KAPILAS
Isang araw, may isang bata na nakakita ng isang lugar na tila binabasbasan ng mga nagniningning na hibla ng liwanag sa malawak na dagat. Ni minsan sa buhay niya ay hindi pa siya nakasaksi ng bagay na sadyang kahanga-hanga at hindi kapanipaniwala; nabihag nito ang kaniyang puso at isipan. Ngunit sa bawat paghakbang na kaniyang ginawa sa abuhing buhangin ay unti-unti ang paglamlam ng mga ilaw. Binilisan niya ang takbo hanggang sa halos maubusan na siya ng lakas, pero sige pa rin siya sa pagtakbo. 'Di rin nagtagal ay nilamon na ng kapanglawan ang buong paligid; nawala ang mga napakaririkit na ilaw at matatayog na gusali na abot-kamay na lamang niya.
Hindi niya na nakalimutan ang gabing iyon, ang gabing nawala ang kaniyang puso. Halos araw-araw ang pag-iyak ni Tala sa pangyayaring bumabagabag pa sa kaniya hanggang sa tumanda na siya. Inisip na lamang niya na isang katha-katha lamang ito ng malikot at pilya niyang imahinasyon noong siya ay musmos pa. Ngayon siya ay nag-aaral na sa isang kilalang unibersidad sa Maynila bilang iskolar na kumukuha ng isang kursong pangmedisina.
"Tala, anak magbabakasyon daw tayo kina lola Sinag mo sa darating na Linggo." sabi ng kaniyang ina na may napakabigat na punto sa bawat pagbigkas niya ng mga salita, "Matagal na rin naman mula noong huling punta mo sa Samar." dagdag pa niya.
"Hala, Mama baka medyo maging busy ako sa darating na mga araw." Paiiling-iling siya, pagkuwa'y kinuha niya ang isang napaka-kapal na libro at nakapanguso niya itong itinuro kay Aling Liwanag. Pilit niyang kinakalimutan ang lugar na ito ngunit pilit pa rin itong sumasagi sa kaniyang isipan.
Pagkalipas ng isang linggo ay natuloy din ang bakasyon na sobra niyang iniiwasan. Pagkatapos ng kanilang munting salu-salo ay tila may kung anong bagay ang humatak sa kaniya para magtungo sa lugar na kung saan niya naiwan ang puso na dapat ay nagbibigay ng kasiyahan sa kaniya.
"Tala, matagal na kitang hinihintay. Ano't ngayon ka lang bumalik dito sa lugar na kung saan ka isinilang?" Isang batang babae ang unti-unting lumitaw mula sa mga maninipis na hibla ng liwanag na tila ipinipinta sa hangin mula ulo hanggang sa paa.
"Hindi ko maintindihan." sagot niya sa misteryosang batang babae na dahan-dahang lumapit sa kaniya.
Nginitian lamang siya nito. Hindi napigilang magtaka ni Tala sa kaniyang nakita. Isang batang babae na may pamilyar na anyo-ang kaniyang anyo noong nakita niya ang siyudad ng liwanag. Unti-unting nanumbalik ang mga ala-alang hinulma sa kaniyang isipan. Ang pekeng katotohanan na sa kaniya ay idinikta.
"Siguro ngayo'y alam mo na kung ano ang nangyari, 'di ba? Oo hindi ka totoong tao, isa kang clone na ginawa ng mga taga-Biringan upang magsilbing kahalili ko sa mundong ginagalawan mo ngayon. Ngunit imbis na magkaroon ka ng aksidente na ikaw mismo ang may gawa'y nagkaroon ng glitch ang isang nano-chip na nakatanim sa utak mo at hindi mo na itinuloy ang naka program na gagawin mo." paliwanag ni Tala sa Tala na napamahal sa mga taong minsan niyang minahal.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions