ENTRY #11: #Hugot

516 9 10
                                    

#Hugot

                Mahirap daw ang buhay-Accountancy student. Math daw kasi kaya mahirap. Iyan ang pinakamalaking kamalian ng mga tao – ang pagsabi na mahirap ang kursong ito dahil may Math. Calculator nga lang na pang tindahan ang gamit namin. Plus, minus, multiply, at divide nga lamang ang kadalasang ginagamit. Minsan, diretsong 0 na lang agad ang inilalagay na sagot sa mga katanungang hindi namin alam kung paano sasagutan.

                Disiplina sa pag-aaral ang kailangan. Minsan, kailangang magsakripisyo ng mga bagay na ikinaliligaya mo. Kailangan kalimutan ang mga bisyo para makatapos nang maaga. Ang mga katagang, “Study now, landi later” ang dapat ipinaiiral maliban na lang siguro kung ang syota mo ay suki ng library.

                Iniabot na sa akin ng aking kaklase ang test paper na kailangan naming sagutan sa loob lamang ng isang oras. Basic Accounting Equations lang naman ang coverage. Inaral ko naman ito nang mabuti kagabi.

                Question #1: Mr. Sison purchased supplies on account. What is the effect of the transaction on the accounting equation?

                Nananadya nga ba talaga ang tadhana? Sa dinami-rami ng apelyidong pwede gamitin, bakit Sison pa? Mabuti nga at effect of the transaction on the accounting equation ang tinatanong at hindi effect on yourself when the two of you broke up. Inisa-isa ko ang mga posibleng kasagutan.

A.      Increase in asset; Increase in liability

Para lamang itong pag-ibig. Ang pagmamahal na natatanggap mo ay ang iyong asset. Na habang lumalalim yung pagmamahal na binibigay ng isang tao sa iyo, tumitindi rin ang iyong pagnanais na ibigay ang pagmamahal na nararapat niyang matanggap. Sa isang relasyon, hindi mo pwede gawing pautang ang pagmamahal. Hindi mo pwedeng asahan ang isang tao na mahalin ka sa dahilan na minamahal mo siya ng tunay. Dahil ang pag-ibig na pilit ay hindi tunay na pagmamahal.

B.      Increase in asset; Increase in owner’s equity

Napangiti ako dito dahil minsan sa aming pagsasama, naranasan ko ito. Ito yung masarap at masayang pakiramdam kapag ika’y minamahal. Kapag alam mo kasi na may taong nagmamahal sa’yo, tumataas ang kumpiyansa mo sa sarili mo. Pakiramdam mo, lahat ng bagay ay kaya mong gawin. Ito yung mga panahon na masasabi mo na masarap palang pag-aralan ang Calculus – ang subject na noong una ay kinasusuklaman mo. At syempre, ito yung mga araw na gigising ka sa umaga na may ngiti sa labi, at matutulog sa gabi na may ngiti pa rin sa labi.

C.      Increase in one asset; Decrease in another asset

Ito naman ang malungkot na reyalidad sa pagmamahal. Hindi dahil sa minamahal ka ng isang tao ay ibibigay mo na agad ang lahat sa kanya. Isusuko mo ang lahat hanggang sa wala nang matira sa sarili mo. Minsan, kailangan mong tandaan na hindi nasusukat ang pagmamahal sa dami ng mga bagay na naibigay at naisuko mo.

D.      Decrease in asset; Decrease in liability

Kabaligtaran naman ito ng sa letter A. Kapag unti-unti nang nawawala ang pagmamahal, nababawasan na rin ang pagnanais mong ibalik sa taong iyon ang pagmamahal. Ito yung mga klase ng tao na nagsasabi ng, “Bakit ko mamahalin ang isang taong hindi naman ako kayang mahalin?” Pero minsan, hindi dapat laging ganoon. Ang tunay na pag-ibig ay ang pagmamahal nang kusa at hindi naghahangad ng kapalit.

E.       Decrease in asset; Decrease in owner’s equity

Ito ang pinakamasaklap sa lahat. Kasalungat ito ng letter B. Dito karaniwang nasisira ang isang tao. Ang dating sigla ng isang tao ay napapalitan ng lungkot. At ang dating kumpiyansa sa sarili ay unti-unting naglalaho. Kung gaano ka napasaya ng pagmamahal, ganoon ka rin nito masisira kapag ito’y nawala.

Huminga ako nang malalim. Tiningnan ko ang aking relo at nakitang 20 minutes nap ala ang nakalilipas. Pinag-isipan kong muli ang katanungan sa huling pagkakataon.

At dahan-dahan kong binilugan ang letrang A.

Papasa kaya ako?

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon