BEAT THE ENERGY GAP
Buhay na buhay ang umaga ng pamilya Pacencia lalo na kapag hyper si Dello.
Wala itong ibang gagawin kung hindi ang magsasasayaw. "Stak twekelay mahley! Oooh mayley!" Hindi naman ito sinasaway ng ama niyang abala sa pagbabasa ng balita sa diyaryo habang humihigop ng kape.
Nagtatatalon-talon ito sa sala, sa banyo, sa labas ng bahay, sa mga kwarto, paikot-ikot na parang inasinang higad. Literal na makulit si Dello. Kagaya rin siya ng mga batang likas na bibo talaga!
"Dello, huwag kang malikot diyan, lalabas ang multo!" sigaw ng kanyang inang yukong-yuko sa pagkusot ng kanyang mga damit na mistulang isang dekadang hindi nalalabhan dahil sa dumi.
Pinatalbog ng bata ang bola at buminggo ito sa kanilang plorera. "Dello, ano na naman iyan!?" Hindi sumagot ang bata, waring walang naririnig. Lalo niya pang nilakasan ang pagkanta nang wala sa tono at hindi binibigkas ng dila ang mga tamang liriko.
Sumasakit man ang likod mula sa alas singkong paglalaba, minabuti niyang tumayo upang tingnan ang kondisyon ng kanilang sala.
At hindi nga siya nagkamali ng akala. Magulo. Napakagulo ng kanilang bahay, at para na itong isang evacuation center. Maputik pa ang tiles!
Walang ano-ano'y isang malutong na kurot sa singit ang natanggap ni Dello. "Araaaaay!"
"Pumunta ka lang doon sa kwarto mo at huwag kang lalabas, naiintindihan mo?" nanlilisik ang mata ng kanyang ina at parang dragon kung umusok ang tainga.
Malungkot na tumalima ang bata sa kaparusahan dahil sa takot. Pinahid niya ang sipon sa kanyang bibig na nahahaluan ng Milo buhat sa ka-papapak dito.
Paika-ika itong naglakad sapagkat nakatapak siya ng bubog.
Mahilo-hilong hinilot ni Aling Delia ang kanyang ulo.
Ngayong napagalitan niya ang kanyang anak, naisip niyang sana hindi niya na lang ginawa iyon dahil kailangan pa niya itong suyuin ng mga matatamis na pagkain para bumalik ang loob.
Ilang pakete na rin ng mga Chubby, Hany, Barnuts at Krim Stiks ang nauubos niya para maamo muli ang anak at mukhang mapapasugod siya sa palengke mamaya pagkatapos magsampay. Siyempre hindi mawawala ang Milo na walang humpay nitong pinapapak kahit ubo na nang ubo ang bata.
Pinanood lang siya ni Mang Delio na magligpit ng mga kalat sa sahig habang patuloy sa pagbasa't paghigop ng kape. "Oy ikaw, uminom ka rin ng Milo para hindi ka masyadong ma-losyang."
Hindi na lang siya nagsalita at pumanhik sa labahan bitbit ang sama ng loob na kinikimkim tatlong taon na ang nakararaan.
Kinabukasan, isinugod nila sa ospital ang bata sapagkat bigla itong hinimatay.
Nakaupo sa waiting area, lumabas muna saglit si Mang Delio upang manigarilyo sakto namang pagdating ng doctor dala ang resulta.
"Misis, may diabetes ang anak ninyo at apektado ang kanyang kanang paa. Marahil ay marapat na siyang operahan."
Sa kagaya niyang ina na binibigay ang lahat ng pangngailangan sa anak, hindi inaasahan ni Aling Delia ang biro ng kapalaran. "Ito Milo, pampagaan ng loob."
Kasabay ng pagbagsak ng nanghihinang katawan at damdamin sa upuan, pinapak niya ang Milo habang tumutulo ang mga luha.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
NouvellesLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions