ENTRY #8: Hero

353 3 4
                                    

Naaalala mo ba noong anim na taong gulang ka pa lang? Nanonood kayo ng mommy at daddy mo ng movie sa sala. Nasa kalagitnaan na kayo ng movie nang may natanggap na importanteng tawag ang daddy mo. Umalis rin saglit ang mommy mo para magbanyo. Naiwan kang mag-isang nakaupo sa sofa. Tumayo ka't naupo sa sahig habang ngumunguya ng paborito mong buttered pop corn. Ilang minuto rin ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik ang mga magulang mo. Tutok na tutok ka sa flatscreen t.v. niyo habang kumakain na akala mo ay may naiintindihan ka pero sa totoo lang ay wala kang ideya sa kung ano ang napapanood mo. Kapag may isang eksena kasi ang lalaki't babaeng bida ay bigla na lang tatakpan ng mommy mo ang mga mata mo. Sinubukan mo ring magtanong kung bakit niya ginawa 'yon pero "bawal sa bata" lang ang lagi nilang sagot sayo.

Sampung minuto na ang nakakalipas pero hindi pa rin sila bumabalik. Nagitla ka sa biglang pagsigaw ng lalaking bida sa pinapanood mo. Napahinto ka sa pagnguya at tumutok ka sa t.v. habang nanlalaki ang singkit mong mga mata. Nakita mo kung paano saktan ng lalaki ang babae. Gustuhin mo mang takpan ang mga mata mo ay hindi mo naman magawa dahil napako na ang tingin mo sa t.v. Napatayo ka at nagsimulang lumuha nang marinig mong humagulgol ang babaeng bida.

Magkasabay na pumanik ang mommy at daddy mo. Pagkatapos kasi magbanyo ng mommy mo ay may tumawag rin sa kanya. Nang sila ay malapit na sa sala ay nagtaka ang mommy mo kung bakit ka nakatayo habang hindi inaalis ang tingin mo sa screen. Napatakbo naman ang daddy mo at agad na pinatay ang t.v. nang makita niya ang eksenang napapanood mo. Doon lang nila napansin na umiiyak ka. Umiiyak ka kasi nakita mo sa babaeng bida ang mommy mong umiiyak din dahil sa daddy mo noong minsan.

Maaga kang namulat sa reyalidad. Sa edad na anim ay nakita mo kung paano na lang saktan ng lalaki ang babae sa hindi niya alam na dahilan. Kaya naman bumitaw ka kagad sa pagkakayakap sa mommy mo at nagpahid muna ng luha bago ka mangako sa kanila.

"Mommy, daddy, hindi ko po hahayaan na umiyak kayo."

Nasa kalagitnaan na ng pasukan pero may bago kayong kaklase. Grade one ka na noon. Hindi mo pinapansin ang mga kaklase mong lalaki na nagkakagulo sa likod ng room. Lumabas ang teacher niyo dahil may meeting sila. Saglit kang huminto sa pagkukulay at tinignan ang mga kaklase mo.

"Payatot!" "Pangit!" 'Yan ang narinig mong sabi ng mga kaklase mo. Hinayaan mo na lang sila at nagpatuloy ka sa pagkukulay. Naisip mo kasi ang bilin sayo ng mga magulang mo. Masama ang makipag-away at ayaw ng daddy mo na nakikipag-away ka.

Nagulat ang katabi mong kaklase sa bigla mong pagtayo. Tinanong ka niya kung anong nangyayari sayo pero hindi mo siya pinansin. Tumakbo ka agad sa likod ng room at hinawi ang mga kaklase mo. Nakita mong sinisiksik ng isang batang babae, na sa palagay mo ay ang bago niyong kaklase, ang sarili niya sa isang sulok habang nakayakap sa kanyang maliliit na binti at umiiyak. Dahil sa nasaksihan mo ay nakita mo ulit ang mommy mo sa batang umiiyak. Sinigawan mo ang mga kaklase mo na nagpabigla sa kanila. Kilala ka kasi nila bilang tahimik na tao. Hinarap mo ang mga kaklase mo pagkatapos mong sumigaw ay tinakot sila na isusumbong mo sila sa teacher niyo. Agad silang natakot kaya nagsibalikan sila sa kani-kanilang upuan.

Nilapitan mo ang batang babae na umiiyak pa rin. Tinanong mo siya kung okay lang siya kahit alam mong hindi.

"Uy, huwag ka nang umiyak," sabi mo sa kanya habang hinahaplos ang likod ng ulo niya. Nagbaka sakali ka na mapatahan siya sa ganitong paraan. Ito kasi ang paraan ng mommy mo para mapatahan ka.

Nang medyo tumahan na ang bata ay inabot mo sa kanya ang paborito mong panyo na may burda pa ng pangalan mo sa lay-layan. Nginitian ka niya bago punasan ang mukha niya. Maingat siyang hindi suminghot para hindi mo siya pagtawanan. "Sige, okay lang kahit suminga ka sa panyo ko." Napangiti ka sa hindi mo malamang dahilan. Pagkatapos ay inabot mo ang kamay mo upang makipagkilala, "ako nga pala si Andre."

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon