Entry #11: Papel At Panulat

90 4 3
                                    

PAPEL AT PANULAT


Nakakainis! Palagi na lang akong bumabagsak sa quiz namin. Palagi na lang akong pinapagalitan ng teacher ko dahil palaging mababa ang nakukuha ko. Tuwing pag-uwi ko naman lagi na lang akong tinatalaktakan ng nanay ko dahil tumawag daw yung teacher ko na bagsak na naman ako.

Problema ba nila? Edi sila kaya ang mag-aral. Nakakatamad kayang mag-aral. Nakakainis na kailangan mo pang tandaan yung mga formula, kailangan mo pang basahin yung mga kwento, kailangan mo pang isaulo yung mga salita dahil baka lumabas sa quiz. Hay. Kainis talaga. Kung bakit ba kasi nauso pa ang edukasyon.

"Lucas! Halika nga dito. Dalhin mo nga yang mga aklat mo at magre-review tayong dalawa". Sigaw ni nanay.

Ano ba naman 'yan! Review na naman? E wala namang quiz e tapos re-reviehin na naman ako ni nanay? E wala naman akong napapala kahit reviewhin nya ako. Nai-istress lang ako sa pag-aaral na yan e.

Mula sa aking kwarto ay sinilip ko kung anong ginagawa ni nanay. Nakita ko syang nagluluto.

Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng aking kwarto at dahan-dahang lumabas para hindi mahalata ni nanay.

Tumakbo ako papunta sa bahay ng kaklase ko para makipaglaro. Buti nga sa paglalaro ay nagiging masaya ako hindi tulad sa pag-aaral na laging kinukulta ang utak ko.

Medyo malayo din ang bahay nila at kailangan ko pang dumaan sa highway.

Habang nasa highway na ako ay nakita ko ang dalawang batang punit-punit ang damit at marungis na pangangatawan. Sa tingin ko ay mga batang lansangan sila.

"Ate!Ate! Tingnan mo 'yon oh. May Ballpen. Tara kuhanin natin". Sabi nung mas maliit at agad na tumakbo para kuhanin yung ballpen na nasa gilid ng daan.

Nang makuha ng bata ang ballpen ay may dinukot naman sa bulsa yung ate ng isang pirasong papel na lukot-lukot.

"Ito yung blankong papel na napulot natin kanina. Tara bunso! Tuturuan kita kung paano mo isusulat ang pangalan mo"

Naglakad sila papunta sa isang eskinita. Hindi ko alam pero parang may nag-udyok sa akin na sundan sila.

Nakita ko yung batang maliit na ipinatong ang luko-lukot na papel sa pader at hawak-hawak ang panulat na ballpen.

"Isulat mo una ang letrang J. tapos O, S, H, U, A". Dinig kong pagtuturo ng ate sa batang maliit.

Hindi pa natatapos sa pagsusulat ng kanyang pangalan ay may biglang dumating na isang babae na hindi rin maayos ang itsura at tila ba pagod na pagod.

"Mga anak! Halina kayo at mangangalakal pa tayo ng basura". Mga anak nya pala ang dalawang batang lansangan na iyon.

"Inay gusto kong makapg-aral!". Masayang sambit ng maliit na bata.

Ngumit ng malungkot ang inay. "Pasensya ka na anak pero hindi natin kaya na dalhin ka sa paaralan"

Umalis na sila at naiwan akong nakatulala at sa di ko alam na dahilan ay biglang tumulo ang luha ko.

Naalala ko ang pagrereklamo ko tungkol sa pag-aaral pero hindi ko naisip ang mga tao na tulad nilang gustong makapag-aral pero hindi makapunta sa paaralan.

VOLUME 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon