NANG BUMIGAT ANG PAKIRAMDAM NI ULAP
Mabigat ang pakiramdam niya ngayon.
Matapos siyang mabuo sa pamamagitan ng maliliit na butil ng tubig na tila nakalutang sa kalangitan, labis na kasiyahan ang kaniyang naramdaman. Tiningnan niya ang kaniyang mga kauri. Mayroong parang bulak ang hitsura at malalaki ang pagkakabuo. Mayroon namang maninipis na papahaba ang anyo.
Ngunit ngayon, napansin niya na naging kakaiba siya sa iba pang ulap na kagaya niya. Malápit man ang kaniyang hugis sa mga ito, nangingibabaw naman ang kaniyang kulay abong hitsura. Hindi kagaya noon na puting-puti siya at kitang-kita sa kulay asul na kalangitan.
"Bakit ganito ang hitsura ko?" naiinis niyang tanong sa kaniyang mga kasama.
Tumingin sa kaniya si Araw. "Bakit, Ulap? Ano'ng problema mo sa hitsura mo?"
Napasimangot siya. "Hindi na ako kulay puti!"
Hindi niya alam kung bakit siya naiinis sa kaniyang paligid. Marahil, dahil sa kaniyang mabigat na pakiramdam. O marahil, dahil nahihiya siya sa kaniyang mga kasama dahil sa kaniyang kulay. Ngunit, kung ano pa man ang tunay na dahilan, sigurado siya na ang gusto niyang mangyari ay mawala na ang bigat ng kaniyang pakiramdam.
"Huwag kang mag-alala, Ulap. Normal lang ang nangyayari sa 'yo," sabi ni Araw. Binigyan siya nito ng sinag. Ngunit, sa halip na masiyahan siya, mas lalo siyang nainis.
"Hindi ko kailangan ng sinag mo, Araw!" sigaw ni Ulap.
Dali-daling lumayo si Araw kay Ulap at pumunta sa ibabaw ng mataas na bundok.
Hindi alam ni Ulap kung bakit niya nasigawan si Araw. Noon naman, natutuwa siya sa sinag nito dahil napalilibutan siya nito ng puting liwanag. Mas lalong bumigat ang kaniyang pakiramdam. Ngunit, biglang nagsalita si Hangin.
"Bakit parang naiinis ka, Ulap?" pagtatanong nito.
"Ang bigat kasi ng pakiramdam ko."
Umihip si Hangin. Naramdaman ni Ulap ang malamig na simoy nito. Ngunit, sa halip na maging maayos ang kaniyang pakiramdam, lalo itong bumigat.
"Tama na, Hangin! Tama na!" pagsigaw niya.
"Bakit, Ulap? Hindi ka ba nagiginhawahan?"
"Hindi! Umalis ka na, Hangin. Gusto kong mapag-isa!"
May halong pagtataka sa mukha ni Hangin nang dali-dali itong umalis kagaya ni Araw. Napahinga nang malalim si Ulap. Noon naman, gustong-gusto niya ang malamig na simoy ni Hangin dahil nagiging maaliwalas ang kaniyang pakiramdam.
Muling tumingin si Ulap sa paligid. Ibang-iba na siya ngayon. Napansin niya na madilim na pala ang kalangitang kaniyang tinitirhan. Hindi kagaya ng iba niyang kasamang ulap na nasa malayo. Asul na asul.
Napayuko si Ulap dahil sa kalungkutan. Hindi niya namalayan na mayroong mga butil ng tubig na dahan-dahang pumatak sa kaniya. Ang mga anak ni Ulan.
Mas lalong lumakas ang pagpatak nito nang naramdaman ni Ulap na nawawala na ang bigat ng kaniyang pakiramdam.
Ilang sandali pa'y nagbago na ang kaniyang kulay. Unti-unti na siyang bumalik sa dati, sa pagiging kulay puti. Lumápit sa kaniya si Araw at muli siyang binigyan ng sinag. At doon, nabuo si Bahaghari. Naramdaman na rin ni Ulap si Hangin na nagdulot ng mas magaan niyang pakiramdam.
Simula no'n, hindi na naiinis at nalulungkot si Ulap sa tuwing bumibigat ang kaniyang pakiramdam.

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Historia CortaLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions