ENTRY #20: Laban Ng Lahi

300 11 11
                                    

Nanginginig ang mga kamay ko habang hinahawakan ko ang Armalite. Maingay. Mausok. Magulo ang paligid. Kanya-kanyang paputok ng baril ang iba, samantalang ang iba’y pilit nakikipambuno, kahit na wala na silang sandata o nabaril na. Napapapikit ako sa tuwing nagpapaputok sila. Kahit minsan, hindi ko inakala na malalagay ako sa ganitong sitwasyon – ang mapasama sa kaguluhan ng bansa.

Ano pa ba ang magagawa ko? Kinuha na nila ang pamilya ko, pati mga magulang ko pinatay nila. Kung may magagawa lang ako para mabalik sa dati ang lahat, gagawin ko. Pero sa ngayon, ito lang muna. Ang lumaban, hindi para sa sarili, kung hindi para sa bansa.

Tumayo ako sa pagkakadapa para salubungin ang mga kalaban. Kailangang tapusin na ang lahat ng ito. Nanginginig ang aking mga kamay, itinutok ko ang baril sa dayuhan na sa kasalukuyang pinagbabaril ang kapwa ko Pilipino. Pinaulanan ko ito ng bala. Hindi ko namalayan na mayroon na palang nakatakas na mga luha mula sa mga mata ko.

Mahirap… mahirap isipin na ang tanging pag-asa na lang ngayon ay ang lumaban at pumatay. Mahirap dahil alam kong wala akong karapatan na kumitil ng buhay.

Matapos ko s’yang barilin ay nakita ko na lamang ang duguang katawan ng dayuhan na nakahandusay sa lupa. Hindi humihinga. Walang buhay. Napangiti ako. Hindi na masama sa isang baguhan na kagaya ko. Pinunasan ko ang mukha ko at nagpatuloy sa pakikipagdigma.

Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana. Ang panandalian na kasiyahan na tinatamasa ko noon ay mawawala lang pala sa isang bala. Napahiga ako nang may tumamang bala sa braso ko. Masakit… nakita ko ang dayuhang bumaril sa ‘kin. Patungo siya sa direksyon ko. Nakangiti habang hawak-hawak ang isang kutsilyo. Nang s’ya’y makarating ay agad n’yang itinarak ang kutsilyo sa aking dibdid. Naramdaman ko ang unti-unting pagguhit ng kirot sa dibdib ko.

“Baloy…” isang pamilyar na boses ang narinig ko. Boses na kailanman ay hindi ko na makikita pa ang nagmamay-ari. Wala na ang mama ko.

“Baloy…”

Pero kahit paano, masaya ako. Masaya ako na narinig ko ang boses ni mama. Naramdaman ko rin na may humaplos sa mga braso ko.

“Hoy, Baloy, gumising ka nga r’yan. ‘Yan na nga ba ang sinasabi ko. Kakalaro mo ng counter strike. ‘Di ka na nahiya sa mga kapatid mo. Apat na taon ka nang tambay! Magtrabaho ka nga!”

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon