ENTRY #4: Final Game

399 9 8
                                    

SIYA lang naman ang dahilan kung bakit ako sumali sa basketball team ng school. Ang totoo, ayaw ko naman talagang maglaro ng basketball ngunit dahil sa sinabi niyang dapat varsity player ang kanyang gustong maging boyfriend ay sumali ako. Pinag-aralan ko ang larong ito, mapili lang sa try-out. Nagpakapagod din ako sa pagtakbo tuwing umaga para tumagal ako sa totoong laro. Marami ring training ang ginawa ko para rito. Ang lahat ng ito'y ginawa ko, sa pag-asang sasagutin na niya ako.

"Sasagutin kita 'pag kayo ang nag-champion sa Basketball Tournament ng mga school." Siya namang kanyang sinabi sa akin nang tanungin ko siya matapos kong makasali sa varsity team. Ang buong akala ko pa naman ay sasagutin na niya ako, pero 'di pa pala. Mahal ko siya kaya nangako akong kami ang magka-kampeon at para makamit ko na ang matamis niyang "oo".

Marami nga ang nagsabi sa aking pinaaasa niya lang ako pero 'di ko sila pinakinggan. Siya kasi ang first love ko at nang minsang humiling akong sana'y mapanaginipan ko ang babaeng aking papakasalan, siya ang nakita ko.

Dahil sa pagpupursige kong magawa ang gusto niya ay sumikat ako sa school. Sumikat ako dahil sa puso ko sa paglalaro, at 'di nga nagtagal ay ako na ang naging star player ng team. Maraming laro ang nahirapan kami, pero dahil pursigido akong mag-kampeon ay nagbunga ito. Naka-abot kami sa Finals na bihirang marating ng aming school sa mga nagdaang taon.

Nang magsimula ito, natalo agad kami sa Game 1 pero bumawi kami sa Game 2. Ayon sa patakaran ng Finals, dapat ay manalo ng dalawang beses sa tatlong laro para makamit ang kampeonato. Ibig sabihin, isang laro na lang at dapat kami ang manalo rito para maging girlfriend ko na siya. Subalit ang lahat ng pagpupursige at determinasyon kong manalo ay biglang naglaho...

Ilang araw bago ang Game 3, nakita ko siya sa mall at may kasama siyang isang lalaki. Namumukhaan ko 'yong lalaki, player ito ng kalabang team.

Nakaramdam ako ng selos pero inisip kong wala silang relasyon subalit laking-gulat ko nang harap-harapan niyang ipinakilala sa akin ito bilang kanyang boyfriend. Natawa lang ako dahil inisip kong binibiro lang niya ako. Ngunit ang sunod nilang ginawa ang nagpakirot nang puso ko... Naghalikan sila sa harapan ko, sa mall kung saan ay napakaraming tao.

"Oh, ano Ricky? Naniniwala ka na?" tanong niya sa akin nang nakataas ang kilay.

"P-pero... akala ko, sasagutin mo 'ko 'pag kami ang nag-champion?" tanong ko naman sa kanya. Halos 'di na nga ako makapagsalita ng ayos dahil sa nalaman ko at ang masakit, tinawanan lang nila akong dalawa.

"Naawa lang ako sa 'yo, at siguro naman, titigilan mo na ako?" sabi niya pa bago sila umalis.

"P're, galingan n'yo sa last game, huh," nakangisi namang sinabi sa akin ng kanyang boyfriend. Tinapik pa nito ang balikat ko at magkahawak-kamay silang naglakad palayo.

Para akong pinagsakluban ng langit at lupa dahil do'n. Lalaki ako pero 'di ko na napigilang mapaluha dahil sa mga nangyari. Wala na akong pakialam kung makita ako ng iba, masakit kasi!

Kinagabihan nga, halos magdamag akong umiyak. Matagal na niya pala akong pinapaasa at ako namang si tanga, umasa nang umasa. Ang sakit! Bakit sa 'kin pa ito nangyari? Nagmahal lang naman ako ng totoo...

Hindi naman ako umiinom ng alak kaya idinaan ko na lang sa pag-iyak hanggang sa makatulog ang sakit na aking nararamdaman. Wala naman akong magagawa kun'di ang tanggapin ito...

"Ricky! Ano bang nangyayari sa 'yo? Ang tamlay mong maglaro! Kanina ka pang wala sa 'yong sarili!"

Nagbalik na lang ako sa aking sarili nang marinig ko si Coach. Nandito nga pala ako sa basketball court ng aming school dahil ngayon pala ang last game ng finals. Ilang araw na rin matapos ang pangyayaring iyon at hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang sakit. Nawalan na tuloy ako ng ganang maglaro ng basketball. Hindi nga sana ako pupunta rito, kaso nahiya ako kay Coach kaya tumuloy pa rin ako.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon