Kabanata 1

19.7K 678 479
                                    

Ang Isla

Nakaupo si Harper sa isa sa mga baitang ng hagdan ng kanilang bahay habang pinapakain niya ang kanilang mga alagang manok. Matagal niyang tinitigan ang mga iyon habang nakapangalumbaba.

Alas-singko nang hapon at kakagising niya lang mula sa pag si-siesta. Wala na rin naman siyang nakabinbin na gawain dahil tinapos niya na ang paglilinis at iba pa bago siya nagpahinga kanina. Naiinip man ay wala na siyang maisip na gawin maliban sa paulit-ulit na pag-ikot ng mga nakasanayan niya na.

Pagkatapos niyang pakainin ang mga manok ay nagpasya siyang maglakad-lakad sa dalampasigan. Maganda at napakasarap langhapin nang manamis-namis at may kalamigang simoy ng hangin. Napakaganda nang halos perpektong kulay asul na dagat ngunit nakakaumay rin naman kung iyon na lang ang palagi niyang nakikita at wala nang iba. Mula sa pagtulog hanggang sa paggising ay iyon ang bumubungad sa kaniya.

Nakatira siya sa isang may kalakihang bahay kasama ang kaniyang tiyahin na si Hedia at tanging silang dalawa lamang ang naninirahan sa malawak na isla. Ang nag-iisang isla na kaniyang napuntahan. At ngayon ay literal pa siyang nag-iisa sa malawak na isla dahil wala si Hedia. Pumunta ito sa bayan upang bumili ng pangangailangan nila. Ang bayan na kahit minsan ay hindi niya pa nasilayan.

Ngunit kung tutuusin ay hindi na dapat iyon gawin ni Hedia dahil sagana naman sila sa lahat dito sa isla. Ang mga pangunahing pangangailangan nila ay kayang ibigay ng isla. May malawak silang hardin na puno ng tanim na gulay at bulaklak. May banka rin naman sila at maaari ring mangisda kahit na sa malapit lang dahil napakalinis at napakalinaw ng tubig. Parang ang mga isda na nga mismo ang lumalapit sa kanila.

Sa likurang bahagi ng kanilang bahay ay walang ibang makikita kundi ang mga naglalakihan at nagtataasang mga puno na tila ba nakikipagkumpetensiya sa sa isa't isa. Masukal ang kagubatan at sa tingin niya ay wala na itong katapusan. Kaya hindi mawala-wala sa kaniya ang isipin kung paano nakakalabas si Hedia papuntang bayan kung walang katapusan ang kagubatan?

Masasabi niyang iyon lamang ang tanging daan dahil doon palaging pumupunta si Hedia kapag umaalis ito.

Mabuti na lang at ligtas ang gubat at walang ano mang ligaw na hayop o kung ano mang makakapagdala ng panganib. Sa tagal niya na sa lugar na ito ay wala pa siyang nakasagupang ligaw na hayop kahit minsan.

Ang sabi sa kaniya ni Hedia ay isla ang tawag sa lugar na tinitirahan nila. Isang malaking bilog na napapaligiran nang walang hanggang tubig. Ngunit kahit minsan ay hindi niya pa nakita ang dulo nito. Hindi niya makita ang hangganan ng kinikilala niyang isla.

Masyadong malaki at malawak ang lugar na ito para sa kanilang dalawa lang. Napakaluwag ng isla ngunit para naman siyang nasisikipan dahil sa limitado lamang ang mga maaari niyang puntahan at gawin.

Hindi katulad ng mga nabasa niya sa tanging anim na libro na binigay sa kaniya ni Hedia mula sa kaniyang pagkabata—na hindi niya na mabilang kung ilang beses niya nang nabasa. Ni minsan ay hindi pa siya nakakita ng larawan ng isang tao na katulad nila. Ang sabi ng kaniyang Tiya Hedia'y mga tao raw ang tawag sa mga katulad nila ang anyo. Ngunit kahit minsan ay hindi pa siya nakakakita ng tao maliban sa kaniyang tiyahin. Marahil ay nagsisinungaling lang ito. Ngunit paano naman ang mga nakasulat at pahayag sa libro?

Sa loob ng ilang taon ay ilang beses niya ring sinubukang lakarin ang kagubatan noon. Nagbabakasakaling ilang sandali pa ay maaabot niya ang dulo nito. Hindi siya tumigil kahit na ang pagod at sakit ay naghahalo na. Kahit na wala siyang kasiguraduhan ay nagpatuloy siya pero sa haba ng oras na ginugol niya ay hindi niya pa rin nahanap ang bayan na pinupuntahan ni Hedia. Kaya naman simula noon ay hindi niya na tinangka pang umalis dahil pakiramdam niya'y walang patutunguhan ang kaniyang ginagawang pagtatangka.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon