CHARLIE'S POINT OF VIEW:
Araw iyon ng Huwebes, umaga din ng araw na iyon nang ako ay magising, tahimik ang silid na aking kinaroroonan, at napagtanto ko rin agad na ang silid na kinaroroonan ko ay isang silid sa ospital, inilibot ko ang aking paningin sa buong silid na iyon umaasa na makikita ko si Arwin na naroon, si Arwin na gustong gusto na makita sa tuwing imumulat ko ang aking mata, pero labis akong nalungkot nang hindi ko ito makita sa loob ng silid. Babangon na sana ako sa aking pagkakahiga nang biglang bumukas ang pinto ng aking silid at kasabay ng pagbukas nito ay ang pagpasok ni tita Margo na may dala pang isang bugkos ng bulaklak.
"Mabuti naman at gising ka na." ang sabi ni tita Margo na naramdaman kong malamig ang tono, agad akong nanibago sa aking tita, hindi ko naramdaman na masaya siyang makita akong magising, hindi tulad noon na sa ganitong pagkakataon ay mabilis niya akong lalapitan at yayakapin, pero hindi, iba ngayon ang kinikilos ni tita Margo, hindi ako ang kanyang agad na hinarap, sa halip ay inuna niyang harapin ang pagpapalit ng bulaklak na nakalagay sa isang malinaw na plorera sa mesa na malapit sa aking kama.
"Tita Margo, may problema po ba? Bakit parang may kakaiba sa inyo ngayon?" ang aking tanong sa kanya ngunit hindi siya kumibo upang tumugon sa akin, seryoso ang kanyang mukha, kinuha niya ang plorera at dinala ito sa banyo sa silid na iyon at nadinig ko ang pagtatapon niya ng tubig na laman nito at ang pagpapalit niya ng tubig nito.
Sa paglabas ni tita Margo sa banyo ay wala na ang mga lumang bulaklak ng plorera at tanging malinis na tubig na lamang ang laman nito. "Tita ayos lang po ba kayo? May nararamdaman po ba kayo?" ang pagtatanong ko muli sa kanya nang makalapit siya sa aking kama at sinimulang ayusin ang mga sariwang bulaklak na dala niya, ngunit muli ay para lamang isang hangin na dumaan sa kanyang tainga ang aking sinabi dahil hindi ako tinugon ni tita, at sa pagkakataong iyon ay alam ko nang masama sa akin ang loob ng mahal kong tita.
"Hay, sana nandito na lang si Arwin para naman may kumakausap sa akin." Ang aking biglang nasabi na ang kasunod ay pagbubuntong hininga.
"Puro na lang Arwin, wala na akong narinig sayo kundi si Arwin!" ang malakas at biglang sabi ni titan a labis ko ding kinabigla, napatingin ako sa kanya at nabakas ko ang inis sa ekspresyon ng kanyang mukha ngunit ang mga nito ay mababanaag mo ang pangingilid ng kanyang mga luha. "Nakakainis na, wala ka nang inisip na ibang tao kundi puro si Arwin, kahit ang sarili mo nakalimutan mo na dahil kay Arwin." Ang dugtong na sabi ni tita Margo na halos pinagtataka ko.
"Tita ano po bang problema bakit po bigla kayong nagkaganyan? May nagawa po ba sa inyo si Arwin?" ang aking tanong dahil sa naguguluhan din ako sa biglang pagbabago ng pakikitungo sa akin ni tita Margo.
Tumingin sa akin si tita Margo na para bang nais niya na ako din ang sumagot sa tanong ko. "Hindi mo nakukuha Charlie talaga 'no? Hindi naman si Arwin ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito, ikaw Charlie, ikaw ang problema. Hindi ako makapaniwala na magagawa mo akong paglihiman at magagawa mo ang mga bagay na pinakiusap ko sayo na huwag mong gagawin, Charlie bakit? Saan ba ako nagkulang sa iyo?" ang tanong sa akin ni tita na nagiging emosyonal na ng mga sandaling iyon.
"Tita, ano bang sinasabi mo, wala akong maunawaan sa sinasabi mo." Ang sabi ko na tila naguguluhan pa din sa nangyayari.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys V
Teen Fiction[BoyXBoy|Yaoi] ~Rain.Boys V~ Sa panahon na akala natin ay ayos na ang lahat, na everything falls in their perfect place, at wala nang hindi magandang mangyayari, ay siya palang panahon kung saan mas mararanasan pala natin yung sakit na di natin inaa...