala na nga' sa isip niya si Kiara. Siguro naman ay may maitutulong pa rin ito kay Kevin kahit paano. "Ah, eh, emergency po. He passed out. Please help us."
"Naku, eh, ba't dito niyo siya dinala? Dapat sa hospital."
"Malayo po kasi." Walang anumang ipinasok na niya si Kevin sa loob ng clinic. Sa kama na alam niyang paanakan niya ito pinahiga.
"Hindi siya puwede rito, Miss!" Kakamot-kamot sa ulo ang babae na sumunod sa kanya.
"Hayaan mo na! Basta gamutin mo na lang siya!"
Nagsisigawan sila sa pagkakataranta.
"Pero wala akong alam diyan! Bantay lang ako rito! Wala si Doctora kaya hindi ko alam ang gagawin diyan!"
Kiara winced. "Sige ako na'ng bahala. Ano'ng mga gamot niyo rito?"
"Huh?!"
Dahil likas na pasaway, hindi na hinintay ni Kiara na sumagot ang babae. Kinalikot na niya ang mga gamit doon. Kaso puro mga matutulis na bagay lang ang mga aparato roon. Mga gamit sa pagpapaanak lang.
"Ano'ng ginagawa mo?"
"Naghahanap ng pwedeng igamot sa kanya," sagot niya sa babae na walang lingon-lingon. Patuloy siya sa pagkalkal sa mga cabinet. May nakita siyang injection. Kinuha niya iyon pero binitawan din niya.
"Wala kaming mga gamit dito tungkol diyan sa pasyente mo. Ang mabuti pa'y itakbo mo na lang siya sa ospital at baka lalo lang siyang mapaano."
"Malayo nga raw."
"Ano ba kasi'ng nangyari sa kanya?"
"Sumakit ang ulo ta's biglang nahimatay!"
"Gano'n ba?!" Tarantang may kinuha ang babae sa isang kit. "Oh, ito!" Tapos ay may iniabot sa kanya.
Ngunit anong pangungunot ng mukha niya nang makita kiya kung ano 'yon. "What the hell is this?"
"Biogesic."
Lumaki ang mga butas ng ilong niya at naningkit nang husto ang kanyang mga mata. Pigil niya ang inis na ngumiti sa babae. "Biogesic talaga? Are you kidding me?"
"Eh, sabi mo sumakit ang ulo. Ayan na, gamot sa sakit ng ulo."
Pasalamat ng babae at hindi sila close kundi nabatukan niya ito ng bonggang-bongga.
Nakita niya 'yong pang-BP. Iyon ang kinuha niya at ginamit kay Kevin, kaso napa-stop din siya. "Hindi pala ako marunong. Ikaw na lang," aniya sa babae sabay pasa niya sa aparato.
"Ano'ng gagawin ko rito?"
"I-BP mo 'yang sarili mo," pilosopo niyang sagot. Tanga, eh. "I-BP mo siya dali na!"
Kamot-ulo ulit na sumunod naman ang babae. Nga lang ay napapangiwi siya dahil ano naman ang maitutulong kay Kevin sa mga pinagagawa nila. Buti na lang naalala niya ulit ang powers niya.
Natampal niya ang sariling noo. Siya pala yata ang tanga rito.
Agad na siyang pasimpleng pumitik sa hangin. Tumaas ang dibdib ni Kevin, tapos umayos din ng higa. Meaning gumana ang powers niya. Sana lang talaga.
Mayamaya nga ay dahan-dahan nang nagmulat ng mga mata ang binata.
"Nagkamalay na siya," natuwang sambit ng babae. Pumalakpak pa.
Ngumiti naman si Kiara kay Kevin. "Are you okay?"
Napakurap-kurap si Kevin, pero nang makita nitong parang nasa ospital sila ay napabalikwas ito ng bangon. Wari ba'y natakot. "Nasaan tayo?"
"Relax, Kevin. Nandito lang tayo sa isang clinic. Dito kita dinala kasi nahimatay ka sa sobrang sakit ng ulo mo," she explained.
Subalit nakapagtatakang mas nagdilim ang guwapong mukha ng binata. "Hindi mo ako dapat dinala rito, Kiara!"
Naguluhan siya. Ito na nga ang tinulungan, ito pa ang galit? Eh, di wow!
"Umuwi na tayo!" ani pa ni Kevin. Walang anumang bumaba sa kama at lumabas.
Maang na naiwan siya roon. Hindi niya maintindihan, eh. Ano ba 'yung reaksyon na iyon ni Kevin? Sinasabi ba nito na ayaw nitong ma-ospital?
Eh?
Why naman kaya?
"Uhm, sige, Miss. Salamat, ah?" paalam niya sa babae bago niya sinundan si Kevin. Tulad sa tricycle driver kanina ay inabutan niya ito ng isang libo, syempre gamit ang powers niya.
Sa daan ay tahimik na nakasunod lang siya sa likod ng binatang naglalakad sa tabi ng kalsada. Gusto niya itong kausapin, kaya lang kasi ay nakabusangot ito. Hindi talaga maganda ang mood.
"Kevin?" Hindi niya pa rin talaga matiis na huwag magdaldal. Isa pa nag-aalala siya rito. Kahit kasi ginamitan niya ito ng powers para magkamalay, eh, galing pa rin ito sa sakit. Baka mapano na naman ito sa kakalakad.
"Kevin, pahinga muna tayo please?" samo niya.
Ang kaso ay hindi pa rin naimik ang binata. Parang hindi siya narinig. Walang sali-salitang diretso pa rin ito ng lakad na kay lalim ng iniisip.
Nag-alangan nang magsalita pa si Kiara. Ang ginawa niya ay ginaya na lang niya si Kevin sa pag-e-emote. Naalala niya tuloy nang wala sa oras ang lola niya at si Taya. Kumusta na kaya sila?
Naalala rin niya ang katawan niya. Nailibing na kaya siya? Madami kayang nakiburol sa lamay niya? Maganda kaya siya sa kabaong niya? Nahanap na kaya ang pumatay sa kanya?
Kasalanan 'to ng papa niya, eh. Kung hindi kasi ito namatay hindi rin siya mamamatay. Hindi sana ganito na gala ang kaluluwa niya at may misyon-misyon pang nalalaman.
"Sa susunod, Kiara, hayaan mo na lang akong mamatay," tinig ni Kevin na nagpabalik sa kanya sa hwisyo.
"What did you say?" gulat niyang sambit.
Tumigil sa paglalakad ang binata at hinarap siya. "Ang sabi ko, gusto ko talagang mamatay na. Kaya kapag gano'n ay hayaan mo na lang ako. Wala kang gagawin kundi ang panoorin lang ako," at paliwanag nito na may mapait na ngiti sa labi.
Parang tumigil ang oras sa pakiramdam ni Kiara sa sinabing iyon ni Kevin. Umawang din unti-unti ang kanyang mga labi habang napatitig sa napakalungkot na mga mata ng binata.
Was he just joking?
![](https://img.wattpad.com/cover/67145956-288-k297288.jpg)
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasy"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...