PASUBALING PAG-IBIG
Magdadalawang oras na siyang nasa harap ng salamin at hindi mapakali. Hindi ko na mabilang ang damit na kanyang sinukat. Kahit ang kanyang buhok ay hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin. Hindi mawala-wala ang kanyang malalim na paghinga, tanda ng kanyang pagkadismaya.
"Saan ba ang lakad mo? Bakit masyado kang stress?" Nakailang ulit ko na itong natanong sa kanya pero hindi pa rin niya ako sinasagot.
Tahimik lang siya at parang walang naririnig. Siguro umiwas sa posibleng kahahantungan sa aming usapan- magkasagutan at hindi magkaunawaan.
Mga ilang araw ko siyang napapansin na balisa sa hindi malamang dahilan. At hindi umiimik kapag kinakausap. Walong taong gulang pa lang ang anak kong si Alexie pero parang dalaga na siya kung umasta. Sa halip na paglalaro ang inatupag ay kay Gian binubuhos ang kanyang atensyon, anak ng kaibigan kong si Lanie.
"Umaayos ka! hindi ka pa nga marunong maglaba ng 'yong panty, e tumatanggap ka na ng ligaw?"
"Mommy, kapag nalabhan ko ba ng maayos ang aking panty, papayagan mo na ba kami ni Gian?"
"H'wag kang pilosopo!"
"Mommy, ang paglalaba ng panty, matutunan 'yan. Pero itong aking naramdaman ay hindi basta-basta madidiktahan." Ang paulit-ulit niyang sinasagot sa tuwing magtatalo kami.
Maya-maya'y nakita kong lumabas ng kanyang silid si Alexie, suot ang mapusyaw na kulay-rosas na damit. Diri-diretsong lumabas ng bahay na hindi nagpapaalam.
"Lexi!" Malakas na sigaw ko pero hindi niya ako pinakinggan. Nakita kong agad siyang pumara ng taxi.
Alam kong sa bahay nila Lanie siya pupunta. Minsan nang nagtungo si Gian sa aming bahay, marahil para umakyat ng ligaw pero hindi ko siya tinanggap. Masyado pa silang bata sa ganyang bagay -- sampung taong gulang. At hindi na nasundan ang kanyang pagdalaw.
*****
"Kababae mong tao, ikaw pa ang may ganang sumugod sa lalaki!" Napataas ang aking boses matapos nakita kong si Alexie at Gian na nasa harap ng animo'y dinner date sa hardin ng kanilang bahay.
Napatingin sa akin si Alexie at hindi kumibo.
"Sorry po tita pero huwag n'yo pong saktan si Lexi," marahang sabi ni Gian. Animo'y adik sa kanyang suot na bonnet at dagdag pa ang maputlang niyang balat.
"Salamat nga pala, Lexi, dahil pinagbigyan mo aking huling kahilingan," pangiting sabi nito.
"Sa umpisa, pinagbibigyan lang kita pero sa paglipas ng araw, natutunan na rin kitang mahalin," maluhang sabi ng aking anak.
Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Naguguluhan.
"Tanya, alam galit ka sa akin dahil sa pagkonsente ko kay Gian. Pero ayaw kong ipagdamot sa kanya ang isang bagay na hindi na niya mararanasan," sabad ni Lanie, na nararating lang.
"Mahal na mahal ni Gian ang anak mo kaso hindi na siya makakaantay na lumaki pa sila. Ilang araw na lang ang nalalabi sa kanyang buhay dahil sa malubha siyang sakit," maluhang dugtong
Hindi ako makakibo. Marahil masyado akong protective kay Alexie kaya hindi ko magawang pakinggan ang kanyang mga paliwanag noon. Matinding galit din ang dahilan kung bakit hindi ako nakikipag-usap kay Lanie. Sobrang makasarili ako at naging sarado ang aking pag-iisip.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
KurzgeschichtenLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions