SEPANX
PARATING MAY BAGONG NAPAPANSIN SI MACKY.
Sa bahay, hindi niya kayang pumirmi sa isang lugar. Kaya, hindi magkanda-ugaga ang kaniyang ina sa kakahanap sa kaniya. Isang beses, dahil sa kagustuhan niyang makita ang isang laruan na helicopter ng kaniyang kaibigan, muntik na siyang mabangga ng isang bisikleta.
Kaya nang makita ang laruang bangka sa ibabaw ng istante, hindi siya mapakali.
"Ma, ano 'yun?" tanong niya sa inang abala sa telepono. Nakakunot ang noo nito habang may kinakausap. Nang humarap sa kaniya, gumaan ang ekspresyon nito.
"Anak, 'wag mong galawin 'yan." Inilayo nito ang telepono sa bibig. "Espesyal 'yan kay Mama. Sige ka, kapag ginalaw mo 'yan, baka dalawin ka ng nuno sa punso!"
Tumaas ang balahibo ni Macky. "Hala Mama! Ayoko po!"
Ngumiti ito at hinaplos ang kaniyang ulo. "Maglaro ka muna ha? May aasikasuhin lang si Mama at pagkatapos, kakain tayo ng meryenda."
Pero kahit na sabihin ito ng kaniyang Mama, mas nanaig ang kagustuhan niyang mailaro ang bangka. Iniisip niya, Totoo kaya ang nuno sa punso? Baka kapag hinawakan ko 'yun, magpapakita 'yun sa 'kin!
Nang lumabas ang kaniyang ina, sinunggaban niya ang pagkakataon. Hinila niya ang pinakamataas na silya at tumuntong dito. Muntikan pa siyang malalaglag habang inaabot ito!
Bumaba siya nang makuha ito. Pumunta siya sa kwarto nila at doon inusisa ang laruan. Hindi niya makita kung paano ito naging espesyal sa kaniyang ina dahil simple lang ito-luma ang kahoy ng bangka. Nabalot ng alikabok ang mga posporo sa loob ng bangka. May isang pigurin ng elepante na iba't ibang kulay ang paanan. Napukaw ang atensyon niya sa isang maliit na butas sa gitna ng elepante.
Tinusok niya ng posporo ang loob nito. Tumakbo siya pababa at kumuha ng pakete ng posporo. Inilawan niya ito at ipinikit ang mata.
"Nuno sa punso, kung totoo ka man, ibalik mo na si Papa."
Iyon din ang dahilan kung bakit parating maraming napapansin si Macky. Umaasa siya na baka kung saan siya mapadpad, naroon ang kaniyang ama. Ang tanging alam niya sa ama ay tumalon daw ito sa isang helicopter. Gusto niyang makakita ng isang helicopter kung posible ngang mangyari iyon.
Pagkatapos, ibinalik niya sa istante ang bangka. Tumakbo siya papunta sa kaniyang ina upang kulitin ito ng meryenda. Dahan-dahan siyang pupunta rito at gugulatin.
Habang papalapit, narinig niyang humihikbi ang kaniyang ina.
"Ma, alam mo namang hindi ko kayang sabihin kay Macky ang tungkol sa tatay niya," narinig niyang sinabi nito. "At mas lalong hindi ko kayang sabihin na pupunta ako ng Korea para magtrabaho-"
Tumigil ito sa pagsasalita nang makita si Macky.
Namumuo ang luha sa mata ni Macky. "Ma, ano pong ibig sabihin no'n?" Paputol-putol ang kaniyang boses. "I-Iiwan niyo rin po ba ako?"
Umalis siya upang kuhain ang laruang bangka at ibinigay sa kaniyang ina. "Hindi ko na po gagalawin 'yan! 'Wag na po kayong umalis! Pati pa naman po ikaw, Mama..."
Umalingawngaw sa silid ang kaniyang hagulhol. Pinunasan nito ang mga luha at niyapos ang kaniyang likuran. "Hindi kita iiwan, anak."

BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions