ENTRY #14: Gintong Tinta

369 6 6
                                    

Mahirap maging isang manunulat. Isip dito, isip doon. Sulat dito, sulat doon. Kalyo dito, kalyo doon. Ganyan ang buhay nila. May mga komplikasyon sa skrats na papel, mga bolpen na walang tinta, mga lapis na wala namang tasa, at mga isip na minsan ay nawawalan ng inspirasyon at nadadapuan ng katamaran. May mga panahon na tinatakasan sila ng katinuan sa pag-iisip at naglalakbay sa dagat ng imahinasyon.

Mga manunulat na naghahangad lang naman ng kaaliwan sa sarili at maski sa mga babasa ng mga kwentong kanilang ginagawa. Si Pedro Bautista, isang kabataan na sa murang edad ay naranasan na ang magulo pero masayang mundo ng isang manunulat. Nanriyan na nakakaranas siya ng isang isyu na di umano’y nanggaya raw siya ng isang ideya sa sikat na kwento.

Pero kahit ganoon ay hindi siya natinag at pinagpatuloy niya ang kanyang Gawain, ang magsulat ng mga kwento na magpapaaliw sa mga nalulungkot na tao, makapagbibigay ng inspirasyon sa kapwa niya kabataan.

Alam ng isang manunulat na hindi basta-basta ang paggawa ng isang kwento. Kailangan ng determinasyon, malikhaing isipan, at higit sa lahat ay inspirasyon. Sa bawat letra, bawat salita, at bawat talata na nabubuo ng isang manunulat ay ginagamitan ng mahika. At ang mahikang iyun ay ang inspirasyon na meron sa bawat manunulat.

---

Tandang tanda pa ni Pedro ang mga araw na ginagawa niya pa ang kanyang obra maestro na ngayon ay patuloy na pumapatok sa bayan ni Juan. Mga Gawain na tiyak niya sa sarili niya na nakatulong upang maikintal ang mumunting tinig na naglalaro sa kanyang isipan.

Taong 2010, kasalukuyang nasa gitna na ng kwento ang naisusulat ni Pedro. Ngunit, subalit, dapatwat ay tinamaan siya ng katamaran na normal lang naman sa isang manunulat na kagaya niya. Pero ang binata ay hindi tulad ng iba na pinipilit makapagsulat kahit ang kanilang isipan ay tamad at tulog sa pag-iisip.

Nagsilipas ang mga araw at ang mga linggo ay dumaan, ang kwento ni Pedro ay tila napaglipasan na rin ng panahon. Tag-araw at katanghaliang tapat sa baryo ng binata, katahimikan ang namamayani sa lugar na ito. Hindi niya mapigilang magmuni-muni.

“Napakatahimik na lugar, malayo sa bayan ng kaingayan, sariwang hangin na hindi ko nalanghap ni minsan sa syudad. Tama ngang nagbakasyon ako rito sa nayon ng aking ina para makapag-isip-isip ang napagod kong utak. Sa lugar na ito, kung saan ang kampay ng mga dahon ang nagsisilbing musika sa aking tenga, ang agos ng talon ay isang mahika sa aking mga mata. Mukhang marami akong makukuhang ideya at inspirasyon dito para ang utak kong baon sa katamaran ay muling sumigla.”

Sa bawat lantang dahon na kanyang nakikita habang isa-isang bumabagsak ay tila nababalik sa kanyang alaala ang mga pinagdaan nito habang nagsisimula pa lang siya sa pagsusulat.

Ang pag-iisip kung papaano magiging malakas ang hatak ng kanyang panimula, kung papaano magiging kapana-panabik ang gitna ng katha at papaano tatatak sa isip ng mambabasa ang pagtatapos ng kanyang kwentong nililikha.

Sa ilang buwan na pagbabasa niya ng Noli Me Tangere at El Felibusterismo para lang lumawak ang kanyang bokabularyo sa wikang Tagalog na kanyang gagamitin sa paglikha ng isa niyang kwento. Kung buhay lang siguro si Rizal ay marahil natuwa na ang dakilang bayani dahil sa pagbabasa ng kanyang akda at paggamit ng wikang kanya ring minahal kahit na ang ginamit niyang wika sa Noli at Feli ay wikang Espanyol.

Sa bawat sandaling kasama niya ang kanyang kwaderno dahil baka may pumasok sa kanyang isipan na magandang ideya. Naniniwala marahil ang binata na ang magandang ideya ay pumapasok na lang basta sa isipan at hindi pinipilit.

Nawala sa pagmumuni ang binata nang marinig niya ang tawag sa kanya ng kaniyang nanay. “Pedro, anak,” nakakatuwang isipin na kahit taong 2010 na at iyan ang taon kung saan nagsusulputan ang mga salitang balbal ay may ibang tao pa rin na patuloy na nakikipagkomunikasyon sa maayos at malamlam na pananalita na ang gamit ay ang wikang Tagalog.

“Sandali lang po, nariyan na,” sandali niya munang lilisanin ang harap ng kanilang bahay at ang napakagandang tanawin ng isang hindi maliparang uwak na bukid.

Natigil naman ang binata sa paglalakad papuntang kusina nang makita ang papel ng kanyang ginagawang kwento. “Sandali na lang, mahahawakan na ulit kita. Hayaan mo muna akong makapag-isip ng bagong ideya at bagong inspirasyon,” hindi niya lubos maisip kung bakit sa tuwing nakikita niya ang bagay na iyun ay hindi niya mapigilang kausapin ito.

Nagdaan ang mga araw at wala pa ring nadadagdag sa ilang libong salita sa kwento ni Pedro. Bumalik na rin sa magulong syudad ang ating bida para ipagpatuloy ang kanyang pagsusulat.

Sa isang madilim na silid kung saan ang isang lampara lang ang nagbibigay ng liwanag sa kanyang mesa habang patuloy na nagsusulat ng karugtong ng kanyang kwento. Tila ba si Dr. Jose Rizal ito noong siya ay nakulong at tinuon na lang ang sarili sa pagsusulat.

Disiplinado. Isang salita para ilarawan si Pedro. Kamangha-mangha kung papaano niya itrato ang kanyang pagsusulat bilang isang trabaho.

Isa sa mga natutunan niya bilang isang indibiduwal na manunulat ay ang pagiging matapang sa lahat ng kanyang binibitawang salita, mapa-sulat man. Ang patuloy niyang paglalakbay sa mundo ng imahinasyon ay tila nagpapatatag sa kanya at para malampasan ang takot sa kanyang sarili.

“Oo nga’t sa lugar ng mga iskwater ako lumaki. Pero ito ang pinakamahalagang lugar para sa akin. Dito nahubog ang aking isipan at nasubok ang lakas ng aking katawan. Kung ano ang hinahangaan niyo ngayon sa akin, iyun ay dahil sa lugar na ito. Ang lugar na walang permanenteng tirahan dahil laging nagkakaroon ng sunog, pero babalik at babalik pa rin dahil ito ang aming lupang sinilangan.”

Ang huling salita na nagmula sa pangunahing tauhan sa kwento ni Pedro. Hudyat para isarado na ang kwento na kanyang sinimulan isang taon na ang nakakaraan. Ang kwentong minsan ding nagpamulat sa kanya sa mga nangyayari sa bayan ng matatapang na Pinoy.

Magkahalong tuwa at lungkot ang naglalaban sa puso ni Pedro. Tuwa dahil natapos niya na ang kwentong masasabi niya na kanyang obra maestro. Lungkot dahil natapos na ang kanyang kwento at siguradong mawawalay na siya sa kanyang mga tauhan sa kwento na nagpabigay-kulay dito.

Ibang saya ang nararamdaman ng isang manunulat kapag nakakatapos ito ng kwento. Ang ibig sabihin lang nun ay nalampasan niya ang maraming pagsubok sa paggawa ng kwento. Unang una na roon ay ang walang kasawaang pagpapalit ng plano. Ang mahirap na pag-iisip ng pangalan na ang akala ng ilan ay madali. Sa pag-iisip ng magandang simula para ipagpatuloy na ng mga mambabasa ang kwento. At kapag nasa kalagitnaan na ay madadapuan ka ng katamaran na magpapatagal sa isang kwento.

Sa pagsasara ng isang kwento. Maraming matututunan ang bawat isa –manunulat man o isang mambabasa—sa mundong kanilang kinagagalawan.

At ang mga manunulat ay laging tinatapos ang kanilang kwento sa salitang…

Wakas!

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon