"Salamat po. Balik po kayo. Bili po ulit kayo." Kumaway-kaway si Kiara sa pulis na ama ni Bhe na bigla na lang nag-iba ang sadya kay Kevin. Tuwang-tuwa siya na binilang ang perang ibinayad sa kanila.
Si Kevin ang napapatulala pa rin kahit wala na ang pulis. Kahit ano'ng isip nito kasi ay hindi nito pa rin maipaliwanag ang mga nangyari. Parang mababaliw na tuloy ito.
"Hoy, okay ka lang?" Kalabit ni Kiara kay Kevin nang mapansin niyang tulala ang binata.
"Huh?" Wala sa sariling bumaling ito sa kanya.
"I'm asking you if you're okay. Kanina ka pa kasi tulala."
Napakamot sa sariling sintido si Kevin. "Ewan ko pero sa tingin ko kailangan kong magpagamot sa albularyo dahil talagang parang namamaligno na ako."
Kamuntikan na namang natawa si Kiara.
May pagmamadali na humakbang papasok ng bahay si Kevin.
"Saan ka pupunta?" Sumunod siya rito.
"Sa tingin ko kailangan kong magdasal," anito.
Nagkibit-balikat lamang si Kiara habang nakasunod pa rin sa binata hanggang sa may kuwarto. Wala na, nabaliw na.
"Shit!" Subalit anong hintakot niya nang makita niyang Bible pala ang sadya ni Kevin sa kuwarto. "Woah!" Bigla rin siyang napaurong kasi naman muntik na siyang madikit doon paglingon sa kanya ni Kevin.
"Bakit?" nagtakang tanong tuloy sa kanya ng binata.
"Ah... eh..." Humakbang siya paatras. Ang hitsura niya ay parang pinandidirihan niya iyong banal na aklat. Hindi naman sa ayaw niya iyon, ayaw lang niyang maging abo tulad ng babala sa kanya ni itim na anghel.
"Doon muna ako sa labas," aniya na lang at nagmamadaling lumabas para makaiwas.
Sa salas ay nasapo niya ang kanyang dibdib. "Phew, muntik na ako do'n, ah. Lagot na sana," sa isip-isip niya. Okay na sana siya, nang bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding init. Para siyang pinapaso.
"Ano'ng nangyayari?" kinabahan niyang tanong sa sarili. Pakiramdam niya kasi ay unti-unti siyang nalulusaw.
Hanggang sa naisip niya si Kevin. Baka nagbabasa ang binata ng Biblya kaya nasasaktan siya dahil sa kinabit niya ritong masamang powers sa kamay nito.
"Aaahhh!" hiyaw niya na napahawak sa isa niyang kamay. Para iyong nakadarang sa apoy. "Hoh! Hoh! Hoh!" Hinipan niya ang kamay ngunit mas lumala lang ang sakit na kanyang nararamdaman.
"Kevin, itigil mo 'yan!" hiyaw na lang niya para magtigil na ang binata sa pagbabasa ng Biblya.
Kumaripas nga ng labas ang binata. Nabitawan nito ang binabasang Biblya dahil sa pag-aalala sa biglaang pagsigaw ng dalaga. "Kiara, bakit?!"
Parang pagod na pagod si Kiara na napaupos sa sofa. Wala na ang sakit pero grabe ang hingal niya at pawis niya sa noo.
"Ano'ng nangyari sa 'yo?" Dinaluhan siya ni Kevin na alalang-alala para sa kanya.
Ang hindi niya alam ay kung bakit bigla siyang yumakap kay Kevin, yakap na kay higpit, pero malamang ay dahil buong akala niya kanina ay maglalaho na siya. Laking pasalamat niya at hindi nangyari. Ayaw niyang maglaho. Ayaw niya pa.
Nagulat man ay hinayaan naman ni Kevin ang yakap na iyon ni Kiara. "Okay ka lang ba? Ano'ng nangyari ba sa 'yo? Ano'ng masakit sa 'yo?"
Sunod-sunod na iling ang isinagot si Kiara. At ewan ulit niya bakit lumuluha na siya habang nakayakap pa rin kay Kevin.
Hindi na umimik si Kevin. Hinintay na lang nito na umayos si Kiara dahil naramdaman nitong nanginginig ang katawan nito. Para talagang may matinding kinakatakutan.
BINABASA MO ANG
MAKE HIM BAD
Fantasy"Maghanap ka sa lupa ng mabait na tao at gawin mo siyang masama! Iyon ang misyon mo!" Sa kagustuhan na makausap ang kaluluwa ng kanyang papa ay pinatulan ni Kiara ang ibinigay na misyon sa kanya ni itim na anghel. Hindi naman siya nahirapan dahil a...