Chapter 30: Jog, Bluff and Instant Girlfriend

10.1K 173 129
                                    

___________________________________________________

Mabilis na tumakbo si Hiro sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

 

Kanina pa sila naghahabulan ni Caela. Naghiwalay din sila ng landas ni Taki at hindi niya alam kung saang direksyon ito dumaan.

 

Nag-aya si Taki na magjogging sila sa CCP bandang alas sais ng gabi dahil balak nitong sundan si Kaki. Madalas daw kasi itong magjogging ng ganoong oras sa CCP. Hustong nakita nila ang crush nito na mag-isang tumatakbo habang naka-headset at pinag-uusapan kung paano ito lapitan ng may sumabay sa kanila sa mabagal na pagtakbo.

 

At si Caela na nga iyon. Hindi nila alam kung paano nakarating doon ang dalaga pero hindi talaga niya gusto ang presensiya nito.

 

"Ermehgerd Hiro, my hero! I'm really glad that I saw you here! I didn't know that you came all the way to jog, or to stalk me maybe?" maarteng saad nito habang mahinhing humagikhik na hindi man lang tinapunan ng tingin si Taki.

 

Tinignan niya ang anyo ni Caela. Siguradong hindi ito mababangga dahil kahit walang ilaw, nakakasilaw ang neon colored sports attire nito. Nakasuot ito ng pink shorts, pink tank top at pink Nike running shoes. May wrist band din itong pink at maayos na nakaponytail ang alun-alon nitong buhok. Sa kaliwang kamay nito ay naroon ang mp3 na nakakabit na tila relo pero hindi naman nakasuksok sa tenga nito ang earphones.

 

Maganda naman talaga si Caela, kung hindi lang maarte at brat. Hindi niya napigilan ang mapailing.

 

Tinanguan lang niya ito at nakipagpalitan ng alanganing ngiti kay Taki. Itinuon naman ng kaibigan ang tingin sa crush nito. Nginisihan niya ang kaibigan nang bigla itong mapabaling sa likuran dahil napatingin sa kanila si Kaki.

 

Naramdaman siguro ni Kaki na may nagmamatyag sa pagtakbo nito kaya napalingon. Pero saglit lamang iyon bago muling itinuon nito ang pansin at mas mabilis na tumakbo.

 

"Geez, ako na lalapit, gusto mo? Ang hina mo talaga," mahinang bulong ni Hiro kay Taki upang hindi marinig ni Caela ang usapan nila na nasa bandang kanan niya.

 

"Gago, wag. Baka singhalan ka din niya. Suplada yan eh," namumulang sagot nito.

 

Hindi na napigilan ni Hiro ang paghagalpak. "Nasinghalan ka na niya? Ano ba'ng ginawa mo? Kailan yan?"

 

"Noong second year. Maraming beses na. Huwag mo na ngang paalala. Basta maldita yan."

 

"Maldita eh hinahabol mo pa rin. Masokista ka noh hahaha," pang-aasar niya dito.

 

"Tarantado," saad nito bago pasimpleng ngumuso sa direksyon ni Caela.

 

Hindi na nila napansin na kasama pala nila ito at halatang wala na din sa mood dahil sa pagbabalewala nila dito.

 

NYORKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon