PAG-IBIG SA PAGITAN
Kanina ka pa nagkukulong sa madilim na silid. Akap ang sariling mga tuhod habang patuloy sa pagluha ang mga matang namamaga na sa kaiiyak. Nakayuko ka lamang at malayang pinapadaloy ang luha sa magkabilang pisngi. Bahagyang natatakpan ng maiitim na buhok ang musmos mo pang mukha.
"Gabing-gabi na, trabaho pa rin? Sino'ng niloko mo? Nambababae ka. Aminin mo na!"
Ayaw mo nang marinig ang pagtatalo ng iyong mga magulang. Ayaw mo nang makita itong nagsasakitan. Ayaw mo nang mapagitna sa isang sitwasyong ikaw rin ang nahihirapan. Pilit mo na lamang inaalala ang masasayang mga oras ng buhay mo, kasama sila. Mga alaalang para bang abong naglaho. Mga alaalang mananatili na lamang sa utak mo. Tatakbo, hanggang sa pagtigil ng tibok ng puso.
"Ilang beses ko ba sasabihing 'di ako nambababae at wala akong ibang babae."
Napatayo kang bigla nang may marinig kang kalabog. Nakakuyom ang isang kamao at ang isa nama'y sinasabunutan ang iyong mahabang buhok.
"Ikaw lang ba ang napapagod? Pagod na rin akong intindihin ka, Jose. Pagod na pagod na akong maniwala sa mga kasinungalingan mo!"
Nagtatatadyak ka, gulong-gulo na ang isip. Nagtatanong kung ano na bang nangyari sa pamilyang mayroon ka, dati? Napasandal ka sa pinakasulok ng iyong kuwartong hindi kakikitaan ng liwanag mula sa buwan o kahit anong liwanag.
Napanguso ka. Ipinikit ang mga mata at inihilamos ang mga palad sa mukhang nilalamon na ng kalungkutan. Bata ka pa masyado para sa mga ganito. Napakamusmos pa ng iyong pagkatao at hindi pa dapat nakararanas ng ganito kalalang emosyon. Dapat ay nagsasaya ka lamang ngayon. Naglalaro, nag-aaral, tumatawa at malayang pinagmamasdan ang kagandahan ng buhay.
"Tumigil ka na, masasaktan ka sa akin ngayon! Makita mo. Buwisit na 'to."
Naglakad ka papalabas at agad na tinungo ang sala kung saan sila naroroon. Natigil sila sa pagtatalo nang maramdaman ang iyong presensiya. Nakatingin lamang sila sa iyo habang ikaw, dahan-dahang humakbang papunta sa kanila. Nakatingin ka lamang sa dalawa habang humihikbi, na para bang nagmamakaawang itigil na ito.
Nagkislapan ang mga mata nila dahil sa pamumuo ng luha roon. Tila ba nanghina ang katawan nila nang makita kang nahihirapan na sa paghinga. Tumigil ka sa paglalakad, isang dipa mula sa kanila, tumingala ka sa kanilang dalawa at tinitigan lamang sila nang mata sa mata-pasalit-salit sa ama at ina.
"M-mama ko, papa ko, bakit gan'to?" Saglit mong sininghot ang sipong bumabara sa iyong paghinga bago nagpatuloy. "Di n'yo na po ba ako mahal? Bakit po kayo palagi nag-aaway? Sabi n'yo po, we should love each other. Kasi family tayo, 'di ba?"
Lumalim ang bawat paghinga ng iyong mga magulang. At ang bawat paghinga, siya ring pagbaha ng mga luha. Pagsisisi. Pagtatama ng bawat kamalian, iyan lamang ang tanging naiisip gawin ng ama at ina mo ngayon. Nagtitigan muna sila bago niyakap ang bawat isa, habang ikaw, pilit isinisingit ang sarili sa pagitan nila.
Walang salitang kailangan, tanging titig at yakap lamang ay sapat na upang sabihing mahal nila ang isa't isa at tapos na ang unos na dinaranas nila.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions