ENTRY #10: Hindi Pwede

292 4 4
                                    

"Danine, eto na yung pagkain mo oh." sabi mo sabay lapag ng tray sa may table natin.

"Thank you." nakangiti kong sabi.

Magkasabay tayo parati kung kumain, madalas pang ikaw ang bumibili ng pagkain ko pero walang tayo. Kasi....kasi hindi pwede.

"Neo, nagawa mo na ba yung assignment mo sa physics?" tanong ko sa'yo.

"Hindi pa. Hindi ko kasi masagutan eh." sagot mo naman.

"Sige, tutulungan na lang kita."

Tayo yung nagtutulungan sa mga school works. Pero hindi tayo kasi...kasi siyempre, hindi pwede.

"Hi Danine! Sexy natin ngayon ah." sabi ng isa kong kaklase habang nakangiti.

"Uhm...haha. Thank you?" awkward kong sagot.

"Mamaya ha?" sabi niya sabay halakhak.

Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Anong ibig sabihin nun? Bago pa man ako sumagot, sumulpot na si Neo sa may likod ko at tinignan yung kaklase ko, "Uy pare, medyo bastos ha. Walang ganyanan."

Nandyan ka parati para ipagtanggol at protektahan ako. Gawain yun ng boyfriend, diba? Pero hindi kita nobyo dahil hindi pwede.

"Ang laki ko kasing failure sa mga magulang ko. Nakakahiya kasi nakailang shift na ako ng course." sabi mo.

Hinaplos ko ang likod mo para pakalmahin ka, "Naiintindihan ka naman nila, Neo. Kailangan mo lang talaga sigurong hanapin ang sarili mo tsaka kung ano talagang gusto mo."

Tayo yung nandyan para damayan ang isa't-isa. Mapa kasiyahan man o kalungkutan. For better or for worse, ika nga nila...pero hindi tayo. Hindi na yata magiging tayo kasi hindi pwede.

"Kayo na ba ni Neo? Lagi kayong magkasama ah." tanong ng mga kaklaseng kong babae.

Nginitian ko na lang sila, "Hindi kami ni Neo. Magkaibigan lang kami."

"Bakit hindi? Jusko! Eh lagi nga kayong magkasama nun." sabi ng isa.

Nagsitanguan naman silang lahat.

"Tsaka...bagay kamo kayo ni Neo. As in! Parang match made in heaven!" sabi pa ng isa.

Pinilit kong ngumiti para ipakita na imposible talagang maging kami...dahil...dahil hindi pwede, "Hindi talaga kami."

"Danine, sabay tayong umuwi mamaya, ha?" sabi mo sa akin.

Tumango ako at ngumiti. Tinignan kita habang naglalakad tayo papunta sa susunod na klase natin. Matangkad, mestizo, deep set eyes, matangos ang ilong, manipis ang mga labi, at maganda ang pangangatawan. Napabuntong hininga ako...perpekto ka talaga at ang swerte ko dahil ako yung babae na parating nasa tabi mo.

Sabay tayong umuwi habang magkahawak ang mga kamay natin. Sumakay tayo ng bus at ipinatong ko ang ulo ko sa balikat mo. Naramdaman ko pa nga ang marahan mong paghalik sa buhok ko.

"Sorry." bulong mo.

Pinikit ko na lang ang mga mata ko para mapigilan ang mga nagbabadyang luha, "Ayos lang yun."

Mas hinigpitan mo ang pagkakahawak mo sa kamay ko. Napabuntong hininga na lang ako. Bakit ba kasi hindi pwede? Bakit kasi....

Sabay pa din tayong bumaba ng bus. Sabay na naglakad papunta sa bahay nating halos magkatabi lang.

"Kanan kasi muna!" natatawa mong sabi.

"Eto na nga! Hahaha!" sabi ko ng natatawa din.

Pareho nating tinignan ang mga paa namin na sabay na maglakad. Kanan...kaliwa...

Dumaan muna tayo sa playground kung saan tayo naglalaro nung bata pa tayo at naupo sa swing.

"Naalala mo nung naglalaro pa tayo dito? Ang dungis mo pa nun!" sabi mo.

"At least, hindi ako iyakin na katulad mo!" sagot ko naman.

Tumayo ka at itinulak ang swing ko. Napangiti ako, sobrang bagay tayo. Alam mo ba yun?

Ako yung una mong naging kalaro at kaibigan nung lumipat kayo dito sa subdivision.

Ako yung president at ikaw naman ang vice president sa klase nung grade school.

Ginawa mo namang makulay ang high school ko dahil ikaw parati yung date ko nung prom at grad ball.

Tayo yung mag best friend, yung parating nagdadamayan, nagtutulungan, nag-aasaran. Tayo yung bagay, tayo yung parating sinasabihan ng mga taong magkakatuluyan sa huli.

Pero alam mo bang ang sakit sakit? Kasi hulog na hulog na ako. At oo, sinalo mo ako nang mahulog ako pero...pero hindi pa rin tayo pwede. May limitasyon pa din.

Pakiramdam ko tuloy, sinalo mo ako habang may hawak kang kutsilyo. Ang sakit pa rin kasi eh.

"Danine..." tawag mo.

"Hmmm?"

Bumuntong hininga ka bago sumagot, "I love you."

Hindi ko na napigilan ang mga luha ko na pumatak. "I love you more..." bulong ko.

Tinigil mo ang pagtulak sa swing at niyakap ako mula sa likuran.

"Sorry, ginawa kong komplikado yung lahat." bulong mo sa may tenga ko.

Hinarap kita at pinunasan ang mga luha na pumapatak mula sa mga mata mo. Ganun din ang ginawa mo sa akin.

Pinilit kong ngumiti kasi gusto kong sabihin sayong okay lang ang lahat...kahit hindi, "Hindi mo naman kasalanan yun."

Kahit masakit.

Kahit na durog na durog na ako.

Yung pakiramdam na mahal mo ako, heaven. Pero yung pakiramdam na hanggang dito na lang tayo, tangina. HELL.

Ito yung sakit na wala kang magawa. Yung masakit dahil sinisigaw na sa'yo ng tadhana na HINDI PWEDE pero sinusubukan mo pa ding gumawa ng paraan. Yung para bang pinipilit mong isalin ang type O sa type A na dugo.

Pero kahit iba pa yan, tanggap ko naman eh.

"Sana makahanap ka ng lalaking magpapasaya sa'yo balang araw . . ."

Umiling ako, "Ayoko. Ayoko ng iba, Neo. Gusto ko ikaw...ikaw lang."

Pinunasan mo ang mga basa kong pisngi, "Danine, hindi ako lalaki."

Mahal kita, mahal mo ako. Pero hindi tayo pwede...hindi pwede kasi ikaw mismo, hindi tanggap ang sarili mo.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon