BIBLE STUDY
Isa si Niko sa mga batang umaasa sa pakain ng isang organisasyon tuwing araw ng Sabado. Pangalawang pila na niya iyon. Iyon nga lang at mukhang hindi pumabor sa kaniya ang tadhana. Kung kailan malapit na siya, doon pa siya napansin ng isang babae.
"Bata, ikaw rin yong kanina, di ba?" sita nito.
Tumakbo na lamang siya sa takot na mapagalitan. At kung minamalas-malas nga naman, natisod siya sa ugat ng puno na nakausli dahilan ng kaniyang pagkadapa.
"Ayan tuloy, nadapa ka," anang babaeng sa tantiya niya'y bata pa ito kung pagbabasehan ang pisikal nitong anyo. Tinabig niya ang kamay nitong may hawak pang tinapay na aalalay sana sa kaniya.
"H-huwag n'yo po akong ipapakulong," pakiusap niya nang makaupo siya.
Ngumiti at umiling ang babae. "Puwede ba kitang basahan ng bibilya?"
"'Di ba po, tao lang ang nagsulat niyan? Narinig ko rin pong sabi ng isang kasama n'yo na paiba-iba ang nakasulat sa Bible." saad niya.
"Pero alam mo, nalulungkot ako kasi hindi ka naniniwala sa Bibliya."
"Dapat po bang paniwalaan lahat?"
"Baka puwede mong paniwalaan ang pareho?"
Umiling siya. "Ayaw ko po."
Napakunot-noo ang babae. "Bakit naman?"
"Ang kilala ko pong Jesus, pagmamahal ang itinuturo. Anak po si Jesus ni God, 'di ba, po?" Napakamot na naman ang bata sa ulo. "Nagpaparusa po ang Diyos ninyo? Ang bad po pala niya."
"Sa pamilya n'yo ba, kapag nakagawa ka ng kasalanan, 'di ba pinapalo kayo ng mga magulang n'yo?"
"A, hindi po. Nagagalit lang."
"Parte na rin iyon ng pagdidisiplina nila sa inyo. For example, sa kuwento ni Adan at Eba, hindi nila sinunod si God kaya dinisiplina sila."
"Disiplina po ba iyon? Sa amin nga po kapag 'di ko sinunod ang nanay ko, pinapagalitan lang ako, hindi pinapalayas. At bakit po naglagay ang Diyos na nasa Bibliya ng puno sa paraisong 'yon kung ipagbabawal po palang pitasin?"
"Pagsubok 'yon sa kanila."
"Lumikha po ang Diyos sa Bibliya ninyo ng kawangis niya pero wala po siyang tiwala sa nilikha niya kaya siya may test?" Napakamot muli si Niko sa ulo na para bang pinugaran na ng mga kuto sa sobrang diin ng pagkakakamot niya roon. "Ang gulo..."
Tinapik ng babae ang balikat ni Niko. "Kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon, gusto kong ma-enlighten ka. Gusto kitang tulungan."
Tumayo siya sa pagkakaupo at inayos ang sarili. "Pagkakataon na po kanina. Ako po ang mas nalulungkot kasi naniniwala po kayong bad si God." Isang matamis na ngiti ang iniwan ni Niko sa nagtatakang babae bago ito tumakbo paalis. Pero bago pa siya tuluyang makalayo, bumalik siya kung saan niya iniwan ang babae.
"O, bumalik ka? Gusto mo na bang ma-enlighten?"
Nakangiting umiling siya rito. "Ano po...puwede bang akin na lang 'yan tinapay na hawak ninyo? Hindi naman po siguro itinuro ng Diyos sa Bibliya ninyo ang magdamot, 'di ba po?"
"H-hindi." Nang akmang iaabot na nito sa kaniya ang hawak na tinapay, mabilis na niya itong inagaw saka kumaripa ng takbo.
"Salamat!" sigaw niya habang papalayo rito.

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions