ENTRY #32: 'Pang It' Pangit

182 5 7
                                    

MINSAN, may isang lalakeng binansagang “Pang It”. Bukod sa katotohanang ang bansag na ito ang perpektong depenisyon ng kanyang mukha, siya rin ay kilala dito dahil na rin sa napakalupit na pangalang ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang.

                Pangpeto It. Iyan ang buo at walang kasinglupit na pangalan ng ating bida sa kwentong ito. Tunog pa lang ng pangalan niya, iba na ang nagiging timpla ng mukha ng mga taong nakakarinig n’on. Kung ano ang sumagi sa isip ng kanyang mga magulang at naisip nilang, Pangpeto It ang ipapangalan natin sa ating anak sapagkat ito ay isang napakanakakamanghang pangalan!, ay hindi niya alam.  Ang tanging alam niya lamang ay siguradong magiging malaki ang impak ng kanyang pangalan sa magiging takbo ng buhay niya.

                Mala-beauty-and-the-beast ang buhay ni Pang It. Siya ang prinsipeng nakatago sa katauhan ni Beast, samantalang ang leading lady ng buhay niya ay kasalukuyan pang hindi matukoy ang lokasyon. Maaaring inabutan ng malagim na traffic sa EDSA o di kaya nama’y nangungulangot pa sa mga oras na ito.

                Ang pinagkaiba nga lang ng kwento ni Pang It sa orihinal na Beauty and the Beast, ay kahit na mabangga na niya ang walang humpay na Belle ng buhay niya, walang mahikang mangyayari.

                Walang lalabas na magagarang kapa, walang mangyayaring deformation sa kanyang mukha galing sa “di-kagwapuhang mukha to oh-so-papable face”, at habambuhay na lamang magiging “di-kagwapuhan” ang kanyang itsura maliban na lamang kung magpapa-retoke siya na alam niyang kailanman ay hindi naman niya afford.

                Marahil ay hindi nga magandang ideya ang paghahambing ng buhay ng ating bida sa kwento nila Beauty and the Beast. Ngunit huwag mawawalan ng pag-asa dahil maaari naman nating ihalintulad ang buhay ni Pang It sa buhay ni Shrek. Sa ganoong paraan, ‘di na kailangan ng retoke; tanging ang pagdating lamang ng babaeng tulad ni Fiona ang kinakailangan.

                Ang problema nga lamang dito ay kung may makikita nga ba siyang “Fiona” ng kanyang buhay na tatanggapin kahit anong lagim ang nasa mukha niya. Isa pa, hindi kasinglakas ni Shrek ang ating bida at kulang pa ang kanyang charisma upang makahatak ng ganoong klaseng babae. O, buhay, bakit nga ba ika’y kay lupit?

                Halina’t dumako tayo sa ating bida.

                Pasimpleng naglalakad si Pang It sa isang kalyeng ‘di tiyak ang pangalan. Panglimang araw na niya ito sa trabaho. Bagong record. Pakiramdam niya’y nanalo siya sa lotto. Pakiramdam niya’y siya na ang champion sa Survivor Philippines. Bihira lang kasi ang mga pagkakataong nakakalimang araw ang pagtitiis ng kanyang mga amo sa lagim na nasa kanyang mukha. Masaklap pero totoo.

“Oy, Pang It! Ayos na ayos ka ngayon ah,” sinundan ng tawa ang mga salitang ito ni Cyrone. Idinuko lamang ni Pang It ang kanyang ulo saka nagpatuloy sa paglalakad. Alam niyang masama ang makipagbanggaan sa taong ito. “Hoy, harapin mo nga ako. Ba’t ba bihis na bihis ka, ha?”

“Pupunta ako’ng trabaho,” matipid na sagot ni Pang It.

“HA! Anong trabaho naman ‘yan? Janitor?”

Lalong napababa ng ulo si Pang It. Humalakhak sa isang sulok si Cyrone saka tumingin-tingin sa paligid. “Rinig niyo yun? Janitor lang si Pang It! JANITOR!”

Tawanan na naman. Nagsisilapitan na yung tropa ni Cyrone.  Agad kumarate at tumambling ang puso ni Pang It sa kaba. Mabilis niyang inihakbang ang mga paa paalis sa kinaroroonan nila Cyrone.

“Hoy, pangit! Alam mo, kahit anong pagpapa-gwapo pa ang gawin mo, walang magagawa ‘yan sa itsura mo! Pangit ka pa rin! Katulad ng pangalan mo!”

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon