Kabanata 8

7.2K 370 149
                                    


Kapangyarihan

"Ito ang librong nagdala sa akin sa lugar na ito. Paano ito napunta sa inyo?"

Ang librong ito ay katulad na katulad ng librong nagdala kay Harper sa bayan mula sa isla.

Magkatulad din ang mga larawan. Kahit ang larawan ng pinto ay narito din. Ang kaibahan lang ay mukhang naalagaan ang librong ito habang ang isa naman ay nakalimutan na at naluma. Wala rin itong pamagat na Paglalakbay.

Binuklat niya ang ibang pahina para hanapin ang larawan nang isang babae na nakita niya rin doon sa isang kopya pero hindi niya iyon nakita.

Tiningnan niya si Greta nang may pagtataka sa mukha. Hindi niya alam kung papaano nangyari ito. Alam niya na maaaring magkaroon nang maraming kopya ang isang libro pero unang kita niya pa lang ay alam niya nang nag-iisa lang ang kopya ng libro.

Sinubukan niyang haplusin ang larawan ng pinto sa libro. Hinintay niyang magliwanag iyon at lumabas pero hindi iyon nangyari. Hinanap niya rin ang mga salitang nakaukit sa ilalim ng larawan pero hindi niya nakita.

Kinuha ni Greta ang libro sa kaniya at sinara iyon.

"Alam ko kung ano ang iniisip mo, Harper. Pero may mga bagay lang ako na gustong malaman bago ko sabihin sa 'yo ang lahat."

Nilapag nito ang libro sa harap niya saka nito inangat ang kaliwang kamay nito.

Nanlaki ang mga mata niya nang unti-unting umangat sa ere ang libro. Sinundan niya iyon ng tingin at halos maabot na niyon ang kisame. Pigil hininga niyang tiningnan si Greta habang ginagawa nito iyon. Bigla na lang nitong ibinaba ang kamay nito kasabay nang malakas na pagbagsak ng libro sa mesa.

Napatayo siya sa nangyari. Hindi maproseso ng utak niya ang mga nakita niya.

Paano nito nagawang palutangin nang ganoon ang libro?

Naguguluhan siya. Hindi niya alam kung nasa tamang pag-iisip pa ba siya.

Habang nakatayo siya ay gulat at naguguluhan niyang tiningnan sina Lian at Greta. Wala man lang pagbabago sa ekspresyon ng mga ito. Baka naman hindi totoo ang nakita niya.

Bumulong si Greta kay Lian. Doon niya nakita ang unti-unting pag-iba ng ekspresyon ng huli. Kumunot ang noo nito ngunit naroon pa rin ang pag-aalinlangan.

Pag-aalinlangan sa ano?

Umatras siya nang ilang hakbang. Tiningnan siya ni Lian at inangat nito ang kamay nito sa direksyon niya.

Para siyang natulos sa kinatatayuan niya. Hindi siya makagalaw. Umawang ang bibig niya at nanginginig ang mga kamay niya sa takot. Biglang tumayo ang kaniyang mga balahibo. Halos mablangko ang kaniyang isipan. Huwag nitong sasabihin na gagawin rin nito sa kaniya ang ginawa ni Greta sa libro?

"H-Huwag..." Hindi niya na nakilala ang sariling boses. Tila natuyo ang lalamunan niya at hindi niya nagawang magsalita nang maayos.

Hindi nakinig si Lian. Nakita niya na lang bigla ang naglalagablab na apoy na nakapalibot sa kaniya. Unti-unti rin siyang lumutang sa ere habang ang kamay naman ni Lian ay gumagalaw sa posisyong hindi niya maintindihan.

Napasigaw siys sa takot.

Masusunog siya! Isang maling galaw niya lang ay tiyak na mapapaso siya! Ito na ba ang katapusan niya? Wala naman siyang ginawang masama sa mga ito!

Tama nga ang kaniyang tiyahin. Siya mismo ang magdadala sa sarili niya sa kapahamakan!

Tiningnan niya ni Lian nang diretso. Ang mga mata niya ay hindi na magkanda-ugaga sa paglabas ng mga luha. Mali ba ang desisyon niya na sumama rito? Dapat niya bang pagsisihan ang pagtitiwala niya kaagad sa babae?

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon