D STRESS
Sa isang malayong kalupaan, sa mundong tila sa libro na lamang matatagpuan, naroon ang isang kaharian - ang Wika. Hindi tulad ng iba, ang Wika ay pinamumunuan ng reyna. Ito ay tinatawag nilang Mother Tongue. Ang bawat mamamayan sa nasasakop na kaharia'y ang mga Pantig Syllable.
"Mother Tongue," bigkas ng isa sa mga pinagkakatiwalaang kawal ng reyna. Ang mga ito ay Isahang Pantig Syllable, 'pagkat sila'y mga magigiting na kayang mapunan ang kanilang Kahulugan Meaning
- ang trabaho ng bawat isa.
Nagkaroon na ng pag-iisip ang reyna kung saan patungkol ang pagpunta ng kawal sa kaniya. Isang buwan na kasi nang magkaalitan ang mga mamamayan ukol sa Salita - ang pagbubuklod ng ilang Pantig Syllable upang epektibong magawa ang mga Kahulugan Meaning.
"Ano ang dahilan ng iyong pagdulog?"
Huminga ito nang malalim. "Dumarami po ang hidwaan sa pagitan ng mga Pantig Syllable na nasa iisang Salita. Nagpapalakasan sila kahit pa nasa iisang Kahulugan Meaning lamang sila," nag-aalangang litanya nito.
Alam niyang mangyayari ang bagay na iyon. Sapagkat ang haba ng bawat Pantig Syllable ay hindi pantay-pantay.
Nilingon niya ang kawal. Doon niya naalala ang estrangherong nanghimasok sa kakahuyang parte ng kaharian. Nagtangis ang kaniyang bagang habang tinatandaang muli ang eksaktong sinabi nito: "Magalak kayo, dahil isa akong tagapagligtas, layon ko ang magbigay liwanag sa bawat ninyong Kahulugan Meaning!"
Nanggagalaiti siya. Tila ba ang problemang kinahaharap ng kaharia'y dala ng estranghero. Agad siyang tumayo mula sa trono nang mapagtanto iyon.
"Kung gayon, dalhin mo sa akin ang kaisa-isang bihag. Madali!"
Agaran ang naging pagsunod ng kawal. Si Mother Tongue nama'y muling naupo sa kaniyang silya, habang inaayos ang ginintuang bestida. Ilang minuto lamang ay naroon na, nakaluhod sa kaniyang harap ang lalaking bihag.
"Estranghero," panimula niya.
"Ang tawag sa aki'y Diin Stress," walang takot na saad ng lalaki.
"Iwan ninyo muna kami," utos niya sa mga Isahang Pantig Syllable na nasa kuwarto ring iyon. Nang sumunod ang mga ito ay hinaral niyang muli ang lalaki. "Ano ang hatid mo sa Kahariang Wika?"
"Kaliwanagan sa bawat Kahulugan Meaning."
Nang matapos ang usapa'y kaagad na ipinakilala ng reyna ang Diin Stress sa buong kaharian. Iba't ibang salita ang natanggap ng lalaki, ngunit kaagad iyong napalitan ng pagkamangha. Maski ang reyna ay siyang natigilan, kakaiba ang Bigkas na hatid ng Diin Stress sa bawat salitang mapupuntahan.
Ngunit hindi inaasahan ng reyna ang biglaang pagkagutom ng mga Pantig Syllable sa lalaking Diin Stress. Pinag-agawan ito, hinila sa iba't ibang direksiyon. Tila isa itong malaking tipak ng ginto.
Agad na sumigaw si Mother Tongue, pilit na pinipigil ang mga Pantig Syllable - huli na, sapagkat bigla'y naglaho si Diin Stress. Dumilim ang buong kalangitan.
"Ang Salita ay may kalituhan; ang hindi magbigkas nang tama ay magkakamali. Ang bawat Salita'y may bukod tanging Pantig Syllable na may diin, bilang tanda ng aking kamatayan at walang hanggang panibugho."
Matapos ang bagyo ay nagpatuloy ang bawat mamamayan. Dala ang aral na natutunan. Mas lumaki ang kaharian, kasabay noo'y pag-unlad ng bawat pamumuhay.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions