SI INANG BUBUYOG AT ANG ANAK NITONG SI BUYOG
ISANG maaliwalas na araw ang sumalubong kay Buyog na lumilipad-lipad sa mga bulaklak sa hardin. Ngiting-ngiti siyang tila ba nanalo sa lotto. Kumakanta pa siya. Bukod doon, nalalapit na rin ang bakasyon mula sa eskwela na sadya niyang pinakahihintay.
"BUYOG!"
Ang malahalimaw sa lakas na pagtawag na iyon ang nagpabalik sa kanya sa reyalidad. Nilingon niya ang pinagmulan noon.
Ang kanyang matabang ina!
Galit na galit iyon at lumilipad.
Sino ba naman ang matutuwa?
Palihim kasing kinuha ni Buyog ang lahat ng kayamanang pinagpaguran nito sa bangang pinagtaguan dito.
Matagal na iyong plano at hinintay lamang na mapuno bago kupitin ang laman noon.
"Hindi maaari! Kailangang makalayo ako bago ako maabutan ni Ina!"
"Nangako ako kina Buyoyog na kami'y mag-iinom sa Nectar's Beerhouse!"
Tila wala kay Buyog ang kasalanang ginawa niya. Inisip kasi niyang kapag naubos niyang lahat ang yamang iyon ay wala nang magagawa ang kanyang ina. Lumipad siya nang napakabilis para hindi maabutan.
Hinihingal at napagod si Inang Bubuyog.
Napadapo na lamang ito sa ibabaw ng isang bulaklak. Hindi niya maiwasang mapaluha. Bumalik sa alala niya noong ika-tatlong araw na pagkapisa ni Buyog, iniwan na sila ng Bubuyugero nitong ama. Kasama noon ang isang pulutong niyang mga anak.
Si Buyog lang ang naiwan.
Dahilan iyon para kumayod siya nang sobra. Ipinangako niya sa sariling itataguyod mag-isa ang anak. Nawalan siya ng oras sa sarili. Dapo rito, dapo roon. Umaga hanggang gabi, puro siya trabaho.
Pinag-aral niya ang anak sa mamahaling eskwelahan. Ibinigay niya ang luho dito kahit puro sakit ng ulo ang nakukuha nito.
Walang kwentang bubuyog si Buyog.
Ngunit magkaganoon man, mahal niya ito. Nagpatuloy siya sa pagkayod kahit puno ng problema sa anak. Sa paaralan at sa hardin. Tapos, dumating ang araw na hindi na niya kinaya.
Kinuha ng anak niya ang lahat ng kanyang pinagpaguran. Iyon sana ang ibabayad niya sa magiging matrikula ni Buyog sa kolehiyo.
Sa lugar kasi nila, pinapatay ang mga walang pinag-aralan. Dahil na rin sa hindi alam ni Buyog kung para saan ang kayamanang iyon, walang pasabi nitong kinupit iyon.
Napahiga sa ibabaw ng bulaklak si Inang Bubuyog. Lalong napaluha. Iyon yata ang unang kakarampot na pahingang nagawa niya sa loob ng dalawang buwan.
"Kung alam mo lang anak... Gusto kitang magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap... Mababa ang tingin ng lahi natin sa mga babae, pero pinilit kong itaguyod ka..."
"Ngunit tulad ka rin ng ibang mga lalaking bubuyog..."
Tila iyon na ang sensyales ng kanyang pagsuko. Napapikit siya't nakatulog.
Iyon na pala ang katapusan ng kanyang buhay dahil sa sobrang pagod at walang pahinga, idagdag pa ang problema sa anak... Namatay siya dahil nasa limitasyon na ang kanyang katawan.
SA pagkayap ng dilim ng gabi, umiiyak si Buyog sa harapan ng walang buhay niyang ina. Lumuha ito kung kailan huli na.
Kung noon pa niya sana ito ginawa, baka nakita pa niyang ngumiti ang kanyang ina.
Pero...
Huli na ang lahat sa tulad niyang walang kwentang anak sa kanyang mapagmahal na inang ngayo'y wala na.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Storie breviLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions