Entry #8: Longing

126 6 6
                                    

LONGING


Nagising si Leeboy sa ingay na nagmumula sa kusina, kadikit lang nito ang kanyang hinihigaan. Bumangon siya sa nilatag na banig habang kinukusot ang isang mata.

Inalis niya ang kanyang sarili mula sa papag sa pag-suot ng pudpod na tsinelas. Mula rito'y tahimik siyang pumanhik ng kusina. Naabutan niya ang kanyang ina na nagtitimpla ng kape sa maliit na mesa. Mabilis na umiikot ang kamay nito hawak ang kutsara.

Ang moron na pumupuno sa kusina'y nakalagay sa gitna ng mesa, ito'y gawa sa bote ng inuming gin. Sumasayaw pa ang apoy nito sa pag-ihip ng hangin.

"Ba't ka bumangon?" ang kaagad na tanong ng kanyang ina.

"Nanaginip kasi ako 'ma," pagsisinungaling niya. Siya'y naupo sa pahabang upuan na gawa sa balat ng niyog. Napatayo siya ng matusok na naman siya ng nakausling hibla. Parating nangyayari sa kanya ang ganito kaya hindi na siya nagreklamo.

Sa paglingon niya sa nakabukas na pinto, pumasok ang kanyang ama bitbit ang labay na isang kahon na yari sa retaso ng plywood. Isang ngiti ang nilabas niya para sa ama. Hindi nito kasi gusto na gumigising siya ng ganoong oras. Nailing na lang ang kanyang ama. Matapos na ibaba nito ang hawak na labay ginulo nito ang buhok ni Leeboy.

"Matulog ka ulit sa pag-alis ko," sabi ng kanyang ama na labis niyang ikinatuwa. Kinuha nito ang tinimplang kape bago nito hinila ang maliit na upuan sa ilalim ng mesa. Paupo itong humarap sa gamit sa pangingisda.

Maging ang kanyang ina ay napapangiti narin dahil sa nakaguhit na saya sa kanyang mukha. Uminom muna ng kape ang kanyang ama bago ito nagsimulang maglagay ng pain na hiniwang isda sa mga pares ng taga na mahigit dalawang daan. Ang kanya namang ina'y tinimplahan din siya ng kape. Paghigop niya'y napaso siya na ikinatawa ng kanyang magulang.

Lumipas ang sandali na tahimik sa kusina habang abala ang kanyang ama. Sa pagkaubos ng kanyang kape natapos na ang kanyang ama sa paglagay ng pain.

Inabot nito ang plangganitang nilagyan ng pain sa kanyang ina, at binuhat ang labay papalabas ng bahay. Kaagad siyang sumunod sa ama sa paglalakad nito sa likod bahay.

Bumabaon ang kanyang paa sa buhangin sa kanyang paghakbang. Inilagay ng kanyang ama ang labay sa gitna ng bangkang de motor matapos balutin ito ng malaking plastic. Humawak siya kaagad sa kabilang katig para madala ang motor sa tubig.

Sa pagtama ng malamig na tubig sa kanyang mga paa'y napabalik siya sa baybayin. Natawa na lang ang kanyang ama sa naging reaksiyon niya.

"Antayin mo ako pag-uwi ko sa umaga ha," ang sigaw ng kanyang ama sa pagpaandar nito ng motor.

Katulad ng sinabi ng kanyang ama, inantay niya nga ito ng mag-umaga na. Siya'y nakaupo lang sa baybayin habang nakatitig sa kalmadong karagatan. Iyong pag-aantay niya'y inabot ng buong araw. Ang isang araw ay napalitan ng isang linggo, hanggang sa naging buwan. Sa kasamaang palad, hindi na nakabalik ang kanyang ama. Sa kabila nito'y nanatili siyang nag-aantay kahit alam niyang 'di na ito makakabalik pa.

VOLUME 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon