INASAL
Nakayapak na binaybay ni Ado ang tapunan ng basura. Pinulot ang bawat piraso ng plastik na bote, mga kariton, papel, magasin at bote ng alak saka isinilid ito sa sakong inipit niya kanina sa salawal niya.
"'Bang dami ng bote, malaki benta ko nito," masayang bulong ni Ado sa sarili.
Mabilis niyang ipinasok sa sako ang mga inihiwalay na kalakal nang mamasdan niyang paparating na rin ang iba pang mga batang mangangalakal.
Mataas na ang araw at paniguradong gising na ang kaniyang mga kapatid. Gutom na ang mga iyon dahil wala silang hapunan kagabi. Isang buwan nang walang paramdam ang ama at dalawang taon na nang mamatay ang kanilang ina dahil sa panganganak sa bunso nilang kapatid.
Dala ang sakong halos mapuno na ay tinahak na ni Ado ang daan papunta sa junk shop.
Nadaanan niya ang stall ng Mang Inasal na pangarap nilang matikmang magkakapatid, na ngayon ay kasalukuyang nang nagsisimula sa pag-iihaw.
***
"Ay, stop buying kami ng plastic bottles, Dong," bungad ng malaking mama na kinikilo ang mga dala ni Ado.
Napapunas na lamang ng pawis sa noo gamit ang manggas niyang bahagyang tastas at may tatlong maliliit na butas na gawa ng daga. Mukhang hindi niya mabibili ang manok na inuungot ng mga kapatid niya. Halos lagpas kasi kalahati ng sako ang plastic bottles na dala niya.
"Magkano lahat, Manong?" agad niyang tanong nang matapos ito sa pagkokompyut sa hawak nitong calculator.
"Kuwarenta y dos, Dong," anito sabay abot ng isang papel na bente, dalawang limang pisong buo, at labindalawang piso sa pawisang kamay ng batang si Ado.
Dala ang kaniyang kinita ay bumili na siya ng isang kilong bigas na nagkakahalagang 36'pesos at saka dumiretso na siya sa tindahan ng paborito nilang ulam magkakapatid.
Pagkauwi niya sa barung-barong nila'y agad siyang sinalubong ng apat na maliliit na kapatid. Hinanda na niya ang kanilang hapag, inilagay ang bagong lutong sinaing, at ang isang mangkok na puno ng ulam.
"Wow, Inasal ang ulam natin!" anang kapatid niya.
Ngumiti siya saka sinandukan ng ulam ang mga kapatid. .
"Kumain lang kayo nang marami ha?" aniya at nilagyan ng tig-pipisong sisirya ang plato ng mga kapatid.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions