Chapter 10: Captured Moments

12.8K 184 16
                                    

________________________________________________

Ang pagkasabik ni Hiro sa mga kapatid ay pansamantalang napunan ng pamilyang Pelaez.

Hindi niya lubos inakala na magiging masaya ang summer niya kahit limang araw lamang ang mag-anak sa La Union. May mga trabaho pa kasi ang mga magulang ni Charlie.

Pinakapaborito ni Hiro ang panganay na anak ng mga Pelaez na si Marcus. Bilib na bilib siya sa katalinuhan nito. Magtatapos na ito sa  kursong Medisina sa UP. Sa katunayan, ga-graduate ito ng cum laude na lalong nagpabilib kay Hiro.

Ni walang bakas ng kayabangan ang magkakapatid. Si Chino na sumunod kay Marcus ay sa UP din nag-aaral ng Law habang ang mga sumunod hanggang kay Charlie ay sa UST na. Sina Chad at Mark na maloko ring tulad niya ang siyang kasangga ni Hiro sa pang-aalaska kay Charlie. Ang pinakabunsong lalaki na si Mason naman ang napansin ni Hiro na pinakatahimik sa lahat. Tila may sariling mundo ito kasama ang mga libro. Pumipirme lang ito sa isang sulok at kampanteng nagbabasa.

At si Charlie.

Si Charlie na para kay Hiro ay pinakabobo sa magkakapatid. Si Charlie na masiba. Si Charlie na masarap asarin at paiyakin.

Hindi niya din alam kung bakit siya naiinis sa presensiya ng dalaga.

Naaartehan siya sa pagbubulul-bululan nito. Sa pagiging sumbungera. Sa matinis nitong boses na laging nakasigaw.

Ang sarap pasakan ng masking tape at ibitin patiwarik.

Martes

“Anak, ready ka na ba sa sagala bukas?” Nakangiting tanong ni Aling Martha kay Hiro ng dumulog siya sa mesa para mag-agahan.

Dahil sa pagdating ng mga Pelaez ay halos nakalimutan na ni Hiro na nakakompromiso siya pala sa Santa Cruzan.

“Ah, Nanay Martha! Alam mo ba kung pwede pang isali ‘yung mga bakasyonista diyan sa kabila?”

“Ay oo nga no!” Napapalatak namang sagot ni Aling Martha. “Hindi ko pa alam eh. Pero magandang ideya nga iyan. Hamo, tatanungin ko si konsehal mamaya pagkatapos kong mamalengke. Ilan nga silang lahat?”

“Anim Nay. Sige po sabihan mo ako ah para sasaglit ako doon mamaya sa kanila,” nakangiting sagot ni Hiro.

Tamang-tama naman na nagback-out ang ilang kasali sa sagala kaya pumayag agad ang organizer. Iyon ang impormasyong sinabi ni Aling Martha pagkauwi nito. Mabilis namang tumakbo si Hiro sa kabilang resort para ihayag ang magandang balita.

“Uy Guys! Magsasagala tayong lahat ha! Bukas ng alas tres? Excited na meee!”

Natawa ang mga binatang Pelaez sa inakto ni Hiro. Mukha kasi siyang batang binilhan ng bagong laruan na bakas ang kasiyahan sa mukha.

NYORKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon