MUNTING PATIKIM BAGO MAGISING
MASTADUSIA
Isang lagusan sa pagitan ng mga panaginip at realidad. Mula sa pagkakatulog, mahimbing man o iglip lamang, sandaling dadaan tayo rito bago tuluyang magising.
Bawat mastadusia ng bawat nilalang, magpapakita ng mabilis na katotohanan kung paano natin kakaharapin ang nagbabadyang problema sa araw na iyon. Babala ito sa ating kaluluwa... dahil bago bumangon, limot na ito ng mortal nating katawan.
07.21.1948|Bangin
Tralusya
(13) Araw
Kumpleto na ang tatlong inakay na magkakaibigan. Ngunit, napaismid si Tralusya nang may isa pang dumating na 'di niya kilala.
"Ba't narito 'yan?" ani Tralusya.
"Sasabay siya sa ating lumipad sa unang pagkakataon."
Umirap si Tralusya. May kakumpitensya pa yata siya sa pagpapahanga sa kaniyang mga kaibigan. Dapat siya lang ang magaling!
"Lipad na!"
Habang nasa himpapawid, malayang nagliparan ang mga inakay; napakabanayad nang kay Lari,habang si Tralusya, sali-saliwa ang kampay ng kaniyang pakpak at paggewang-gewang siya sa hangin dahil sa inis.
"Ako dapat ang bida!"
Ngunit 'di siya lumilipad, nahuhulog lang!
12.24.2010|Klasrum
Jomar Dantillo
(14)Taon
Sa sobrang pag-iisip ni Jomar sa bawat tanong, alam niyang bulilyaso ang pagsasagot niya sa kanilang pagsusulit sa Matematika.
"Let's check!"
Nakipagpalit siya sa kaniyang katabi.
Marami siyang mali! Ngunit, tuwing titingin sa ibang direksyon ang kaniyang katabi, agad niyang pasimpleng iibahin ang kaniyang mga sagot!
Alam niyang masasaktan na naman siya ng kaniyang itay kung babagsak siya. Pagtatawanan na naman siya ng kaniyang mga klase. Tiyak din, uulit siya ng greyd siks dahil mababa na ang kaniyang eksams!
Lunok, tulo pawis, kabado... sa paglingon ng katabi, sagot ay maiiba.
"Sino highest?"
"Jomar po!"
Nanliit ang mga mata ng kaniyang guro. Matalim na nakatitig sa kaniya.
1.2.2999|Mansion-de-Lacoztanimo
CS08XXHumanoid:AYA
(9) Taon
"Linisin mo ang banyo habang nagkukumpuni ng mesa, nagluluto ng agahan, nagpapakain ng aso, nag-aagiw at namamalengke."
Agad naghiwa-hiwalay ang mga piraso ni Aya upang sundin ang utos ng amo.
"Ngayon, dumihan mo ang banyo saka wasakin ang mesa, itapon ang agahan at alisin ang pagkain ng aso, balibagan mo ng dumi ang kisame at sunugin mo lahat ng pinamili mo."
Agad naghiwa-hiwalay ang mga piraso ni Aya upang sundin ang utos ng amo.
"Tamad! Para may silbi ka, linisin mo ang banyo habang nagkukumpuni ng mesa, nagluluto ng agahan, nagpapakain ng aso, nag-aagiw at namamalengke."
Agad naghiwa-hiwalay ang mga piraso ni Aya upang sundin ang utos ng amo.
4.22.2017|TheVoiceTeensPH
Mica Becerro
(13)taon
Bago kumanta, inisip na naman ni Mayka kung maiintindihan nila ang kaniyang gagawin. Baka ikatalo pa niya 'yon dahil baduy para sa iba ang kakantahin niya!
"Hindi, think positive!" bulong ni Mayka. "Gamit ang puso, ipaiintindi ko sa kanilang hindi kabaduyan ang pangarap na ipinaglalaban."
Buong tapang siyang kumanta.
"Der Hölle Rache kocht in meinem Herzen!"
"Huwaah-ah-ahh-ah-ahh-ahh!"
Agad humarap ang isang kowts. "Homaygad... Queen of the night!"
Dapat bang magpabulag sa maliliit na bagay? Magpaloko at magpatalo sa mga pasanin sa buhay? Sumabay sa agos hanggang manlupaypay?
O dapat kaibiganin ang kaba't kaguluhan dahil sila'y susi sa kapanatagan at kapayapaan?
Nang magising, alam na ng kanilang mga kaluluwa ang gagawin.

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions