ENTRY #46: Katok

104 1 4
                                    

Magtatawag na si Tatay. Ibig sabihin, luto na ang hapunan. Siya naman itong maririnig ni Nanay na patapos na sa pagdidilig ng mga halaman sa bakuran. Ibabalik ni Nanay ang latang pandilig sa maliit na estante na nakapwesto malapit sa kwarto ko. Kakatok siya sa bintana ng silid ko.

“Kakain na, anak.” Ang sasabihin niya. Tatango ako at sasagot ng “opo” saka lalabas ng silid. Tutungo papuntang hapag kainan kung saan makikita ko si Tatay na naglalapag ng mga pinggan. Akin siyang tutulungan. Lalagyan ko ng tubig ang mga baso.

Papasok si Nanay mula sa pinto ng kusina habang nagpupunas ng mga kamay. Ngingitian niya ako at pupurihin dahil sa pagtulong sa aking ama. Ganoon din ang pagpuri ni Tatay sa akin.

Pagkatapos sa paghahanda ay uupo na kami. Daop-palad habang nakapikit. Magsisimulang magdasal si Tatay, magpapasalamat sa Diyos sa biyayang ibinibigay niya sa amin.

“Amen.” Sabay-sabay naming sasabihin at sisimulan na ang pagkain.

Naging kabihasnan na namin ang ganoong sistema. Araw-araw. At siguradong maya-maya ay tatawag na si Tatay at kakatok na si Nanay. Nais ko ring maging ganoon ang buhay ko kapag ako’y nagkaroon na ng sariling pamilya. Masaya at simple.

Isinara ko ang hawak kong libro at inilapag ito sa lamesa katabi ng kama ko. Tumayo ako at lumapit sa aparador. Humarap ako sa salamin nito. Inayos ko ang laylayan ng aking bestida gawa ng ito’y nayupi. Pagkatapos ay inayos ko naman ang aking buhok.

Ano kayang itsura ko kapag kakatukin ko na ang bintana sa kwarto ng anak ko?

Kumatok ako sa salamin. Gayang-gaya ang tindig ni Nanay.

“Kakain na, anak.” Sabi ko. Napangiti ako. Bagay naman pala sa akin.

Nakarinig ako ng katok sa bintana. Agad akong lumapit doon. Nakita ko si Nanay na nakasilip habang nakangiti. “Kakain na, anak.”

Tumango ako at sinuklian ang mga ngiti niya. “Opo.”

Naglakad na ako papunta sa pinto ng makarinig ako ng pagkatok sa bintana. Nilingon ko ito ngunit wala naman si Nanay. Baka kaaalis lamang? Pero bakit siya kakatok muli?

Inialis ko na lamang iyon sa aking isipan dahil narinig ko ang mga pagkalansing ng kutsara’t tinidor mula sa labas. Akin nang tutulungan si Tatay.

Naglakad akong muli palabas. Ngunit nang hawak ko na ang seradura ng pintuan ay narinig ko nanaman ang pagkatok. Mabilis ako lumingon sa direksyon ng bintana. Walang tao. Wala roon si Nanay.

May kumatok ulit.

Pero ni isa, wala akong nakitang kamay na kumatok. At sa pagkakarinig ko, nagmula ang tunog sa aparador. Kinakabahang nilingon ko ito. Ang lumang aparador.

Akala ko’y tapos na ngunit naulit na naman.

At naulit.

Naulit pang muli.

Hanggang sa hindi na ito tumitigil. Patuloy lamang ang pagkatok. Katulad ng salamin ay nginginig ang mga kamay ko. Nangangatog ang mga tuhod ko.

Palakas ng palakas ang pagkatok. Pahina ng pahina ang tinig ko. Hindi ako makasigaw. Hindi ako makagalaw.

“Kakain na, anak!” Ang huling narinig ko.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon