RAINBOW 29

1.2K 69 19
                                        


ARWIN'S POINT OF VIEW:


Kinabukasan ay iniwan ko muna kay tita Margo ang pagbabantay kay Charlie simula nang isugod namin siya sa ospital ay hindi pa din ito nagkakamalay, sabi ng doktor ay dahil iyon sa biglaang panghihina ng katawan ni Charlie pero wala naman kaming dapat ipag-alala dahil anytime sa araw na ito ay maaari na itong magising. Pagdating ko sa unibersidad ay hindi ako dumiretso sa Engineering building sa halip ay nagtungo ako sa College of Fine Arts building para puntahan si Luke at makausap ito, pero di pa man din ako nakakatapak sa loob ng building ay agad kong narinig ang boses ni Sarah na tinawag ang aking pangalan at agad ko naman itong nilingon.


"Saan ang punta mo?" ang agad na tanong ni Sarah habang papalapit siya sa akin.


"Ah pupuntahan ko si Luke gusto ko sana siyang kausapin." Ang agad ko namang tugon sa kanya.


"Wag ka nang mag-abala pa na puntahan siya dahil hindi mo din siya makakausap ngayon." Ang sabi ni Sarah sa akin, at napabuntong hininga na lamang ako nang madinig kong sabihin niya iyon, inaasahan ko na kasi na pipigilan ako ng mga kaibigan namin na malapitan at makausap si Luke matapos ang mga nangyari pero dahil si Arwin ako ay magpupumilit pa rin ako.


"Alam ko Sarah na galit din kayo sa akin dahil sa mga nangyari kahapon, pero maniwala kayo hindi ko ginusto na mangyari 'yon, ang gusto ko lang naman ay makausap si Luke at maipaliwanag ang lahat ng mabuti sa kanya. Kaya pakiusap wag niyo kong pigilan na makausap ko siya." Ang sabi ko bilang pangungumbinsi at pakiusap na payagan ako na makausap si Luke.


"Look Arwin, kaibigan niyo kami ni Luke, at wala akong kakampihan sa inyo at wala din akong karapatan na magalit o magtampo sayo, sinasabi ko lang na hindi mo din siya makakausap dahil wala si Luke ngayon, kahapon ay inapoy siya ng lagnat kaya naman lahat kami ay halos mataranta sa pag-aasikaso sa kanya, kaya naman malamang ay nasa bahay lamang siya ngayon. Arwin nauunawaan namin ang lahat, hindi lang naiwasan nila Von na mainis sayo noong mga sandaling 'yon pero umasa ka na kaibigan mo pa rin kami, pero asahan mo pa din na may tampo ang karamihan sa amin sayo." Ang sabi ni Sarah sa akin, napayuko na lamang ako sa hiya, hiya hindi dahil sa maling akala ko kundi hiya dahil wala ako sa panahon na dapat ako ang nag-aasikaso kay Luke dahil sa panahong kailangan niya ako ay nasa tabi ako ng best friend ko na kinailangan din ako.


Tinapik ako ni Sarah sa aking balikat at napatingin ako sa kanya, "wala kang kasalanan, huwag mo masiyadong sisihin ang sarili mo dahil kahit si Luke ay di ka niya sinisisi, masiyado lang madaya talaga minsan ang pagkakataon. Paano maiwan na kita ha, may klase pa ako eh." Ang sabi ni Sarah at agad nang umalis na hindi na hinitay ang aking tugon.


Dahil nga sa nalaman kong wala si Luke at nalaman ko na may sakit siya ay di ko alam kung papasok pa ba ako sa aking klase o kung pupuntahan ko siya, pero kung pupuntahan ko siya alam kong ipagtatabuyan niya din ako, alam ko na mas sasama lang ang pakiramdam niya, kaya naman napabuntong hininga na lamang ako at naglakad patungo sa Engineering building upang pumasok sa aking klase.


Sa aking paglalakad sa pasilyo patungo sa classroom ng klase namin ng umagang iyon ay nakasalubong ko si Arvin, balak ko sana itong batiin pero nagdirediretso lamang ito ng lakad na para bang hindi ako nito nakita at nang mga sandaling iyon ay inasahan ko na din na mas malamig pa doon ang magiging pakikitungo sa akin ni Von. Sa aking pagpasok sa classroom ay nagkakagulo ang ilan sa aking mga kaklase, hinanap ko si Von at nakita koi to na nakaupo malapit sa bintana habang nakapangalumbaba at pinagmamasdan lamang ang mga kaklase namin, at nang mapansin ako nito at magtama ang mga mata namin ay mabilis niya itong ibinaling sa ibang direksiyon.

Rain.Boys VTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon