Prologo

18.4K 536 8
                                    

Sleight of Magic

Mula sa likod ng puno ay kitang-kita ni Hedia ang paglamon ng apoy sa kanilang buong bahay. Gusto niyang pumasok upang iligtas ang kaniyang nag-iisang kapatid ngunit hindi niya magawa dahil huli na ang lahat. Napaiwas siya ng tingin nang tuluyan nang bumigay ang ikalawang palapag ng kanilang bahay. Impit siyang napaiyak habang hawak-hawak ang sanggol na natutulog sa bisig niya.

Ang sanggol na walang kaalam-alam sa mga nangyayari sa paligid nito. Hindi alintana ang malakas na ingay at mainit na paligid. Napakabata rin nito para maulila sa mga magulang. Habang tinitingnan ito ni Hedia ay hindi niya mapangalanan kung ano ang dapat niyang maramdaman habang hawak ang sanggol. Naghahalo ang mainit at mahapding galit na sumusugat sa kaniyang puso ngunit sa kabila niyon ay nalulunod din siya sa matinding awa para bata.

Tinuyo niya ang kaniyang mga luha saka naglakad palayo sa bahay na nilalamon ng apoy.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Ikinumpas niya ang kaniyang isang kamay. Huminga siya nang malalim at kasunod niyon ang pagbigkas niya nang mga mahiwagang salita.

Sa isang iglap lang ay nakaalis na sila sa mainit at nakakamanhid na lugar na iyon. Tumingin siya sa kaniyang harapan at bumungad sa kaniya ang mahinahong hampas ng alon sa may dalampasigan. Napakaaliwalas ng kalangitan at napakaganda nang asul na karagatan.

Dumiretso siya sa kubo malapit sa dalampasigan. Umupo siya saka niya tiningnan ang batang kalong-kalong niya.

"Napakaganda mo. Ngunit hanggang kailan?" Ngumiti siya nang mapait nang naalala ang kinahinatnan ng kaniyang nag-iisang kapatid nang dahil lang sa batang ngayon ay hawak niya.

"Kahit kailan ay hindi ka na makakaalis sa lugar na ito." 

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon