ATE
Bakit kaya lagi na lang ako ang nauutusan? Puro na lang, "Ate, pakuha naman ng gatas." "Ate, pakiabot naman nito..." , at "Ate, ikaw muna ang magbantay kay bunso."
Bata rin naman ako, ha? Kailangan din akong subaybayan at alagaan.
Mula nang dumating si bunso, ako na lang lagi ang nauutusan. Sanay akong sa akin natuon ang atensyon ng lahat. Sanay ako, na ako lang ang inaalagaan pero nang dahil kay bunso, para akong nawala sa paningin nila. Ay mali! Naaalala pala nila ako kapag inuutusan. Sino na lang ang magmamahal sa akin?
"Anak, bakit ka nakatulala riyan? May masakit ba sa 'yo?" wika ni mama.
"Wala po. Ayos lang po ako."
"Anak, nagtatampo ka ba kay mama?"
"Hindi po," sabay tingin ko sa ibang direksyon.
"Nagseselos ka ba kay bunso?"
"Bakit naman po ako magseselos?"
"Anak, lapit ka sa akin. kandong ka kay mama." Lumapit naman ako at kaagad yumakap kay mama. Na-miss ko ang yakap ni mama. Na-miss ko na para akong baby na mahal na mahal ni mama. Ang sarap sa pakiramdam.
"Alam mo ba, anak, mahal na mahal ka ni mama at papa. 'Wag mong iisipin na mas mahal namin si bunso kaysa sa 'yo. Baby pa kasi siya. Hindi pa niya kayang tumayo, kumain mag-isa, magsalita at gawin ang mga nagagawa natin." Nakatingin lang ako kay mama habang nangingilid ang aking mga luha sa mata.
" 'Di ba noong baby ka pa, lagi ka naming binabantayan. Hindi namin hinahayaan na malamukan ka... na umiyak ka... Sana iparamdam din natin kay bunso 'yon. Kasi love din natin siya. Kasi ikaw ang ate niya. Kapag wala kami, may ate siyang mag-aalaga sa kanya. Ayaw mo bang maging ate?"
"Pero mama..."
"Anak, alam mo bang ate rin ako? At masarap maging ate. Kasi kapag malaki na ang kapatid mo, pwede mo na rin utusan. 'Di ba ang saya?"
"Sabi mo 'yan, mama ha!"
"Ay! Joke lang anak 'yon. Basta alagaan natin lagi si bunso ha. I love you, anak!"
"I love you, mama! Pati si papa at bunso."
Pagkatapos namin mag-usap ni mama ay lumapit naman ako sa crib ni bunso.
"Kapag anim na taon ka na rin, bunso, ako naman ang mag-uutos sa 'yo. Pero sa ngayon, aalagaan muna kita. Love ka ni ate ha! Lagi mong tatandaan."

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Historia CortaLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions