Entry #35: Ang Tunay Na Alamat ng Ampalaya

81 4 3
                                    

ANG TUNAY NA ALAMAT NG AMPALAYA


Noong unang panahon, isang pamilya ang nakilala sa kanilang yaman. Sila ang mga Ayala. Si Arnulfo Ayala at si Leonora Palencia ay biniyayaan ng isang napakagandang anak na babae--si Amor. Kapansin-pansin siya sa natatanging ganda at sa dilaw at kulot na buhok.

Noong bata siya'y normal naman ang kanyang kilos. Hanggang isang araw, naging lagi siyang tulala't nagsasalitang mag-isa. Palagi rin siyang nilalagnat, kaya't nabahala na ang kanyang mga magulang. Dinala si Amor ng mag-asawa sa pinakamagagaling na mga manggagamot sa buong bayan subalit hindi matukoy at mapagaling ang kanyang kondisyon.

Pero isa ang tiyak nila, ang dalaga'y nakakaranas ng labis na pagkabagabag ng kalooban. Lagi itong namomroblema sa kahit maliliit na mga bagay, tulad na lang ng nangyari noong nakaraang linggo...

"Ina, bakit po ba kailangang mapagod ng mga langgam sa pag-iipon ng pagkain? Hindi ba pwedeng tulungan na lang po natin sila? Pakiusap, Ina. Maawa ka sa kanila," wika ng dalaga sa ina habang nasa hardin. Umiyak si Amor at walang nagawa si Leonora o kahit sino sa kanila. Kinagabihan, nilagnat siya; sinasabing baka magkasakit sa ulan ang mga kaibigang langgam.

Noong isang araw naman...

"Ama, kumusta po ang aso kong si Itim? Hindi po siya kumain kanina. Nag-aalala po ako, baka magkasakit siya't mamatay." Tulad ng una, nilagnat din siya dahil maghapong hindi niya nakita ang asong isinama ng ama sa pangangaso.

At kanina lang...

"Ina, ama, bakit hindi na po nagpupunta rito ang aking mga kaibigan?" tanong ni Amor habang kumakain sila ng agahan. Walang naisagot ang mag-asawa kundi ang magtitigan. Alam nila ang katotohanan na iniiwasan na si Amor ng mga kaibigan dahil sa kakaiba niyang kilos.

Pagsapit ng gabi, ikinagulat ng lahat ang pagbabago ng anyo ni Amor. Unti-unting nangulubot ang balat nito na para bang mabilis na tumatanda.

Hindi na napigil pa ni Leonora ang sarili at ibinunton ang sisi sa asawa. Doon nagbalik sa kanila ang bangungot na kahit pilit kalimuta'y nagdudulot ng pangamba sa kanila...

"Isinusumpa ko, ilang panahon mula ngayon, hindi matatahimik ang loob mo't lagi kang mababagabag, na magiging dahilan ng iyong kamatayan!" anang babae sa noo'y buntis na si Leonora na naglilibot-libot sa hardin isang umaga. Siya si Mariam, ang dating kasambahay ng mga Ayala na umibig pala kay Arnulfo. Isa pala itong mangkukulam. Hindi niya matanggap na nakasal na si Arnulfo at nagdadalang-tao ang asawa nito. Pagkatapos bitiwan ang sumpa, nawala na lamang ito't hindi na muli pang nagpakita.

Sa loob ng nakararaang mga taon, labis ang naging pangamba nila sa sasapitin ni Leonora. Pero hindi nila inakala na sa kanilang nag-iisang anak mapupunta ang sumpa ni Mariam.

Labis ang naging pagluluksa ng pamilya nang sa huli'y mamatay rin si Amor. Inilibing siya at sa tabi ng puntod nito, doon tumubo ang isang kakaibang baging na may dilaw na bulaklak at bungang kulubot ang balat, tila ba si Amor at kanyang noong nakakunot sa kakaisip sa problema. Ipinangalan ito sa dalaga at sa paglipas ng panahon, ang Amor Palencia Ayala ay naging 'ampalaya.'

VOLUME 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon