ENTRY #34: Abandonadong Ina

147 2 2
                                    

Nilakad ko ang maliit na eskinita papasok sa iskwater. Sinalubong ako ng ingay at mga tingin ng mga taong nakatira roon. May mga batang marurungis at pawisan akong nakasalubong. Nagtatakbuhan sila sa ilalim ng sikat ng araw. Bagaman tagaktak ang pawis ng mga ito at tila pagod na pagod na, hindi pa rin sila tumitigil sa pagtakbo.

“Ay, bwisit!” impit na bulong ko nang muntikan na akong malaglag sa maruming canal sa gilid ng gutter doon. Makitid ang daan patungo sa aking pupuntahan. Ang isang tao ay hindi pa rin kasya.

May ilan din akong nakitang mga nanay sa labas ng bahay nila na nagwawalis ng kanilang mga bakuran at ang ilan ay nagke-kwentuhan lang. May ilang naghihinuto ng kanilang mga anak. May ilang sinusuklayan ang mga anak.

“Crisanta, malayo pa ba?” Hindi ko sinagot ang tanong ng aking cameraman. Bagkus, nagpatuloy ako sa paglalakad.

Kinikinita ko ang mga titig sa akin ng mga tao roon. Ang ilan ay nakatingin sapagkat halatang hindi ako taga-roon dahil sa suot kong blouse at pencil-cut skirt na tinernuhan ko ng 3-inch corporate heels. Pakiramdam ko ay pulang-pula na ang aking paa sa sobrang sakit dahil sa sapatos ko. Bakit nga ba ito ang naisip kong suotin gayong alam ko namang hindi ito ang nararapat sa aking pupuntahan?

Maingat akong naglakad. Napapiksi ako nang may mapadanggil sa aking matanda. Hihingi sana ako ng pasensya ngunit hindi ko na naituloy nang panlisikan niya ako ng mata. Iniwas ko na lamang ang tingin ko sa kanya. Muli akong tumingin sa aking dinaraanan.

“Oh. Sa wakas, bumalik na si Crisanta.”

“Ngunit huli na.”

“Ano namang mayroon at bumalik pa siya?”

Hindi ko pinansin ang mga mapanuring salita nila. Huminga ako nang malalim. Alam ko ang kwento ng bawat tao rito. Alam ko ang mga katotohanan sa likod ng kanilang mga sira-sirang kubo, maduming kapaligiran at maingay na baranggay. At isa iyon sa dahilan kung bakit ako naririto. Upang ikwento sa mundo, ang istorya ng isa sa kanila.

Dumating kami sa aming pupuntahan: sa isang abandonado at maruming kubo. Bilang isang reporter, tungkulin ko ang ibalita ang mga nakakalap kong impormasyon at kwento kahit pa sa malalayong baryo.

Inayos ko ang sarili ko. Saka humarap sa camera at itinapat sa aking baba, sa ibaba ng aking labi, ang mikroponong hawak ko.

“Magandang gabi, mga kababayan. Ako ho si Crisanta Sandoval, nagbabalita. Kasalukuyan akong naririto sa Baryo Pitong Gubat, Baranggay Pag-ibig. At aking nasa likuran ang bahay ng isang matandang di umano’y nalaglag mula sa papag na bubong ng kubo nito habang inaayos ang antenna ng kanyang tahanan.”

Nagsimula nang makiusyoso ang ilang mga nandoon. Nanonood sila sa akin. Nakikinig. Ang ilan ay pumupunta sa aking likuran para makita sa camera. Ang ilang bata naman ay kumakaway pa habang ako ay nagbabalita.

“Ang matanda ay nagngangalang Sonia na may edad na 86. Ayon sa mga nakalap naming impormasyon, nanghiram ng hagdan mula sa kapitbahay ang matanda upang magamit pag-akyat sa taas. Ang ilang nakakita ay pilit siyang pinababa sapagkat delikado nga ito ngunit pinipilit sabihin ng matanda na aayusin lamang nito ang antenna para lamang mapanood ang balita at masulyapan ang paborito nitong news anchor sa TV. Ngunit habang nasa itaas ito ay isang malakas na kalabog ang narinig ng mga tao mula sa loob ng bahay nito. Doon nila nalaman na nahulog pala roon ang matanda nang mabutas nang tuluyan ang papag na bubong ng kubo nito.”

Lumunok ako saglit. Natutuyo ang lalamunan ko sa sobrang init… at pati na rin sa sobrang kaba. Pasimple kong pinahid ang pawis sa aking sentido. Saka muling nagsimula.

“Ayon pa sa aming mga sources, mayroon daw sampung anak ang matanda ngunit wala sa mga ito ang kasama nito sa bahay. Anila, isa-isang iniwan ng magkakapatid ang ina at tumungong Maynila at doon nagtrabaho. Ni ilan sa sampu ay hindi nila nakitang bumalik; hindi narinig na tumawag man lang sa kanilang ina. Tanging ang mga mababait na kapitbahay ng matanda ang gumagabay at nag-aalaga rito. 51 years old ang matanda nang iwan ito ng mga anak nito. Sa loob ng tatlumpu’t limang taon, inabandona ng sampu ang kanilang kawawang ina.”

Napansin kong lalong dumami ang tao sa paligid. Mas lalong uminit ang singaw. Mas lalo kong naamoy ang hindi kaaya-ayang singaw ng mga katawan ng mga tao rito. Idagdag pa ang amoy ng canal sa tabi ng kinatatayuan ko. Nakatitig na naman sa akin ang mga tao.

“At hanggang sa libing ni Aling Sonia ay wala man lang silang nakita ni anino ng isa sa mga anak nito. Isang nakakaantig ng puso, nakakagalit sa dibdib at nakakaawang pangyayari ang naganap sa buhay ni Aling Sonia. Kami mismo, ang staffs namin at ako na rin mismo, ay nakikiramay sa pangyayaring ito. Ang mga anak ang dapat nag-aalaga, gumagabay at nagmamahal sa kanilang ina bilang bayad sa ginawa nito para sa kanila noon. Ngunit anong nangyari? Masakit isipin na hindi man lang naranasan ni Aling Sonia ang pag-aalaga ng sarili niyang mga anak. Masakit isipin na sa ibang tao pa siya umasa, imbes na sa sariling dugo’t laman niya.”

Pinilit kong pigilin ang luhang dala ng aking matinding emosyon.

“Masakit isipin na inabandona ng sampung anak ang kanilang sariling ina.”

At higit sa lahat, masakit isipin… na isa ako sa sampung umabandona sa kanya.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon