BITUIN
Maliit pa lang ako, paborito ko na ang mga bituin. Sabi ni Mama, kahit anong gawin ko, hinding-hindi ko maaabot ito sapagkat ito'y nasa malayo. Kasing layo ng mga pangarap ko.
"Mama, kailan po ako magkakaroon ng ganyang bag?" Turo ko sa likod ng isang batang masayang naglalakad papasok sa paaralan kasama ang kanyang ina.
"Balang araw, Anak. Sa ngayon, magtitinda muna tayo ng maraming kakanin," nakangiting sabi ni Mama sa akin. Kahit alam kong imposibleng mangyari iyon, ngumiti pa rin ako. Hindi para pagaanin ang kalooban ko kundi ang bawasan man lang ang pasaning iniisip ni Mama.
Walong taong gulang na ako nang tumuntong ako sa unang baitang ng elementarya. Nahirapan si Mama na mabilhan man lang ako ng gamit sa paaralan kaya tumulong ako sa kanya sa paglalabada. Ngayon, nakaapak na ako sa paaralang matagal ko nang nais pasukan.
Gusot man ang uniporme ko, tuloy pa rin ang buhay. Hindi ito dahilan upang itigil ko ang pangarap ko, ang pangarap ko para kay Mama.
"Danica, laro tayo ng taguan," sigaw ng kapitbahay kong si Ana.
Napangiti ako. Minsan lang nila ako alukin upang makipaglaro sa kanila. Madalas kasing ipagtabuyan nila ako dahil sa pangit daw ang damit ko. Hindi kasi ako katulad nila na may Barbie sa damit at higit sa lahat, uling daw ang balat ko.
Masaya ako dahil makakalaro rin ako ngunit mas masaya akong kasama si Mama. Si Mama na kahit kailan hindi ako iniwan-na kahit marumi na ang mukha ko dahil sa kinakagat na inihaw na kamote, nariyan pa rin siya upang yakapin ako nang mahigpit.
"Salamat pero sasamahan ko si Mama sa paglalaba, e." Masaya akong lumisan papunta sa kinaroroonan ni Mama.
Naabutan kong matamlay si Mama habang naglalaba. Nilapitan ko siya ngunit parang hindi niya napansin ang pagdating ko.
"Mama, may bituin po ako, o." Pinakita ko sa kanya ang nakamarkang bituin sa kamay ko dahil nakuha ko ang tamang sagot kanina.
Ngumiti siya ngunit alam kong pilit na ngiti iyon. Na hindi sapat ang isang bituin ko upang maalis ang kung anumang iniisip niya.
"Ma, malapit ko na pong maabot ang pangarap kong bituin. Balang araw, magliliwanag din ang buhay natin kagaya ng pinakapaborito kong bituin," taas-noo kong wika.
"Alam mo na ba ang pangalan ng bituin na iyon?" Malapad na ang ngiti niya ngayon.
"Siyempre, matagal ko nang alam, e. Secret po muna iyon ngayon sa iyo." Nilapag ko ang dala kong bag at saka tinabihan si Mama sa paglalaba.
Masaya lang kaming nagkukwentuhan. Ngunit, kung anong saya namin kanina, ganito naman ang takot namin ngayon. Nanginginig na ang mga tuhod ko habang pinapanood si Mama at ang amain ko na nag-aagawan ng kutsilyo.
Lasing si Tiyo Cardo kaya kung anu-ano na lang ang kanyang sinasabi. Malakas siya. Kaya niyang itulak si Mama sa sahig. Natatakot ako. Natatakot ako para kay Mama...
Hanggang sa tuluyang naglaho ang bituin ko-napundi hanggang nawalan ng liwanag.
"Ma, huwag mo akong iwan mag-isa!" huling sigaw ko.

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Truyện NgắnLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions