PUSA AT DAGA
NOONG unang panahon matalik na magkaibigan ang pusa at daga. Magkasama silang naninirahan sa silong ng isang malaking bahay.
"O iyo na itong kalahati ng piniritong isda," ani Pusa matapos ilagay sa plato ng kaibigan ang kalahati ng isda na parteng buntot na ibinahog sa kaniya ng may-ari ng bahay na kanilang tinitirhan.
"Pagpasensiyahan mo na't wala akong maibahagi sa ating hapunan, tag-init na kasi sa bukid, wala nang bunga ang mga punongkahoy, tuyot na rin ang tubigan kaya wala nang mga kuhol na makukuha para makain." malungkot na sabi nito.
"Ayos lang iyon, mabait sa akin ang may-ari ng bahay kaya palagi niya akong binibigyan ng pagkain. Hahatiin na lang natin iyon palagi para mayroon tayong makain." nakangiting saad ng pusa kahit na mabigat na alalahanin para sa kanya ang palagi nitong katuwiran. Madalas na kasi itong walang maibahagi at palagi na lang siya nag gumagawa ng paraan para sa kanilang pagkain araw-araw. Nais man niyang magreklamo ngunit iniisip niyang kaibigan niya ito. At kargo niya ito lalo at siya naman ang mas marunong dumiskarte.
Isang hapon, gulat si Daga nang madatnan niyang punong-puno ng pagkain ang kanilang hapag. Wala ang kaniyang kaibigan kaya naisip niyang para sa kaniya ang lahat ng iyon. Naisip niyang siguro ay sobra ang mga iyon sa bahog nito. Tunay na nakapasuwerte nito dahil mayroong nagbibigay ng pagkain dito araw-araw. Nakaramdam siya ng inggit sa kaibigan, kung sana'y malapit lang siya sa mga tao ay hindi siya naghihirap sa pagkain. Ngunit ang turing kaniya ng mga tao ay madumi at mabaho.
Inubos niya ang pagkain, nag-imbita pa siya ng mga kauri niya dahil sa labis na tuwa hanggang sa maubos nang tuluyan ang pagkain. Nadatnan sila ng kaibigan na nakahilata matapos maubos ang mga pagkain. At gayon na lamang ang galit nito dahil sa kanilang ginawa. Dahil iyon pala ay pagkain nila para sa mga susunod na tatlong araw. Aalis ang may-ari ng bahay kaya walang magbibigay ng pagkain kay Pusa, kaya nag-iwan ang may-ari ng bahay ng kanilang pagkain para sa tatlong araw.
Dahil doon pinalayas ni Pusa ang kaibigan para magtanda at huwag nang umasa sa kaniya. Tuluyang naghikahos si Daga kaya dahil sa labis na gutom pati mga lumang gamit at damit sa bodega ng bahay na iyon ay nagawa na niyang kainin. Pati na ang mga kasangkapan ng bahay ay nagagawa na rin niyang ngatngatin. Gusto niyang ipakita kay Pusa na mabubuhay siya ng wala ito. Sa ginawa ni Daga ay mas lalo namang nagalit ang kaibigan at tuluyan siya nitong itinakwil lalo't nakita nitong galit na galit ang may-ari ng bahay kapag nakikitang may nasisirang gamit si Daga. Kaya isang gabing naabutan ni Pusa ang dating kaibigan ay binantaan niya ito.
"Umalis ka sa bahay ng aking amo! Dahil kapag nahuli pa kita rito na naninira ng mga gamit, gagawin kitang pagkain, ikaw at sampo ng iyong salin-lahi!"
Simula noon takot na takot na ang mga daga sa tuwing nakikita niya ang pusa.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Storie breviLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions