ENTRY #35: Christmas Ham

143 3 3
                                    

Isang hakbang ng inay mo ay dalawa ng iyo. Masyado kasing nagmamadali ang iyong inay para makapwesto na sa harap ng sementeryo. Iyon kasi ang trabaho niya tuwing hapon, ang magtinda ng samut-saring puto. Halos mabilis na nagsasalitan ang kanyang dalawang paa sa paghakbang sa gilid ng daan at ikaw naman ay mahigpit lang na nakahawak sa mahabang duster na suot niya, sumasabay sa agos ng bilis niya.

Medyo nakakaramdam ka pa nga ng hilo, malamang dahil ito sa gutom mo.

Wala ka ng ama kaya ang iyong butihing inay na lang ang nagtratrabaho, kaya nga lang ang kinikita ng inay mo ay hindi pa rin sapat para makatungtong ka man lang sa eskwelahan na pinapasukan ng mga kababata mo. Minsan ay naiinggit ka, minsan ay pinangarap mo din naman, pero madalas ay ang pagdadasal mo na sana sumikat ang tinitinda na puto ng mahal mong inay para di kayo nauubusan ng pera.

Kayo ngayon ay nakaupo sa gilid ng poste at nakalatag naman sa daan ang bilao niyong naguumapaw ng mga puto. Walang pagaalinlangan na nginingitian ang mga dumadaan na tao at walang kapagurang pag-aalok sa mga dumaraang tao. Mukhang maswerte ang araw niyo ngayon dahil sa dami ng tao na nagdadagsaan at bumibili sainyo, marahil siguro ay mamaya na kasi ang disperas ng pasko.

“Anak, mukhang makakain tayo ng masarap mamayang gabi. Ano ang gusto mo mamayang Noche Buena?”  Napangiti ka na parang wala ng bukas dahil sa tanong ng iyong inay. Bukod kasi sa birthday niyong dalawa tuwing pasko lang kayo naghahanda.

Napaisip ka naman sa tanong ng iyong inay na kasalukuyang sinusuklay ang buhok mo. Ano nga ba ang gusto mong kainin ngayon? Madami kang gustong kainin, madami kang gustong tikman na putahe, sa dami ng gusto mo hindi ka makapili ng kahit ano. Napakagat labi ka, pakiramdam mo kasi mas lalo kang natatakam sa pag-iisip mo.

Ahhh! Nalala mo na, yung pabilog na madalas ihanda sa pasko. ‘Yung nasa komersyal na lagi mong natutunghayan sa maliit niyong telebisyon pag sasapit na ang disyembre. Iyon yung gusto mo. Madalas mo din kasi iyon makita na inihahain ng kapitbahay niyo pagkatapos nilang manggaling sa huling simbang gabi doon sa may kanto. Ano nga ba ulit ang tawag don? ..

“Ham? Gusto mo ba na ham na lang? Ham na pabilog, hindi na yung de lata na madalas nating bilhin pagpasko.” Marahan pang natawa ang iyong inay. Para namang may anong kinang ang iyong mga mata. Bilib na bilib ka talaga sa inay mo, hindi mo alam kung paano niya nababasa ang tumatakbo diyan sa isipan mo.

Napayakap ka pa nga sakanya, para naman iparamdam kung gaano ka nagpapasalamat. “Ikaw talagang bata ka, o’ diyan ka lang muna bantayan mo yung paninda natin. Papapalit lang ako ng pera.” Tumango ka naman bilang pagsang-ayon.

Iniaayos mo ang mga puto sa bilaong nasa harapan mo ng biglang may dumating na isang matandang babae at batang may magandang postura na siyang akay-akay nito “Magkano ‘ne yung isang balot?”

Tumingin ka sa hawak-hawak niyang supot na napili niya, napangiti ka at sinenyas mo sa kamay mo ang bente pesos.  Napangiti naman ang matandang ale “Kayo ba ang may gawa nito?” mabilis ka namang tumango at nagbigay ng matamis na ngiti.

“Ay pipi ka?” may halong pandidiri ang tono ng batang kasama niya. Napatingin ka tuloy sakanya at marahang tumango.

“Weh! Magsalita ka nga? Baka nangloloko ka lang para may maawa sayo at bilin yung madumi niyong puto!” mas kinagulat mo ang huling binigkas niyang mga salita. Nakakatakot sa isip-isip mo, pano mo kaya mababawi ang sinabi niyang madumi ang puto niyo? Alam mong may ilan-ilang nakarinig nuon dahil medyo malakas din ang salita ng mapagdudang batang ‘yon.

“Celine!  Ang bibig mo! Hindi kana nahiya, katatapos lang nating  magsimba.” Sita ng matandang ale sa batang kasama niya. Tinuro pa niya ang itim na sasakyan na nakapark sa kabilang gilid ng kalsada, agad namang nagtungo duon ang batang may matabil ang dila.

AUDITION ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon