ENTRY #6: Si Panot

413 11 10
                                    

Kakatapos lang ng iyong ika pitompu't apat na kaarawan at nariyan ka na naman sa pinaka ayaw mong kama, nakahimlay. Ayaw mo man, wala ka namang magawa dahil hindi mo kayang kontrahin ang desisyon ng iyong mga anak na ipagamot ka.

Pilit kang nakikipaglaban sa mga sakit mong hindi mo naman alam kung ano dahil ayaw sabihin sa'yo ng mga anak mo. “Stressed ka lang daw Ma,” ang lagi nilang sagot sa'yo sa tuwing magtatanong ka tungkol sa kalagayan mo, pero hindi ka naman tanga para paniwalaan sila. Alam mo sa sarili mo na may malubha kang sakit. Alam mo, na hindi ka na magtatagal pa sa mundo. Alam mo, dahil nararamdaman mo ito.

Napatingin ka sa paligid ng kwarto mo at nakita mo ang apat sa iyong mga apo. Tiningnan mo si Tracey, ang bunso sa kanilang lahat na apat na taong gulang na, nakaupo ito sa sofa at naglalaro siya sa tinatawag na iPad. Hindi mo alam kung ano iyon, ang alam mo lang maaaring maglaro doon dahil iyon ang palaging nilalaro ni Tracey.

Sunod mo namang pinagmasdan ang nagbibinatang si Jeffrey. Nakapikit ito at nakasandal ang ulo sa sandalan ng sofa, may nakasaksak earphones sa magkabilang tenga nito habang hawak ang isang maliit na bagay na kung tawagin ay iPod. Natawa ka sa iyong isipan. Naisip mo kasing halos pareho lamang ang pangalan ng iPod at iPad ngunit magkaibang magkaiba naman ito.

Dumako naman ang tingin mo sa kambal mong apo na nakaupo sa kabilang sofa. Hindi naaalis ang tingin ni Janine sa cellphone niya at tila may nakakatawa itong binabasa dahil nakita mong bumungisngis ito. Samantalang si Bea naman ay walang tigil sa pagtitipa sa kanyang laptop. “Dalagang dalaga na sila,” sabi mo sa isip mo pagkatapos ay ngumiti nang bahagya.

Nalulungkot ka at nanghihinayang. Hindi mo kasi nagawang ilapit ang loob ng mga apo mo sa'yo noong mga panahong malakas ka pa. Pinili mo pa kasing magpaiwan sa probinsya kaysa sumama sa syudad kung saan naroon ang iyong mga anak. Nangangamba ka kasing baka maisantabi ka lang nila dahil sa kanilang trabaho, asawa at bagong pamilya.

Matanda ka na. Naisip mo habang nakikipagtitigan sa kisame. “Ibang iba na ang panahon ngayon,” bulong mo sa sarili habang umiiling pa.

Unti-unting bumalik sa alaala mo ang mga pangyayari sa buhay mo noon at hindi mo maiwasang ikumpara iyon sa mga pangyayari sa buhay mo ngayon. Noon, masaya ka na basta't kumpleto ang pamilya. Kahit nga ang bunsong anak mo lang ang madalas mong makasama sa bahay ay kuntento ka na. Ngayon, araw-araw mong nakikita ang mga anak mo pagkagaling nila sa kani-kanilang mga trabaho ngunit hindi ka masaya. Pakiramdam mo may kulang pa rin.

Noon, kayang kaya mong makisabay sa agos ng buhay at lagi pang nakasunod sa uso. Samantalang ngayon ay nahihirapan kang pag-aralan ang paggamit sa kahit anong teknolohiya. Simula nang magsipag-asawa ang mga anak mo ay nawalan ka na ng ganang ipagpatuloy ang buhay. Pakiramdam mo kasi mag-isa ka na lang. Wala na rin kasi si Panot.

Si Panot na iyong esposo. Si Panot na sa kabila ng mabantot na pangalang ibinigay mo sa kanya ay mahal na mahal ka pa rin. Si Panot na lagi mong kasama mula pagkabata hanggang sa kayo'y ikasal at hanggang sa siya'y mawala. Si Panot na walang ginawa kundi pasiyahin at alalahanin ka. Si Panot na maagang kinuha ng Diyos sa buhay mo.

Sa pag-alala mo sa nakaraan, pumasok din sa isipan mo ang mga matatalik mong kaibigan. Mga kaibigan mong iniwan ka na rin. Hindi mo na mabilang kung ilang burol at libing na ang napuntahan mo, basta't ang alam mo ay mas marami pa ito kaysa sa mga kaarawang dinaluhan mo.

Matanda ka na. Muli mo na namang naisip. Pakiramdam mo ay hindi ka na bagay sa mundong ginagalawan mo. Tila hindi 'ata tama ang panahon kung nasaan ka. Napaisip ka tuloy, “Nabaliktad na ba ang mundo?” Sa panahon kasi ngayon ikaw ang inosente, at ang mga apo mo't ibang mga bata ay tila mas marunong pa sa'yo.

Napakunot ang noo mo. Ayan na naman, sumasakit na naman ang ulo mo. Marahil dahil 'yan sa pag-iisip mo ng kung anu-ano, kaya naman ipinikit mo muna ang iyong mga mata. Balak mong matulog na lang muli. Naiinis ka sa sarili mo dahil iniisip mong wala ka nang kwentang tao. Gigising ka, mag-iisip ng kung anu-ano at pagkatapos ay sasakit ang ulo mo kaya matutulog ka na lang ulit. “Araw-araw na lang ganito. Nakakasawa. Nakakapagod,” sabi mo sa isip mo.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon