ICKO'S POINT OF VIEW:
Malapit na kami sa bahay noon ni Luke, tahimik lang kaming naglalakad noong mga sandaling iyon, hindi ko alam kung napapansin niya ako pero hindi ko maiwasan na hindi ako mapatingin sa kanya, para bang isa siyang magnet at ang mga mata ko naman ay mga bakal na naaakit sa kanya, hindi ko mapaliwanag pero sa iksi nang panahon na magkakilala kami ni Luke ay naging interesado ako sa kanya, para bang gustong gusto ko na mas mapalapit pa ako sa kanya, pero hindi ko pa alam kung saan hahantong ang pagiging interesado ko sa pagkatao niya at pagnanais na mapalapit sa kanya.
"Ayos ka lang ba?" ang biglang tanong sa akin ni Luke at nahuli niya ako na nakatingin sa kanya noong mga sandaling iyon, kaya naman bahagya akong nataranta pero agad kong kinalma ang aking sarili.
"Ah oo ayos lang ako, pasensiya na, medyo natutuwa lang kasi ako na tignan ka habang hawak mo 'yang tuta." Ang sabi ko bilang pagdadahilan at nakita ko naman na naniwala siya sa sinabi kong iyon, "oh nandito na pala tayo." Ang sabi ko sabay hinto sa tapat ng pet shop na siyang pagmamay-ari ni papa.
Bago kami pumasok sa petshop ay tinuro ko sa kanya ang bahay namin na katabi lamang ng pet shop, isang ngiti at tango lamang ang itinugon niya sa akin kaya naman ngumiti na lang din ako sa kanya, inaya ko na siyang pumasok sa loob ng pet shop at ako na din ang nagbukas ng pinto para sa kanya, sa pagbukas ko ng pinto ay siyang pagtunog ng chime na nakasabit lang sa tapat ng pinto na siya ding nagsisilbing tagapagbigay hudyat na may pumapasok sa pet shop.
"Oh ikaw na pala 'yan Icko, aba may kasama ka pala ha, mukhang may bago na ang anak ko ha." Ang nakangiting sabi ni papa na siyang agad na lumabas sa opisina niya nang madinig ang pagtunog ng chime, bahagya din akong nakaramdam ng hiya nang madinig ko ang mga huling salita na sinabi ni papa, at nakita ko din kay Luke na nahiya ito.
"Papa ano ba kayo." Ang sabi ko na hindi ko naiwasan mag-astang para bang isang bata, at nadinig ko ang pigil na pagtawa ni Luke at napatingin ako sa kanya muli.
"Oh bakit ano bang mali sa sinabi ko? Hindi mo ba siya bagong kaibigan?" ang tanong ni papa sa akin na para bang talagang gustong gusto ako asarin, pero sanay na ako kay papa pag inaalaska niya ako dahil natural na sa kanya 'yon siya din kasi ang masasabi kong happy pill ng pamilya namin, sobrang positibo niya sa buhay kaya naman hinahangaan ko si papa.
"Ah opo, bago ko po siyang kaibigan, siya nga pala si Luke, siya 'yung kinukwento ko sa inyo ni mama noong isang gabi, siya din 'yung nagmagandang loob na pasakayin ako noon." Ang sabi ni ko bilang pagpapakilala kay Luke kay papa, "ah Luke si papa nga pala, pasensiya ka na sa kanya, medyo mabiro lang talaga siya, sana di ka niya na-offend." Ang dagdag kong sabi.
"Naku wala 'yon, hello po, ako po si Luke, kinagagalak ko po kayong makilala sir." Ang sabi ni Luke na napakagalang sa mahinahong tono, at hindi ko naiwasan na hindi makaramdam ng tuwa nang makita ko siyang ganoon.
"Ha-ha-ha, cute nga talaga 'tong kaibigan mo anak, naku pag nakita ito ni mama mo, tiyak sasabihin sa'yo non na 'wag mo na pakawalan, cute na, magalang pa." ang pabirong sabi ni papa at hindi ko na naman naiwasan na hindi mahiya.
"Papa naman, ano ba 'yang sinasabi mo, nakakahiya kay Luke." Ang sabi ko bilang pag-awat kay papa sa pang-aalaska sa akin.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys V
Teen Fiction[BoyXBoy|Yaoi] ~Rain.Boys V~ Sa panahon na akala natin ay ayos na ang lahat, na everything falls in their perfect place, at wala nang hindi magandang mangyayari, ay siya palang panahon kung saan mas mararanasan pala natin yung sakit na di natin inaa...