ENTRY #41: Sorrow Fades

103 1 3
                                    

Nasa bubungan ng kanilang bahay si Bok habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng papauwi na sa kani-kanilang tahanan. Napahalumbaba ang dalaga at nagpakawala ng isang malalim na buntung-hininga.

 “Kung may magpapa-aral lang sana sa akin,” bulong niya sa sarili.

 Umikot siya ng pagkakaupo. Ngayon natatanaw na niya ang buong baryo nila. Tanaw din niya ang Bundok Borte na matayog ang pagkakatayo. Niyayakap ng ginintuang kahel na sikat ng araw ang buong Baryo Kalit. Malambing na hinihipan ng hangin ang kanyang mahaba, maitim at kulot na buhok. Kumikislap ang kanyang asul at mapupungay na mata habang kinakagat ang mapula at maliit niyang labi. Napabuntung-hininga muli ang dalaga.

 Kung naririto lamang ang itay. Kung pinanindigan niya lang sana ako, hindi na sana kami naghihirap ngayon. Pero hindi ho ako galit sa inyo, Tay. Hindi ko ho magagawa yon.

 May dugong banyaga si Bokessa Kreese. Tatlong buwan pa lamang siya sa sinapupunan ng kanyang ina ng iwan sila ng kanyang ama. May oras na ipapalaglag na sana siya ng kanyang ina dahil sa pagkabigo, ngunit hindi ito nagawa ng ginang. Limang taon si Bok nang mag asawa ulit si Flora, ang kanyang ina. Nagbunga ng tatlong supling ang pagsasamang iyon. Makalipas ang labing dalawang taon ay namatay ang kabiyak ni Flora sa drug overdose na labis na ikinagulat at ikinalungkot ng ginang. Simula noon ay naging lasinggera at sugarol na ang ina ni Bok. Madalas na din itong galit at maikli ang pasensya. Tila ba’y nawawalan na ng ganang mabuhay. Gayunpaman, mahal na mahal pa din ng dalaga ang ina. Kahit inaabuso siya nito. Dala ng kahirapan ay hindi na nag-kolehiyo si Bok. Sa halip ay nagtrabaho na lang siya bilang waitress sa isang resto bar sa bayan. Bagamat maliit lang ang kinikita ng dalaga ay pinagkakasiya na niya lamang ito para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

 Rest Day ni Bokessa ngayon kaya may oras siyang manatili saglit at pagmasdan ang mundo. Papalapit na ang gabi nang magpasyang bumaba ng dalaga. Nang makatungtong na siya sa lupa ay bumungad ang kanyang ina na may dalang dalawang bote ng beer habang may sigarilyong nakasalpak sa labi nito.

 “Nay, nangutang na naman ho kayo kay Aling Sonya? Eh ang laki na ho ng—“

 “Hindi ako nangutang. Binili ko ‘to,” walang lingon-likod na sambit ni Aling Flora.

 Binilisan ni Bok ang lakad at hinarang ang ina sa daan. “Paano ho kayo nagkapera?” nangangambang tanong ni Bok.

“Kinuha ko sa bag mo,” blangko nitong sagot.

 Nagulat at nasindak ang dalaga sa narinig. Ilang gabi din siyang nag-over time makaipon lang ng ganoong halaga.

 “Ano ho? Nay naman. Pambayad ho natin yan kay Aling Sonya. Bakit niyo po ginastos? Tsaka hindi naman po importante yang pag-iinom eh,” hindi na napigilan ng dalaga ang sarili.

 “HUWAG MO AKONG PAPANGARALAN! WALA KANG KARAPATAN! BASTOS KA AH. ANO PINAGMAMALAKI MONG KUMIKITA KA NA, HA? LUMAYAS KA DITO PARA WALA NANG DAGDAG PALAMUNIN PA AT SAKIT NG ULO SA AKIN. LAYAAAAS!” bulalas ng kanyang ina habang nanlilisik ang mga mata sa galit.

 Sa sobrang gulat ay tumakbo si Bok patungo sa kanyang silid at doon umiyak. Hindi na niya nakikilala ang sariling ina. Pagod na rin siya sa paulit-ulit na ganitong pangyayari sa kanyang buhay. Pero pinipilit pa din niyang maging matatag.

 Lagi na lang ganito, ako pa ang mali. Ako pa. Nagsisikap naman ako ah. Pero bakit?

  Ilang buwan ang nakalipas ay naospital ang mga nakababatang kapatid ni Bokessa dahil sa dengue. Wala pang dalawampu’t apat na oras ay pumanaw na ang mga ito. Labis na lungkot ang nadama ni Bok.

“Nay,” tawag ni Bok sa kanyang Ina isang gabi matapos ilibing ang kanyang mga kapatid. Nakaupo lang ito sa mesa at tinutungga ang isang bote ng gin habang naninigarilyo. Mugto na ang mga mata nito.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon