Entry #28: Kentawra

73 4 5
                                    

KENTAWRA


Sumabay sa hangin ang mga hikbi ni Akemi. Katulad ng saliw ng musika mula sa nagaganap na kasiyahan. Isang pagdiriwang para sa kaarawan ni Danji, ang kanyang ama. Dinig ito sa pasilyo malapit sa silid nila ng kapatid na si Akisha.

"Umalis ka nga d'yan, Akisha!" pagsusungit niya sa nakababatang kapatid. Nakaupo ito sa kanyang kama. Mistulang isang munting prinsesa sa kulay rosas nitong kasuotan. Nakangiti ito sa kanya.

"Gusto lang kitang samahan, Akemi. Nag-aalala ako sa 'yo," aniya.

"Nag-aalala o natutuwa? Nang dahil dito, ilang araw na akong hindi makalabas ng silid. Paano na ako? May magagawa ka ba? 'Di ba, wala?" pagmamaktol ni Akemi. Muli itong napahagulhol nang iyak.

"H'wag ka nang umiyak. Walang maitutulong 'yan," tugon ni Akisha sa kanya. Habang may kung anong nilalaro ang kanyang mga kamay sa likuran niya.

"Nasasabi mo lang 'yan kasi hindi ikaw ang nasa kalagayan ko!" Inalis niya ang kumot na nakabalot sa kanyang katawan. Tumambad kay Akisha ang mga paa nitong nagmistulang paa ng kabayo.

Sandaling natahimik si Akisha. Bakas ang pagkalungkot sa mga mata. "Alam mo bang pareho lang tayo nang nararamdaman. Ikaw, sa kalagayan mong 'yan at ako, dahil sa trato mo sa akin," paliwanag ni Akisha.

"Umalis ka sabi!" sigaw ni Akemi. Kasunod ang gigil na pagsuntok sa kama.

"Ganyan ka na nga, ang sungit mo pa. Baka pinarurusahan ka dahil sa ugali mo. Pinilay mo ang isang kaawa-awang kabayo. Ako, lagi mong nilalait at ipinapahiya," sumbat ni Akisha. Hindi naman napigilan ni Akemi ang inis kaya binato niya ang kapatid ng unan sa mukha. Ang dahilan kung bakit napaluha si Akisha. "Baka bukas o sa makalawa, isa ka nang ganap na kentawra! Isang taong-kabayo! Buti nga sa 'yo!" naiinis na ganti ni Akisha.

Kapwa sila natahimik habang may luha sa mga mata. Mayamaya lamang ay dahan-dahang bumangon si Akemi at panay ang sulyap kay Akisha. Tila may kung anong nasasaisip.

"Bakit hindi ka pa rin umaalis?" tanong ni Akemi. Inayos niya ang kanyang magulong buhok. Hinipan naman iyon ng mahinang hangin mula sa bintana.

"Hindi kita iiwan kasi, mahal kita. Kahit galit ka sa akin," malungkot na sagot ni Akisha.

"Pinarurusahan nga kaya ako?" Napasinghap siya. "Sana mapatawad mo ako. Nagseselos lang talaga ako sa 'yo, pero mahal din naman kita," nahihiyang tinuran nito.

"Kung gano'n, hindi mo siya dapat sinasaktan. Ipinagtatanggol n'yo nga dapat ang isa't isa," sabat ng isang tinig. Unti-unting lumitaw sa kanilang pagitan si Sanja. Ang kaibigan ng kanilang mga magulang na nagtataglay ng kapangyarihan at dugo ng isang nimpa. Namilog naman ang kanilang mga mata.

"Patawad. Pangako, magiging mabuting kapatid na ako," maluha-luhang wika ni Akemi. Bakas sa mata nito ang pagsisisi.

"Ibabalik na kita sa normal basta, simula ngayon, wala nang away." Nakangiting tumango ang magkapatid. Hinipan ni Sanja ang mukha ni Akemi. Unti-unti naman itong nakatulog. Ibinaling niya ang kanyang tingin sa nakangiting si Akisha.

Mula sa likuran ay inilabas ni Akisha ang hawak na mahiwagang patpat at nagpalitan sila ng makahulugang ngiti.

VOLUME 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon