ANG PITONG KULAY NG BAHAGHARI
Sa himpapawid ng langit nakatira ang anim na maharlikang magkakapatid na sina Prinsipe Asul, Prinsipe Berde, Prinsipe Lila, Prinsesa Pula, Prinsesa Dilaw, at Prinsesa Kahel. Sila ay biniyayaan ng mga espesyal na kapangyarihan, upang mapangalagaan at protektahan ang kanilang tahanan na 'sing lawak ng walang hanggan.
Si Asul ang pinakamatanda sa lahat. Siya ang panganay kaya naman siya ang pinaka-namumuno sa buong himpapawid. Ang pagpapabughaw sa langit ang isa sa mga trabaho niya. Inaalagaan niya rin ang mga kapatid niya. At dahil buong beinte-kwatro oras maliwanag ang langit, minsan ay wala na rin siyang sapat na pahinga.
Sina Berde at Lila ang pangalawa at pangatlo sa pinakamatanda. Sila ang nagpapaliwanag sa gabing madilim, bukod pa syempre sa mga maliit na bituin at sa inang buwan. Kalimitan silang nagpapamalas ng kapangyarihan sa mga lugar na pinagpala ang malamig na temperatura. Bukod rito ay sila rin ang namamahala sa mga ulap na lumalangoy sa hangin. Ngunit minsan lang gumawa ng trabaho niya si Lila. Masyado kasi siyang maalaga sa sarili kaya naman kalimitang nasa kwarto lamang niya siya, na ikinaiirita parati ni Berde.
Sina Pula, Dilaw, at Kahel naman ang mga nag-gagandahang mga prinsesa ng himpapawid. Ang trabaho lang nila ay pakulayin ang langit sa tuwing sisikat at lulubog ang araw. Si Asul mismo ang nagbigay sa kanila ng gawaing iyon, na siyang ikinagagalak nila dahil mas marami silang mauubos na oras sa paglalaro at pamamasyal.
Araw-araw, ito ang paulit-ulit na trabaho ng mga magkakapatid. Lahat naman ay nasa ayos. Maganda ang takbo ng bagay-bagay. Akala ni Asul ay wala nang magiging problema.
Akala niya lang.
Isang araw, habang abala si Asul sa mga papel na inaasikaso niya, ay biglang dumating ang galit na galit na si Berde. Iniulat nito ang reklamo nito tungkol sa pangatlong prinsipe. Nang marinig niya ang hinaing nang nakababatang kapatid, dali-dali niyang hiniling ang presensya ng pangatlong prinsipe.
Ipinagtanggol naman ni Lila ang sarili. Ayon dito, masyadong sensitibo ang balat nito sa sinag ng araw. Bakit ba kailangan nitong magtrabaho sa initan?
Lalong umusok sa inis si Berde. Tuluyan nang napigtal ang pisi ng pasensya nito. Hindi nito napigilan ang sarili at nakipagtalo kay Lila. At si Lila? Lumaban. Ang kaawa-awang Asul ay hindi alam ang gagawin kung paano sila aawatin.
At kaawa-awa ngang tunay si Asul dahil hindi pa nga niya nareresolba ang problema nina Berde at Lila, hindi pa nga niya natataapos ang mga papel na inaasikaso niya, heto't may panibago na namang alalahanin. Dumating ang mga Prinsesa, dala ang hudyat na kailangan nang pabughawin ni Asul ang langit.
Sa punto na 'yon ay napuno si Asul.
Sumiklab ang emosyon at nagkagulo ang mga magkakapatid.
Nang dumating si Araw sa himpapawid, sumalubong sa kanya ang isang hindi inaasahan. Madilim ang langit. Dikit-dikit ang itim na mga ulap na dati'y kulay puti. At bumabagsak ang mabigat na ulan.
Pinarusahan ng Araw ang mga magkakapatid.
"Simula ngayon, ang mga kapangyarihan ninyo ay sabay-sabay na magagamit lamang kapag tumigil na sa pagluha ang mga ulap." Malungkot nitong turan.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Kısa HikayeLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions