Part 25

3.7K 134 8
                                    

"Oh, iha, ito naman ang sa 'yo. Doon mo ilagay sa tindahan na iyon kasi matanda ang may-ari niyan at walang kasama kaya walang magbubuhat para sa kanya." Isang sako ng kamatis ang inilapag ni Mang Jun sa harapan ni Kiara.

"S-sige po," alanganing sagot ni Kiara. Nangangamba niya iyong binuhat. Nangangamba siya na baka may makakilala sa kanya or worse si Kevin mismo ang makakita sa kanya.

Huwag naman sana. Ayaw na talaga niyang magkita pa sila.

Oo, miss na miss na niya si Kevin ngunit hindi na sila puwedeng magkita pa. Mas mahihirapan lang ang damdamin niya. Siya rin ang masasaktan nang husto.

"Ate, tara na," untag ni Bubong sa kanya. Ito man ay may buhat na isang sako ng gulay. Gulay na saluyot lang kaya magaan. Yakang-yaka na ng mura nitong katawan. Though hindi pa rin dapat ito nagtatrabaho ng mga ganitong trabaho. Dapat kay Bubong ay nag-aaral pa. Kung may magagawa lamang siya ay pag-aaralin niya ito.

"Ano'ng mga pinagsasabi mo? Ang misyon mo ay gawin siyang masama, hindi ba? Anong pag-aaralin ka riyan?" piping sita niya sa kanyang sarili. Pasalamat siya at wala pa si itim na anghel. Nasermunan na naman sana siya ng literal. Mind reader pa naman ang panget na 'yon.

"Ate! Hoy!" tawag na naman sa kanya ni Bubong. Nakalingon sa kanya at medyo ilang hakbang na ang layo sa kanya.

"Ah, oo. Heto na." Kumilos na siya. Lumakad pasunod sa bata. Iniyuko na lang niya ang ulo para itago ang kanyang mukha at walang makakilala sa kanya

"Nanay, ito na po ang kamatis niyo," aniya nang marating niya ang puwesto nito ng matanda.

Tumingin sa kanya ang matanda. Napatitig. At nakapagtatakang napa-sign of the cross ito.

Kinabahan si Kiara. Mukhang may special powers din ang matanda. Naku po!

"Hindi ka tao! Isa ka na lamang kaluluwa!" bigla ay nakakasilakbot na sabi na nga ng matanda. Namimilog ang mga mata nitong itinuro-turo siya. "Hindi ka na dapat naririto at nakikihalubilo!"

"Uhm, Lola, ano bang sinasabi mo?" maang-mangan niya kahit deep inside ay kinakabahan siya nang husto. Napatingin na kasi sa kanya ang ibang tindera ng mga gulay.

"Bakit nandito ka pa sa lupa?! Dapat ay nasa—"

"Lola, mukhang may amats pa kayo, ah? Uminom ka ba kagabi? Ano po beer o gin?!" tatawa-tawa niyang agaw sa sinasabi nito.

"Aba'y salbahe kang sugo ni Satanas! Lumayos ka ritong demonyita ka! Layas!"

Nakangiwi siya na humakbang na nga paalis. Lalo at nagdasal na ang matanda.

"Ave Maria, napupuno ka ng grasya..."

Nasasaktan na siya kaya naman binilisan pa niya ang paglayo roon. Ayaw niyang maging abo ng wala sa oras.

Napapabuga siya ng hangin sa bibig nang makalayo siya. Sugo talaga ni Satanas?! Grabe naman ang matandang 'yon! Ang judgmentel! Tsk!

"Ate Kiara!" tawag sa kanya ni Bubong. Ang bilis nitong tumatakbo papunta sa kanya. "Halika, Ate!" Tapos ay hinila siya nito sa kamay. Sa parte ng palengke na walang masyadong tao siya dinala ng bata.

"Ano ba 'yon, Bubong?"

"Ate, tingnan mo." Isang medyo kalakihan na wallet na pambabae ang ipinakita sa kanya ni Bubong.

Namilog ang kanyang mga mata na hinablot iyon sa bata. "Where did you get this?!" tanong niya habang binubulatlat iyon. Lalong napadilat ang kanyang mga mata nang makitang ang daming laman na pera. Tag-isang libong pisong malulutong, na tantya niya ay nasa isang daang libong piso o mas higit pa.

"Napulot ko, Ate," sagot ni Bubong.

"Saan?"

"Doon po."

"Ibalik mo," aniya agad, pero nang maalalang ito na ang pagkakataon niya upang turuan niyang maging masama ang bata ay binawi niya ang sinabi. "Ay, huwag pala!"

"Huwag nating ibalik, Ate? Eh, 'di ba masama 'yun?"

Ngumisi siya. "Bubong, masama 'yun kung ninakaw mo sana ito pero napulot mo naman, 'di ba? Kaya hindi 'yun masama. Halika na. Umalis na tayo rito. Gastusin na natin 'to."

"Pero, Ate—"

"Halika na. Bilis."

Ngunit hinila ni Bubong ang kamay mula sa kanya.

"Ayoko, Ate. Sabi ni Nanay kapag hindi sa 'yo, huwag mo raw aangkinin. Magagalit daw si Lord."

Napahiya siya. Alam naman niya iyon, nga lang ay kailangang lang niya itong gawin para maging masama ito at matapos na ang misyon niya. "Oo nga pero Bubong, hindi mo man lang ba naisip na baka napulot mo ang madaming perang ito dahil din sa nanay mo? Kasi hindi ba may sakit siya? Maipapagamot mo na siya kung sakali gamit ang perang ito."

Natahimik ang bata. Napaisip malamang. At sana maisip nito na tama ang kanyang sinabi.

"Nakita niyo ba ang wallet ko?! Baka nahulog ko rito?! Maawa kayo! Kailangan 'yon ng pamangkin ko! Ibalik niyo 'yon sa 'kin! Maawa kayo!" Nang may isang ginang silang narinig na nagwawala.

Nagkatinginan sila ni Bubong. Alam nila agad na ito ang may-ari ng wallet na pinagtatalunan nila. Sinukbit agad niya ang wallet sa likuran niya.

"Amang, baka nakita mo ang wallet ko?" parang mababaliw na ang ginang na kinakalabit at tinatanong ang mga tao.

Anong gulat ni Kiara nang lumingon na sa dako niya ang ginang dahil kilala niya pala ito. Walang iba kundi ang tita ni Kevin. Ang masamang tiyahin ni Kevin, si Tita Amy.

Nagkatinginan sila ng medyo matagal ng ginang. Kahit ito man ay nagulat sa muling pagkakakita sa kanya.

"Kiara! Kiara!" saglit ay nagmamadaling lapit nito sa kanya. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Hindi ba ikaw si Kiara? Ang girlfriend ng pamangkin ko?"

Napipi siya. Siguro ay dahil hindi niya inasahan ito. At siguro dahil parang maamong tupa na ngayon ang ginang. Anyare sa maldita na ito? Nabalian ba ng sungay?

"Tulungan mo ako, Kiara. Hanapin natin 'yong wallet ko. Nawala 'yong wallet ko. Kailangan iyon ni Kevin."

"Po?"

"Si Kevin kasi nasa ospital, Kiara. Malala ang kalagayan niya. Kaya nga umutang ako ng pera para maipagamot siya, pero nawala ko 'yong wallet ko habang bumibili ako ng prutas para sa kanya."

Natigagal si Kiara. Hindi siya agad nakakilos. Parang tumigil ang lahat sa kanya. Si Kevin? Malala ang kalagayan? Diyos ko!

Biglang kumidlat, pero wala na siyang pakialam kahit na kumidlat pa at tamaan siya dahil sa pagkakaisip niya sa Diyos. Si Kevin na lang ang nasa isip niya ngayon! Si Kevin lang!

MAKE HIM BADTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon