TUMBANG-PRESO
"Ang bigat naman nito," angal ni Junjun saka isinukbit nang ayos ang kaniyang dala.
Lumabas siya ng paaralan kasabay ang ibang estudyante. Nagmamadali sana ito ngunit biglang napahinto nang marinig ang isang boses.
"Jusko! Puro ka na lang pera, wala ka nang inatupag kundi 'yang kakakompyuter mo!" sabi ng lalaki sa bata.
Nanatili siya roon at pinagmasdan ang amang pinangangaralan ang anak. Ang lalaki ay nanatiling nakayuko; tila nahihiya sa katotohanang sinabi ng ama.
"Mga kabataan nga naman ngayon, o! Noong panahon namin, tumbam-preso lang, masaya na kami." Matapos magsalita ang matanda ay lumakad nang muli ang bata.
Ilang minuto lang ay nakarating na ito sa kaniyang paroroonan. Inilapag muna nito ang dala-dala bago bumati sa kaniyang inay.
"Andito na po 'ko," mahapo-hapong sambit nito.
Umupo muna ito saglit saka dumungaw sa bintana ng kanilang bahay. Pinanood niya ang mga batang naglalaro ng nasabing laro kanina. Hagis ng tsinelas, takbo, tumba ng lata; mga bagay na hindi niya nararanasan pa.
"O, andyan ka na pala. Gawin mo na ang dapat mong gawin para makatulog ka nang maaga. Maaga ka pa bukas," putol ng ina sa iniisip ng bata.
Mapait na napangiti ito saka sinabing, "Buti pa sila, may tsinelas na ihahagis," sabi nito bago kinalkal ang basurang mula sa eskuwelahan-na kaniya pang uulitin kinabukasan.

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Storie breviLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions