RAINBOW 22

1.4K 62 2
                                    

ICKO'S POINT OF VIEW:


Nakita ko ang lahat noong gabing iyon, nakita ko kung paano naglapat ang kanilang mga labi at kung paano muling hinalikan ni Luke ang labi ni Arwin sa ikalawang pagkakataon, nakita ko din sa ekspresyon ng kanyang mukha kung gaano niya kamahal ang taong ngayon nagpapayong, nakatayo lamang ako di kalayuan sa kanila habang pinagmamasdan sila at sa mga eksena na iyon ay unti-unti akong nakakaramdam ng inggit, sakit, selos at panghihinayang na alam ko na wala din naman akong karapatan na maramdaman, pero wala nga ba? Bakit kailangan ba talaga na kami bago ko maramdaman ang mga iyon? Hindi pa ba sapat na dahilan na mahal ko siya kaya ako nakakaramdam nito?


Napayuko na lamang ako at napatalikod at pagkatapos ay unti-unting naglakad palayo sa kanila, dahil hindi ko na kinakaya ang nararamdaman ko, na baka kung magpapatuloy pa ang selos at sakit ay makagawa ako ng mga bagay na hindi ko naman dapat gawin. Hanggang sa dalhin ako ng aking mga paa sa tapat ng shop namin, napabuntong hininga na lamang ako at pagkatapos ay pumasok na din dahil tila mas lumalakas ang buhos ng ulan.


"Oh kamusta si Luke, nakauwi na ba siya sa kanila?" ang bungad na tanong ni papa nang pumasok ako sa shop namin, kasalukuyan niya pang hawak noon si Wrain na sa tingin ko ay kakatapos lamang niya i-check. Napatingin ako kay papa, at bago ako sumagot ay pinilit ko muna na alisin ang selos at sakit na iniinda ko, ayoko din naman na mag-alala pa sa akin si papa.


"Ah opo papa, nakauwi na siya, at wag po kayo mag-alala ayos naman po siya." Ang sabi ko bilang pagtugon at pilit akong ngumiti para mas magmukhang ayos lamang ako, tumingin lamang sa akin si papa at pagkatapos ay kanya nang ibinalik si Wrain sa kulungan nito at pinagmasdan ko lamang si papa noon habang ginagawa niya iyon.


"Eh ikaw anak ayos ka lang ba?" ang biglang tanong ni papa na nakatalikod pa din sa akin at nilalaro si Wrain sa kulungan nito, napatingin na lamang ako kay papa at sabay yuko, at pagkatapos ay huminga ako ng malalim pero bago pa ako makasagot ay bigla namang may pumasok sa shop dahilan para mapatingin kami ni papa nang sabay sa pumasok na iyon, at halos manlaki ang mata ko nang makita ko kung sino ang pumasok sa shop.


"E-E-Eloisa? Anong ginagawa mo dito?" ang halos gulat kong tanong, halos di ko alam ang sasabihin ko sa sobrang pagkabigla, dahil ang babae na siyang minahal ko ng sobra noon at nagawa lamang akong iwan ay ngayon nasa harapan ko. Tumingin siya sa akin at isang matamis na ngiti ang ibinigay niya, at pagkatapos ay agad na lumapit kay papa at nagmano.


"Magandang gabi po tito Franc, buti na lang nahanap ko itong shop niyo, akala ko po talaga ay di ko na ito makikita tapos bigla pang mas lumakas ang ulan." Ang sabi ni Eloisa at napatingin naman sa akin si papa.


"Ah Eloisa ano bang ginagawa mo dito? Ang layo ng Manila dito ah, tiyaka paano mo nalaman na dito na kami nakatira?" ang tanong ko sa kanya.


"Malayo? Halos isang oras mahigit lang naman ang biniyahe ko, at paano ko nalaman? Nagtanong ako sa mga barkada mo sa atin, at luckily nakuha ko naman ang sagot sa kanila, hindi lang talaga nila alam ang exact address niyo kaya naman pagdating na pagdating ko dito ay nagtanong tanong na ako." ang sabi ni Eloisa at ngumiti siya sa akin na para bang masayang masaya siya na makita ako.


"Pero di mo pa sinasagot ang tanong ko, anong ginagawa mo dito?" ang tanong ko muli sa kanya.

Rain.Boys VTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon